Kontrabando, timbog sa BoC-CIIS, NBI

June 14, 2020

KAHIT na panahon nang COVID-19 pandemic, may mga tiwaling negosyante pa rin ang nagpupuslit ng mga kontrabandong pagkain.
Dahil mga puslit, talaga namang nakakatakot kainin ng mga tao ang mga produkto.

Kamakailan lang kasi ay nakakumpiska ang mga tauhan ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero ng mga puslit na  food item.

Nagkakahalaga ng P25 milyon, ang mga produkto ay natagpuan sa isang bodega sa Angeles City sa Pampanga.

Natagpuan sa nasabing bodega ang mga peking duck, soy sauce, oil, fish at squid ball, gulay at pork meat.

Ang bodega ay sinalakay ng mga taga-BoC Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at National Bureau of Investigation (NBI).
Armado sila ng letter of authority at mission order na pirmado ni Commissioner Guerrero.

Mabuti na lang alerto ang mga tauhan ni Sir Jagger.

Natunton nila ang mga kontrabando, lalo na ang mga pagkaing posibleng makasama sa kalusugan ng taumbayan.

Mantakin niyong perhuwisyong aabutin natin kung may sakit ang mga peking duck at naibenta sa merkado.
Patay na naman sana ang  poultry industry natin.

Patay din ang piggery business kung kontaminado ng african swine fever (ASF) ang puslit na karneng baboy.

Tsk tak tsk.

***
Mabuti naman at patuloy ang pagdispatsa ng mga overstaying container van sa aduana.

Nakatutulong ito para hindi magkaroon ng tinatawag na "port congestion" sa pantalan.

Kung maibenta sa pamamagitan ng public auction  ang mga abandonado at kumpiskadong kargamento ay karagdagang pondo ito sa Bureau of Customs (BoC).

Kailangang maghanap ng mapagkukunan ng pondo ang BoC dahil bagsak ang kita ng ahensya.

Magmula  kalagitnaan ng Marso ay matumal na ang negosyo sa aduana dahil sa enhanced community quarantine o ECQ.

Ayon sa rekord, naka-dispose ang BoC ng 271 overstaying container vans mula Mayo 22 hanggang Hunyo 5.

Dahil dito ay umabot na ng 1,588 ang lahat ng container vans na nadispatsa ng BoC sa taong ito.

Mayroong 19 containers ang isinubasta sa Port of Manila at Port of Davao.

Ang mga container van na ito ay naglalaman ng telebisyon, tiles at plywood.

Sana patuloy na madecongest ang mga pantalan para kapag muling sumigla ang kalakalan sa bansa ay hindi na magkarion ng port congestion

sa ating mga pantalan.

***

Ngayon pa lang ay umiiyak na ang maraming magulang sa paggamit ng gadgets sa pag-aaral ng mga bata.

Saan daw sila kukuha ng pambili ng gadget?

Alam naman daw ng gobyerno na marami ang walang trabaho.

Kung may magandang loob na mamimigay ng gadget, saan naman daw sila kukuha ng pambili ng load.

Marami talagang problema sa online education.

Madaling sabihing gumamit tayo ng "wonders" ng makabagong teknolohiya.

Pero ang katotohanan niyan ay hindi pa handa ang mga Pilipino sa larangang ito.

Puwede siguro sa mga mayayaman kasi nagagawan nila ng paraang bigyang solusyon ang mga problema.

Ang problema nga lang ay mas maraming mga mahihirap na tao sa bansa na hindi nga makakain ng tatlong beses  isang araw.

Sige DepEd, ipilit niyo pa!

Parang K to 12 lang 'yan na pilit niyong pinalunok sa mga magulang at estudyante!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan. )