Legislative agenda ng Duterte administration, umaarangkada!

February 25, 2019

Itinuturo sa lahat ng freshman sa mga law school ang pagiging hiwalay at independent ng three branches of government: ang lehislatura, ehekutibo, at hudikatura.

Sa sistemang ito, wala ni isang departamento ang mas makapangyarihan kumpara sa iba.

Pero may mga pagkakataon na kinakailangan ang pagtutulungan ng mga departamentong ito para sa kapakanan ng taong-bayan. Isa na rito ang pagkakaroon ng LEDAC o ang Legislative-Executive Development Advisory Council.

Sa pagtutulungan ng ehekutibo at lehislatura, nailalatag ang mga panukalang batas na prayoridad ng dalawang ahensya na ito.

At nitong nakaraang linggo nga ay sunud-sunod na ang pagpirma ng Pangulong Duterte sa mga game-changing na mga batas.

Una na rito ang Universal Healthcare Law. Sa ilalim ng batas na ito, magiging kasapi na sa PhilHealth ang ating mga kababayan para hindi na nila problemahin pa ang pagpapagamot.

Ang matagal nang inaasam ng mga ina na mas mahabang maternity leave ay pinirmahan na rin ng Pangulo. Sa ilalim ng bagong batas na ito, 105 na araw na ang maternity leave ng mga kababaihan. Mas mahabang panahon para mag bonding ang mag-anak at kanilang bagong silang na anak.

Ang isinulong nating National Integrated Cancer Control Act ay batas na rin. Sa batas na ito, papaigtingin ang research ng bansa para labanan ang cancer.

Hindi na magiging problema ang papalit-palit ng cellphone numbers dahil sa Mobile Number Portability Act. Kahit na mag palit ka ng sim card o maisipang mag postpaid papuntang pre-paid, isang numero na lang ang gagamitin mo.

Noong nakaraang taon ipinasa natin ang Bangsamoro Organic Law na dumaan sa matagumpay na plebisito. Layong tugunan ng BOL ang dekada nang kaguluhan sa ilang bahagi sa Mindanao.

Noong nakaraang taon din isinabatas ang Free College Education Act at Free Irrigation Services Act. Sa mga batas na ito, masisiguro natin na ramdam ng mga kabataan at ating mga magsasaka ang malasakit ng gobyerno.

Ito at maraming iba pa ang produkto ng pagtutulungan ng ehekutibo at Kongreso sa loob lamang ng halos tatlong taon.

Hindi natatapos dito ang pagsisilbi natin sa ating mga kababayan. Marami pa tayong isusulong para sa bayan.