Kuneho ang ipapalit sa baboy?

February 23, 2020

Ayaw nga ng People for the Ethical Treatment of Animals o PETA ang pagkatay sa baboy at iba pang hayop upang kainin, iminungkahi naman ng Department of Agriculture (DA) na ang kuneho o rabbit na lang ang ipalit na karneng pagkain.

Hindi na makontrol ng DA ang pagkalat ng African Swine fever sa bansa kaya nag-isip na sila ng ibang makakatay.

Bakit sa Cebu ay hindi makapasok ang Asf? Mahigpit ang tagubilin ni Gov. Gwen Garcia na walang dapat makapasok na baboy sa kanilang lalawigan na galing sa ibang lalawigan. Lockdown sila doon.

Ayaw pa nga ni Secretary Dar ng DA ang ginawa ni Garcia at pinakiusapan pa niya ito na alisin na ang lockdown. Ngunit lumalabas na mabisa ang ginawa ni Gov. Garcia.

Ngunit napansin n’yo ba na mula nang maupo si Sec. Dar sa DA ay puro Asf na lang ang kanyang kinaharap dahil ito na ang lumalabas na pinakamalaking problema ng agrikultura ngayon? Ang Asf baboy!

Tila lockdown ang pinakamabisang sandata ngayon sa pagkontrol ng virus tulad ng Covid-19 na pilit na kinokontrol ngayon ng Tsina sa Wuhan.

Wala namang masama rito. Bakit hindi na lang imungkahi ng DA at ni Dar na kumain na lang ng maraming gulay at isda kaysa ng baboy at  kuneho.

Una ay wala ring sapat na supply na kuneho na maatutugon sa pangangailangang pagkain ng mga Pilipino. Ikalawa, maraming napapangiwi sa pagkain ng kuneho dahil sa itsura nito at ang pagiging nakaugaliang pag-aalaga dito bilang pets ng maraming Pinoy lalo na ang mga bata.

Ikatlo, mahal ang isang kilo ng kuneho kaysa baboy, baka, manok o  isda. P400.00 ang isang kilo ng kuneho!

Ikapat, kahit maganda ang balahibo ng kuneho, kamukha pa rin ito ng dagat! Para silang dagang kosta kung tawagin. Itimin mo lang ang katawan, dagang kalye na ang itsura nito!

Kaya maraming ayaw kumain nito. Mahal na, mukhang daga pa!

Dapat na lang gawin ng DA ay sabihin sa mga breeder ng mga baboy na huwag na itong pakainin ng mga pagkaing may kemikal o kanin-baboy na galing sa mga kabayan na sa totoo lang ay mga tirang dumi ng kusina na nahaluan pa ng mga dura ng tao at kung anu-ano pa. Humihina ang katawan ng mga ito kaya madaling tablan ng virus o bacteria o mikrobyo. Ganito rin lagi ang bilin ng mga eksperto ngayon sa mga tao dahil sa Covid 19--panatilihing malakas ang katawan; laging maghugas at magsabon ng kamay ,atbp.

Mag-organic agriculture farming na lang kayo ng pagpapakain ng mga hayop. May Organic Agriculture Law na nga eh hindi ito pa sinusunod!

Karumihan ang problema ng mga sakit sa buong mundo. Sinisira ang Inang Kalikasan sa pamamagitan ng mga tambakan ng basura at kemikal sa mga pagkain ng tao at hayop, pagbasag sa mga kabundukan upang makuha ang yaman nito, at pagpuputol ng mga puno.

‘Yun lang dami ng tambakan ng basura sa Pilipinas ay pagmumulan na ng maraming sakit ng mga Pilipino! Kailangang maituro ng DA ang  ecological living sa lahat ng aspeto ng pamumuhay. Iwaksi na ang kasalaulaan!

Ang kasalulaan, pagsira sa Inang Kalikasan ang puno’t dulo ng lahat ng delubyo sa ating bansa at mundo.         (bangonkalikasan@yahoo.com)