Linawin ang guidelines ng community quarantine

NASA mandato ng Pangulo ng bansa ang protektahan ang kanyang mga mamamayan laban sa anumang banta, kasama ang panganib sa kalusugan.

Ang pinsalang idinulot ng COVID-19 sa mahigit isang daang bansa, kasama na ang Pilipinas, ay isyu ng public health na nagbibigay ng blanket authority kay Pangulong Duterte para tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan.

Kailangan lamang maging malinaw ang community quarantine na ipapatupad sa Metro Manila epektibo sa Marso 15, Linggo hanggang Abril 14.

Ito ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases: Land, domestic air, and domestic sea travel to and from Metro Manila will be suspended starting March 15, 2020, until April 14.

Ang ibig sabihin ba nito ay lahat ng entry points at exit points ng National Capital Region ay sarado o may mga nakabantay na sundalo’t pulis?

Ang susunod na tanong, paano iyong mga produktong papasok at lalabas ng Metro Manila habang umiiral ang community quarantine? Bagama’t nilinaw na ng DTI na  makakapasok pa rin ang mga produkto, kailangang klaro rin ang mekanismo dahil posible ring maging sanhi ng pagtaas ng presyo ang anumang pagkabalam sa biyahe ng mga ito.

Ang maganda pang linawin ay ang kung paano ang mga provincial buses na umaalis ng Metro Manila terminals at bumabalik din dito matapos ang biyahe sa mga lalawigan?

Tama ba ang pagkakaintindi natin na dapat wala munang bus na bibiyaheng papasok at lalabas ng Metro Manila? Paano iyong mga workers at mga negosyante from the provinces na dito sa Manila ang trabaho?

Iyong mga barko na nagmumula sa Port Area Manila at patungong Visayas Region o kung saanman, basta dito sa NCR nakadaong, hindi rin ba sila puwedeng maglayag palabas at papasok ng Metro Manila?

Iyong air travel suspension mas maliwanag dahil tinukoy ang suspendidong domestic travel to and from Manila. Mukhang hindi naman kasama ang international bagama’t binanggit ni Presidente na ang mga OFWs na gustong bumalik sa China ay puwedeng makalipad basta lalagda na alam nila ang panganib ng kanilang  pag-alis.

Ang kritikal dito ay iyong land travel. Kailangang maglabas ng malinaw na guidelines dito para sa movement ng mga tao at movement din ng mga produkto.

Kailangan tayong sumunod sa direktiba ng Pangulo dahil masyadong malaki ang panganib kapag lumaganap ang COVID-19 transmission. Isang buwan lang naman ito, kailangan nating magkaisa para maagapang hindi kumalat ang virus.

Gamitin natin ang pagkakataong ito para sa family bonding na matagal nang nawala sa iba dahil sa pagkagumon sa gadgets. Huwag din nating kalimutan na palaging ipagdasal ang ating bayan at ang buong mundo na sana’y magkaroon na ng lunas sa malagap na pinsalang ito.

allanpunglo@punglo@gmail.com