Kung sa POGO ay may pastillas, may sibuyas scam naman sa Bumbay!

SUNUD-SUNOD na anomalya ang ipinupukol ngayon sa pamunuan ng Bureau of Immigration.

Mula sa simpleng kaso ng prostitusyon ng mga China girls na nagliparan sa bansa, nagresulta rin ito sa pagkakabuko sa multi-million raket ng BI employees para sa mga Chinese nationals na empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ang tawag rito ay Pastillas Scam kung saan ay binabalot na parang minatamis na Pastillas ang perang ipinangsusuhol sa mga taga-BI.

Sa testimonya ng whistleblower na si Immigration Officer Allison Chiong, aabot sa P10,000 ang ‘tongpats’ kada Chinese. Bukod sa video na kuha ni Chiong noon pang taong 2018, tinukoy nito ang ilang kasamahan na sangkot sa Pastillas Scam.

Ilan sa kanila ay si Totoy Magbuhos, Deon Albao (alias Nancy), Paul Borja (alias Lisa), Anthony Lopez (alias AL), at Dennis Robles (alias DR). Sinama pa ni Chiong sina dating Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) heads Bien Guevarra, Glenn Comia, at Den Binsol.

Lagpas 40 BI employees na ang sinibak sa puwesto na nahaharap din sa kasong criminal at administratibo.

Sinabi ni opposition Senator Risa Hontiveros, chairperson ng Senate committee on  women, children, family relations and gender equality; kung may 1.8 million Chinese nationals ang nakapasok sa bansa, aabot na sa P10 billion ang umikot na tongpats sa Pastillas Scheme.

Samantala, may hiwalay na imbestigasyong isinasagawa si Senador Richard Gordon, chairman ng Blue Ribbon Committee. Tungkol naman ito sa multi-billion dollar na ipinapasok sa bansa ng ilang POGO personalities na bukod sa garapalang pambababoy sa Anti-Money Laundering Law ay malaking banta rin sa seguridad ng bansa.

At hindi pa man natatapos ang imbestigasyon nina Hontiveros at Gordon tungkol sa kapalpakan at kabulastugan sa loob ng BI, asahan na rin nating sasambulat sa mga susunod na araw ang panibago pang iskandalo sa kagawaran.

Kung sa POGO kasi ay may tinatawag na Pastillas Scam, mayroon namang ‘Sibuyas Scandal’ na kotong naman sa mga dumarating na Bumbay sa Pilipinas.

Simple lang pero mas malakas ang lagayan sa Sibuyas Scam. Sa Pastillas kasi ay P10,000 ang tara kada Chinese, sa Sibuyas ay aabot sa P45,000 hanggang P60,000 ang tongpats rito.

Sa inisyal na impormasyong nakalap ng ‘Uncovered,’ nagsisimula ang lahat ng ‘modus-operandi’ para sa mga pumapasok na Bumbay sa Pilipinas mula sa pagkuha ng 9G Visa o iyong tinatawag na Working Visa.

Ang bilang ng mga nakapasok na Bumbay sa ‘Pinas ay aabot na sa 10,000 at 90 porsiyento rito ang siguradong peke ang kanilang dokumento!

Isa sa sistema ng mga Bumbay ay kukuha muna ng visa sa bansang Singapore. Isa ito sa madaling paraan para makapasok sa Pilipinas nang hindi na dumadaan sa Philippine Embassy mula sa bansang India.

Kapag ang isang turista kasi na may hawak ng visa mula Singapore, Europe, Canada at Amerika, hindi na sila hinahanapan ng visa papasok sa Pinas at dahil papel lang ang inilalabas na visa ng Singaporean government – at hindi nakatatak sa passport, — madali itong napalulusutan ng mga corrupt na BI officials and employees.

Sa ating sistema, ang maximum stay ng isang turistang Bumbay na may Singaporean visa ay maaari lamang 21 araw. Kapag nahuli silang mag-extend ng walang pahintulot ng BI, automatic ay iba-blacklist sila. Kaya ang ginagawa ay ini-extend sila hanggang 59 days, kapalit ng P45,000 hanggang P60,000 lagay kada isang Bumbay.

May anomalya na agad sa puntong ito dahil ang 59-days na visa ay ibinibigay lamang  sa mga turistang nag-aasikaso ng kanilang dokumento sa Philippine Embassy at hindi ang mula sa Singapore visa. Nakukuha ito may ‘point of origin’ na India at hindi sa bansang Singapore!

Ang catch, kapag na-extend na sila hanggang 59 days, madali na nila itong napapahaba mula anim na buwan hanggang isang taon at napapa-convert na ng sindikato sa 9G na mayroon ding pekeng labor ID mula sa mga pekeng labor company.

Karamihan sa mga Bumbay na ito ay nag dedeklara rin ng lost passport at pagkakuha nila ng panibago nilang passport sa Indian Embassy dito sa Pilipinas, napapa-restamp na nila ang kanilang mga tourist visa mula sa simpleng papel lamang na galing sa bansang Singapore.

Marami pang kuwento at pagbubunyag ang ‘Uncovered’ tungkol dito at sa mga susunod nating column ‘next week,’ hihimayin pa natin kung anu-anong department sa BI ang dapat kuwestiyunin tungkol sa Sibuyas Scam.

Abangan!