Kultura at Sining dapat nang palakasin—Cayetano

SA pagtatapos ng ‘SONA’ ni Pang. Rody noong Lunes, Hulyo 27, 2020, “kayod-kalabaw” na naman ang ating mga mambabatas, sa pangunguna ni House Speaker Alan Peter Cayetano.

At bukod sa pag-aasikaso sa mga kailangan pa rin gawin dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19, kung saan ‘sandamakmak na ang mga panukala na lahaet ay naglalayong makatulong sa taumbayan ngayong panahon ng pandemya at sa katotohanang wala pa ring nahahanap na bakunang panlaban sa COVID-19.

Subalit, hindi sapat ang kasalukuyang sitwasyon upang mapabayaan ang iba pang mahahalagang aspeto ng pamumuhay ng mga Pilipino, katulad ng ating sining at kultura.

Kaya naman minabuti ni Speaker Alan, kasama ang iba pang mga kongresista, na maghain ng panukalang batas upang maitatag ang isang ‘Department of Arts and Culture.’

Hindi rin kasi dapat kalimutan na libo-libo sa ating mga ‘performing artists’ at ‘creative industry’ ang malubhang “nasaktan” dahil sa pandemya kasama na ang buong industriya ng turismo.

Kanselado ang mga concerts, mga sinehan, pati mga ‘comedy bars’ ay pawang nagsara dahil sa COVID-19.

Lugmok na lugmok ang industriya ng entertainment sa bansa at marami sa ating mga nasa performing arts ang pumasok na sa ibang negosyo at sa kahit anong trabaho para lang kumita at matustusan ang kanilang pamilya.

Para naman kay Speaker Alan, dapat lang suportahan ng gobyerno ang training and development ng mga nasa performing and creative arts.

Ito ay hindi lang para ang ating bansa ang makinabang, bagkus, magkaroon din ng pagkakataon na makapagtanghal sila sa Asya at makilala ang galing ng Pinoy sa larangan ng sining sa buong mundo.

Kumbaga, may dahilan si Speaker Alan na “manghinayang” sa galing at pagiging talentado ng mga Pinoy artists kabilang na ang mga artista, singer at iba pang mga nasa perfoming at creative arts industry.

Paliwanag pa niya: Sa akin, ang sining (the arts) whether it’s for advertising, whether it’s for movies, it’s for telenovelas, whether it’s for marketing ng mga projects, whether it’s OPM as an album or a jingle ng isang produkto, very creative tayo doon.

“I don’t think we should lose our advantage there, or whatever we lost, I think we should gain it back.”

Pinansin pa ni Speaker Alan na ang pagsikat ng mga ‘K-Pop Stars’ ng South Korea na ay dahil sa pagtutulungan ng industriya ng sining doon at ng kanilang gobyerno.

“Yung sa K-Pop at K-Drama, hindi aksidente ‘yun. Pinagtulugan ‘yun ng pribadong sektor at gobyerno; ang kanilang mga performing artists, nag-aral talaga,” aniya pa.

Kaya naman, asahan na natin na hindi lamang ang mga frontliners at ibang sektor ng bansa ang bibigyang pansin ng Kamara sa paglaban sa COVID-19 kundi pati na rin ang kapakanan at kabuhayan ng mga nasa performing and creative arts sa Pinas.

Abangan!

***

Alam kaya ni Comm. Jagger Guerrero at BOC spokesman Atty. Jett Maronilla, na may “problema” sa media itong si “Coll. RR” ng MICP?

Dangan kasi, may ‘order’ pala siya, Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director, Joel Sy Egco, na “bawal” magpasok ng kahit anong peryodiko at mga lokal na pahayagan sa MICP!

“Bawal” din umano ngayon na pumasok ang sino mang media sa MICP nang walang ‘written request’ at walang ‘approval’ galing sa kanya?

Ang sumbong ng ilang miron, “nabanatan” (daw) sa isang pahayagan si Coll. RR at sa halip na ipagwalang bahala na lang o kaya naman ay magsampa ng kaso sa korte, aba’y ang buong hanay ng media ang “pinag-initan,” talaga rin naman!

Eh, teka lang, Coll. RR, nasa demokrasya pa rin po tayo at matagal nang natapos ang batas militar—noon pang 1981 kaya ang inyong estilo ay hindi nakakatulong sa administrasyon ni Pang. Rody at Comm. Jagger.

Gusto nating ituring na “kaibigan” itong si Coll. RR at kahit paano ay matagal na rin naman nating kilala.

Harinawang “mahimasmasan” siya at baguhin ang kanyang estilong panis sa pagtrato sa media.

Abangan ulit!