'Lethal injection' para sa mga Ismagler ng gulay

August 02, 2020

ISANG buwan bago magsimula ang mga tinatawag na "ber months" ay isinalin na ng BoC-PoM sa PNP-FEO ang mga puslit na  "imported firecrackers."

Ang mga puslit na paputok, na nagkakahalaga ng P5 milyon, ay nakalagay sa isang 40-foot container van.

Ang turnover ay ginawa sa Blasting Site, Sta Juana, Capas, Tarlac.

Naka-consigned sa Wealth Lotus Empire Corporation, ang shipment ay idineklarang naglalaman ng plastics bins.

Ang importasyon ay paglabag sa Republic Act (RA) No. 7183 o "an act regulating the sale, manufacture, distribution of firecrackers and other pyrotechnic devices.

Paglabag rin ito sa RA No 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CTMA).

Sinabi ni PoM District Collector Michael Angelo Vargas na ang turnover ay alinsunod sa programa ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero na idispose na ang mga overstaying cargoes.

Siyempre ayaw ng BoC na magkaroon ng pagsisikip ng mga kargamento sa mga pantalan.
Pagpasok ng Setyembre, ang unang "ber month," inaasahang parating na ang mga "Christmas Items" mula sa ibat-ibang bansa.
Tama ang ginagawang pagdispose ng mga nakatambak na abandonado, overstaying  at kumpiskadong kargamento.

***

Ibat-ibang imported goods ang kinumpiska na naman ng BoC sa Port of Manila.

Ang misdeclared goods ay kinabibilangan ng carrots, sigarilyo, ukay-ukay at iba pang produkto.

Ang mga kontrabando ay nakapaloob sa dalawang container vans na  galing China.

Ang mga shipment ay dumating sa POM noong June 23 at 27 at naka-consigned sa Real Mart Marketing at Bayfort Marketing.
Noong July 10 ay nakatanggap ng derogatory information ang CIIS-POM na ang shipment ng Real Mart ay naglalaman ng mga hindi deklaradong produktong agrikultura.

Ayon sa report, ang shipment ay idineklarang naglalaman ng frozen chimei pastry bun.

Ang container na consigned sa Bayfort ay idineklara namang naglalaman ng knack sack bags, tissues, wearing apparels, auto parts at hand tools.

Nang buksan ang container ay tumambad sa mga examiner ang mga welding machines, resins at ukay-ukay.
Sinabi ni PoM District Collector Michael Angelo Vargas na ang carrots ay nagkakahalaga ng P1.4 milyon, samantalang ang sigarilyo at ibang produkto ay nagkakahalaga ng P2 milyon.

Marami pa ring nagtatangkang magpalusot ng mga kontrabando dahil sa malaking kita dito.

Pero siguradong marami rin ang mahuhuli dahil kabisado na ng mga taga-BoC ang modus operandi nila.

Ang masakit lang, maraming nabubulok na produkto ang ating mga magsasaka tapos makakabalita ka ng mga nais magpuslit ng mga imported na gulay.

Dapat sa mga iyan, isama sa paparusahan ng "lethal injection."

***

Tatlong  bansa ang nag-uunahang gumawa ng bakuna laban sa COVID-19.

Ito ang Estados Unidos, China at Russia.

Maraming bansa ang nag-aabang para bumili ng anti-COVID vaccine, kabilang na ang Pilipinas.

Kaya ngayon pa lang ay kilatisin na natin ang mga ginagawang vaccine.

Kailangang epektibo at ligtas itong gamitin.

Dapat wala rin itong side effects dahil delikadong gumamit ng bakuna, baka maging dahilan pa ng pagka-disgrasya natin.

Ipaubaya natin sa mga eksperto ang pagpili sa bibilhin nating bakuna laban sa nakakamatay na coronavirus.

Kumonsulta din tayo sa mga foreign expert, kabilang na ang mga taga-World Health Organization.

Hindi baleng mahal, ang mahalaga, epektibo at ligtas naman gamitin.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)