‘Kung maraming tao, maraming basura?’

February 05, 2019

Laging binibigkas noon ng yumaong aktor at environmental advocate na si Roy Alvarez ang mga salitang “kung maraming tao, maraming basura.” Lagi niyang sinasabi ito sa kanyang mga pagsasalita sa ilang mga okasyon na aking nadaluhan.

Karanasan ito ni Roy sa nakita niya sa  ilang mga shooting location niyang napuntahan. Napakaraming pelikula  ang ginawa niya kaya maraming lugar din ang napuntahan na niya upang mag-shooting.

Ganito rin ang sinabi ng isang magsasakang ipinanganak at lumaki sa isang bayan sa lalawigan ng Bulacan.

Ayon sa magsasaka, “noong araw ay kakaunti lang ang mga tao dito sa aming bayan. Napakalinis ng aming kapaligiran. Ngunit nang dumami na ang mga dumayo upang manirahan dito, nasalaula na ang bayan namin. Dumami na ang basura!”

Nasaksihan ko ang kuwentong ‘yon ng magsasaka tungkol sa dati nilang lugar na napakalinis at tahimik. Ang sabi ko nga noon ay ikaapat pa lang ng hapon ay parang ikapito na ng gabi. Tahimik na tahimik na. Maagang nagpapahinga ang mga magsasaka mula sa maghahapong pagtatanim.

Malinis ang kailugan nila noon at maraming mga puno. Ang bayan ay isang agrikultural na lugar. Ngunit hindi na mga palay at gulay ang tumutubo ngayon. Mga subdivision at mall na ang umusbong.

Matindi na rin ang air pollution sa bayang naturan. Masikip na rin ang daloy ng trapiko papunta sa bayan ng magsasaka. Nakalulungkot.

NGAYON, dinudumog naman ng mga tao ang Manila Bay partikular ang Baywalk, dalampasigan at tubig-dagat nito.

Dumagsa ang mga tao dahil ang tingin nila ay malinis at ligtas nang mamasyal sa dalampasigan at maligo sa dagat.

Ngunit isang kaanak ko ang tumigil nang saglit sa baywalk at minasdan ang dagat dalawang araw ang nakalilipas. Halos wala nang basura ang dagat aniya. Ngunit mabaho pa rin daw ang amoy. Ngunit tila hindi daw ito pinapansin ng mga namamasyal na tao bata man o matanda. Langoy lang sila nang langoy.

Totoo nga ang sinabi ng kaanak ko. Kahapon ay nakita ko sa mga balita sa telebisyon ang sandamakmak na tao sa dalampasigan ng Manila Bay. Chinese New Year at walang pasok kaya namasyal sila sa tabing-dagat, sabi ng isang nainterbyu ng tv station. May tatlong pulis akong nakita na dapat ay sumasaway sa mga taong naliligo ngunit tila wala itong magawa.

May isa pa ngang retiradong heneral na tauhan ‘umano ng Metro Manila Development Authority o MMDA, ang nagsabi sa interbyu sa kanya na “napakaraming tao ang natuwa dahil malinis na ang dagat at gustong mamasyal at maligo… Kahit ako ay gusto ko nang maligo.”

Ipinahayag ng Departments of Environment and Natural Resources at Health na hindi pa ligtas maligo sa Manila Bay. Bawal pa dahil maaaring magkasakit ang mga maliligo.

Hindi kaya nakikita at naaamoy ang dagat  ng mga kababayan nating namamasayal at naliligo dito matanda man bata o bata? O sadyang sabik ang mga kababayan nating hindi marahil makapunta ngayon sa Boracay at iba pang beach at sa Manila Bay “burakay “ na lang muna ang pinapasyalan.

Maburak pa ang dagat. Isang linggo pa lang ang nakaraan mula inalis ang labing-isang trak ng basura mula sa dagat. Apat na dekadang “lumangoy” at “nagbabad” ang iba’t ibang klase ng basura kasama na ang mga dumi ng tao at hayop s dagat na ito. Hindi naman puwedeng pakuluan ang tubig-dagat upang “instant” na maging malinis at ligtas ito. Aabutin pa ito ng maraming taon upang ganap na maideklarang malinis at ligtas nang languyan ang Manila Bay ng mga tao.

‘Yan ay kung hindi na magtatapon ng basura ang mga tao sa mga ilog at estero na pumupunta sa Manila Bay. (bangonkalikasan@yahoo.com)