Mag-asawang sampal sa kritiko nina Sen. Bong at Sen. Jinggoy!

NGAYON pa lang ay hilong talilong na tiyak ang mga taong nasa likod kung paano nakulong sina dating Senate President Juan Ponce Enrile, at dating Senators Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr., at Jinggoy Estrada.

Bukod kasi sa inilabas na desisyon ng Sandiganbayan na pagpapawalang sala kay Revilla, heto’t pinayagan naman ng hukuman ang kampo nina Estrada at Janet Lim-Napoles na makapaghain ng mosyon upang ibasura ang kasong plunder na isinampa laban sa kanila.

Base sa resolusyon ng 5th Division, aprubado ng anti-graft court ang motion for leave to file demurrer to evidence nina Estrada at Napoles kaugnay sa P183 milyon pork barrel scam.

Ibig sabihin ay may pagkakataon ang dalawang kampo na hamunin ang ebidensiya ng prosekusyon kung totoo o hindi para maabsuwelto na sila sa kaso.

Kung hindi ito kinatigan ng korte tiyak ay magpapatuloy at tatagal pang lalo ang pagdinig sa kanilang kaso.

At para na rin natin nakikinita ang kasong ito dahil halos ganito rin ang nangyari kay Revilla nang hamunin ang prosekusyon na naging dahilan upang lumitaw na puro  imbento lamang ang ebidensiya sa kanila. Naging daan ito upang ipawalang sala ng Sandiganbayan si Revilla.

Positibo ang ating pananaw na darating din ang takdang araw upang i-acquit din si Estrada, tulad ng ginawang hatol sa kaibigang si Revilla.

Dahil dito, ngayon pa lang ay para nang tumanggap ng mag-asawang sampal ang mga kritiko nina Revilla at Estrada.

Unang lumagapak ang kanilang pagmumukha nang ipawalang-sala ng Sandiganbayan si  Revilla noong Disyembre 7 ng nakalipas na taon.

Nakulong din ng apat na taon at anim na buwan si Revilla dahil sa mga imbentong akusasyon.

Ang masakit nito, kahit na mismong Sandiganbayan na ang nagdesisyon at nagsalita na walang kasalanan si Revilla, pilit pa ring pinapaypayan ng kanilang kritiko ang nasabing kaso. Kabi-kabila ang mga black propaganda kay Revilla na hindi naman epektibo dahil mataas hanggang ngayon ang ratings sa survey ni Revilla.

Kulang na lang ay isantabi  ang ruling ng Sandiganbayan at ayaw nilang sundin ang hatol ng batas.

Dahil mainit ang pagtanggap ng ating mga kababayan kina Revilla at Estrada sa mga pinupuntahan nilang campaign sorties, ang kanilang kalaban naman ay walang humpay para sila siraan.

Sabi pa ng kalabang grupo, hindi raw sila papayag na mangyari kay Jinggoy ang ginawang  acquital kay Revilla -- bagay na malabong mangyari.

Ngayong nalalapit na ang May 13 midterm elections, lalo lamang mapapahiya tiyak ang mga kritiko ng magkosang senador dahil nasisiguro tayong muli silang makababalik sa Senado sa papasok na 18th Congress.