“Mabagal” na telco signal? Si “Yorme” ang dahilan!

August 04, 2020

“MABAGAL” ba ang ‘signal’ ng inyong Internet at kahit ang signal ng inyong cellphone ay “pahetot-hetot,” dear readers?

Eh, huwag na tayong magtaka dahil sa buong rehiyon ng Southeast Asia (ASEAN), “kulelat” ang ‘Pinas pagdating sa paramihan ng cellular towers ang pag-uusapan.

Ang nakakahiya pa, “kulelat” tayo bagaman isa ang Pinas sa nanguna sa ASEAN na nagkaroon ng ‘mobile network’ noong 1991.

Pansinin na sa ngayon, kahit ang Vietnam ay mayroon nang higit 70,000 towers kumpara sa higit 22,000 sa Pinas—samantalang ‘late entrant’ sa ating rehiyon ang Vietnam sa telecom industry.

Uulitin natin na ang bilis ng signal—Internet man o cellphone—ay nakabatay sa dami ng ‘cellsites’ at ‘telecom towers; mas marami, mas mabilis at mas ‘reliable’ ang signal.

At dahil nga “kamote” ang Pinas, pansinin na palaging may problema sa voice calls at data connection kahit sa Metro Manila.

Minsan nga, may text messages na hindi nare-receive ng pinadalhan o hindi mismo mai-send. Samakatwid, palpak ang network service!

Maraming netizens ang nagwawala sa social media kapag bumabagsak o nawawala ang kanilang phone signal pero kasalanan ba talaga ito ng Globe at Smart, ang dalawang kumpanya na dominado ang ating telecom industry?

Kung si dating Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Eliseo Rio, Jr. na naging komisyoner din ng National Telecommunications Commission noong 2001, ang tatanungin, isa lang ang sagot niya: “HINDI.”

Ayon kay Rio sa kanyang post sa sariling Facebook account, may reputasyon na sobrang laki ng kinikita ng telecommunications companies o telcos.

Dahil dito, naging gatasan (legal man o ilegal) na noon pa ng local government units (LGUs) ang mga telco. Pati nga ang New People’s Army ay nangingikil ng “tax” sa telcos na pumapasok sa mga hawak nilang teritoryo—umaabot sa higit P1.9 bilyon ayon sa datos na nakuha ng militar.

Idinetalye ni Rio na para lumaki ang annual revenue, gumawa ang mga LGUs ng mga patakaran na nagpapataw sa telcos ng mga one-time at recurring fees at sangkatutak na requirements.

Translation? Bago pala tayo mabuwisit sa mga telcos’ sa masamang serbisyo, mainam na tumingin muna tayo sa ating paligid dahil ang unang malaking dahilan ay wala palang iba kundi… ang ating mga “yorme” o mga LGUs, ahahay!

Sa sumbong ni Globe Telecom President and CEO Ernest Cu kay Presidente Rodrigo Duterte noong isang linggo, sinabi niya na kailangan ng 25-29 permits para lang maitayo ang isang tower at tumatagal nang lampas walong buwan ang pagkuha sa mga ito.

“Ang 25 to 29 permit, umaabot nang walong buwan. Tapos marami pa ho kaming miscellaneous fees. Iba’t ibang klaseng tower fees. Meron kaming special use permit. Hindi ho namin ma-standardize,” ani Mr. Cu sa kanyang televised sumbong kay Presidente Duterte noong nakaraang Biyernes, Hulyo 31.

At dahil na rin sa kanyang mahabang karanasan, “sinegundahan” ni Rio sa kanyang Facebook post ang pahayag ni Cu.

Dahil sa “dinisenyong” red tape ng grupo ng mga meyor, nagkaroon ng dagdag na kita ang mga LGUs at natukso rin ang maraming local executives na manghingi ng “lagay” sa mga telcos.

Kung nangyayari na ito noong 1G/2G pa lang, mas totoo ito ngayong 4G/5G na ang labanan.

Ito ang dahilan, anang dating kalihim ng DICT, kaya bumagal ang pagtatayo sa bansa ng mga telecommunication infrastracture, tulad ng mga cellular towers, at naunahan na tuloy tayo ng ibang karehiyong bansa.

Bunga ng pagbubunyag ng Globe official, tinaningan ni Duterte ang mga mayors na ayusin sa loob ng 72 hours ang mga permits ng mga telcos.

At kung hindi nila ito gagawin, sibak sila sa puwesto!

Sa mga netizens na panay ang reklamo sa Globe at Smart sa Facebook at Twitter, bakit hindi kaya ang mayor ninyo ang tanungin ninyo?