Lahat tayo ay sundalo laban sa Covid-19

Hindi ito martial law, hindi rin ito pagpigil sa karapatan nating lahat na makalabas ng ating mga tahanan.

Mas malapit ito sa “apokalipto” na pinsan buo ng pagkaubos ng maraming tao. Dito sa atin, habang isinusulat natin ito, 12 na ang patay at mahigit isang daan na ang infected. Sa maraming bansa, hindi na mabilang ang namamatay at daan-daang libo.

Noong isang linggo, 105 na bansa lang ang apektado pero ang update nitong Marso 17, umabot na sa 162 countries ang invaded ng covid19.

Kaya nga tama itong extreme measures na ipinatupad ni Pangulong Duterte na total lockdown sa Luzon, lalo na dito sa Metro Manila.

Sana lang, mag-lockdown na rin ng bibig ang mga kritiko, lalo na iyong naglalabas pa ng opinion na “walang karapatang arestunin” ng pulis ang mga magpupumilit na lumabas sa checkpoints.

Tigilan na ng mga epal ang kanilang mga walang laman na opinion na hihikayat sa publiko na maging matigas ang ulo. Kailangang gawin ng gobyerno ang lockdown na ito para mapigilan natin ang lalo pang pagkalat ng virus.

Kailangang sumunod tayong lahat sa kautusan ng mga awtoridad para hindi na lumubha pa ang problema.

***

Suportahan din natin ang mga pulis, sundalo, doctors, nurses at ang mga medical doctors na nasa frontline services.

Itinataya rin nila ang kanilang mga buhay para lamang matiyak na ligtas tayong lahat. Sa pamamagitan nila ay nagkakaroon ng lakas ang ating paglaban sa mapamuksang sakit na ito.

Pero sabi nga ni Pangulong Duterte, lahat tayo ay sundalo sa mga ganitong panahon. Magsama-sama tayong labanan ang problema sa virus.

Ang paglaban na tinutukoy dito ay ang pagsunod natin sa lockdown. Kapag nanatili tayo sa ating mga tahanan, mapipigilan natin ang pagkalat pa nito.

Mabuhay ang ating mga awtoridad na nasa sentro ng pagpuksa sa virus.
allanpunglo@gmail.com