Lacson,ipinagtanggol ni Pacquiao!

August 17, 2020

BINUWELTAHAN ni administration Senator Manny Pacquiao ang ilang kritiko ni Senador Panfilo Lacson na pilit binabaligtad ang ginagawang kabayanihan ng dating PNP chief sa pagbunyag sa multi-billion peso scam sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).

Kahit ang mga tinatawag na DDS o Diehard Duterte Supporters ay pinaalalahanan ni Pacquiao na hindi si Lacson ang kalaban ng pamahalaan kundi ang mga corrupt na opisyal mismo sa Philhealth!

Sa isang statement, sinabi ng Pambansang Kamao na dapat pasalamatan pa ng taumbayan ang ginagawang kabayanihan, kagalingan at katapangan ni Lacson sa pagsusulong ng krusada kontra katiwalian.

Aniya, ang giyera kontra korapsiyon ay pangunahing kampanya rin ng administrasyon kaya hindi ito dapat masamain ng Duterte supporters.

Kung nanamnamin, kahanga-hanga ang ginagawang pag-aaral at pagsasaliksik ni Ping upang mabunyag sa Senate inquiry ang P15 billion Philhealth anomaly.

Anumang detalye ng katiwalian na nabunyag dahil sa kagalingan ni Ping ay higit pang ipagpasalamat ng taumbayan – Duterte supporters ka man o hindi --- dahil napakalaking tulong nito upang mahubaran ng maskara ang lahat ng sinasabing miyembro ng mafia sa Philhealth.

“Huwag naman sanang masamain itong mga ginagawang pagbubunyag ni Senator Lacson. He is just doing his job. Kami sa Senate, we are just exercising our oversight powers to protect our people from thieves posing as government officials,” sabi pa ni Pacquaio.

Naniniwala rin ang boksingerong senador na may ilang ‘tiwaling government officials’ na rin ang nagbibigay ng maling impormasyon sa Pangulong Duterte na balewala kay Lacson dahil sa kanya, mahalagang mabunyag ang lahat ng uri ng anomalya na labis nagpapahirap sa taumbayan.

“The  Senate is investigating this PhilHealth anomaly  in aid of legislation and can only recommend appropriate government action based on its findings. We are presenting the facts through witnesses and material evidence that may be presented  and can recommend the filing of charges if needed. But in the end, it is the President who has the sole power to fire erring officials in his administration,” anang mambabatas na tinaguriang ‘the greatest pound-for-pound fighter of all time’ sa buong mundo.

“It is up to the President to appreciate the recommendations of the Senate and we would not take it as an offense if in the end he sees things differently. Basta kami sa Senate gagawin namin ang trabaho naming protektahan ang milyun-milyong miyembro ng PhilHealth,” pahayag pa ni Pacquiao. 

Sa ginawang ito ni Pacman, mas maraming mamamayang Pilipino ang humanga sa kanya dahil hindi nito inalintana kung buweltahan man siya ng DDS.

Basta ang sa kanya, maipaliwanag na sa halip batikusin, dapat ay magpasalamat pa tayong lahat dahil may Senador Lacson na ‘consistent’ sa pakikipaglaban kontra katiwalian.

Sa puntong ito, hindi tuloy nakaligtas sa malikot na pag-iisip na hindi malayong sa darating na 2022 presidential elections ay puwedeng magtandem sina Lacson at Pacquiao. Isang kilalang ‘graft buster’ si Ping, samantalang si Pacquiao naman ay isang senador na tunay namang mapagmahal sa mahihirap.

Abangan natin ang kuwentong ito!