Koleksyon ng BoC sa RCEF, above target na!

July 26, 2020

NAKAGIGILALAS ang ginawa ng Bureau of Customs (BoC ) nitong mga nakaraang buwan.

Akalain niyo ba namang bumaba na nga ang volume ng importasyon ng bigas eh tumaas pa ang rice tariff collection mula Enero hanggang Hulyo 17, 2020.

Hindi magic ang ginawa nina BoC Chief Rey Leonardo "Jagger" Guerrero para malampasan na ang target rice tariff collection sa isang taon.

Ang  rice tariff collection ng BoC sa loob lamang ng mahigit na anim na buwan ay umabot na ng P10.728 bilyon.

Ang BoC ay meron lang yearly target na P10 bilyon  in rice tariff collection for remittance sa Rice Competitiveness Enhancement fund (RCEF).

Mula Enero hanggang Hulyo 17, umabot lang ng 1,651.267 metric tons ang volume ng rice importation.

Ito'y mababa ng 24.6 percent kumpara sa importasyon sa kaparehong period noong isang taon.

Sa kabila nito ay tumaas pa ng eight percent ang rice tariff collection.

Sa kaparehong period noong 2019 ay umabot lang ng P9.936 bilyon ang koleksyon ng BoC.

Kagaya ng sinabi natin, hindi magic ang ginawa ng BoC kundi tamang valuation ng mga produkto.

Sa totoo lang, ang BoC "consistently conducts close monitoring of the declared value on rice importations."

Sumusunod ang BoC sa global published prices para sa bigas.

****

Siguro ay hindi naman masamang pasalamatan natin ngayon ang mga ismagler.

Dahil sa mga katarantaduhan nila ay nakatipid ng malaki ang gobyerno.

Kaysa bumili ng sasakyan ang ilang ahensya ng gobyerno, nagkaroon sila ng libreng behikulo.

Kamakailan ay ipinamigay ng Bureau of Customs  sa Port of Irene sa Sta Ana, Cagayan ang 758 forfeited motor vehicles.

Ang PNP ay nakakuha ng 120 sasakyan, AFP 60 at Presidential Security Group 5.

Ang natitirang 573 ay nakatakdang ipamigay sa iba pang ahensya ng gobyerno.

Pinangunahan ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, isang dating military general, ang turnover ceremony.

Ang mga ipinamigay na sasakyan ay mga second hand na, ayon sa batas, ay hindi puwedeng bilhin sa labas ng bansa.

Ang ban ay naglalayong maprotektahan ang lokal na automotive industry.

Tama lang naman!

********

Marami pang magulang ang ayaw pang ipa-enroll ang mga anak para sa darating na pasukan.

Hindi natin masisisi ang mga magulang dahil ibang sakit ang COVID-19 na ito.

Madaling itong makahawa at damay-damay ang maraming tao kahit isa lang ang nagkaroon ng virus na ito.

Iyon ngang  sobrang yamang mga tao na hindi yata madapuan ng langaw eh nagkakasakit ng COVID-19, iyon pa kayang mga bata na wala na ngang makaing masustansya ang hindi mahawa.

Talagang nakakatakot ang virus na ito. Kapag nagkahawa-hawa ang mga bata, baka magturuan ang mga pasimuno sa face-to-face classes.

Pati mga guro ay kawawa din. May mga anak na dapat asikasuhin sa bahay.

Okay lang pumasok sa eskuwela kung walang krisis puwede kasing kumuha ng mag-aalaga sa mga maliliit na anak.

Pero hindi normal ang panahon at sitwasyon ngayon.

Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa buong bansa,  buhay ang nakasalalay dito.

Hindi ba, Education Secretary Leonor Briones?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong oangalan at tirahan.)