Magandang ugnayan ng Philippine Drug Enforcement Agency, Bureau of Customs at Vietnam, nagbunga kontra bawal na droga

March 27, 2019

DAHIL sa impormasyong galing sa Vietnam, nasakote ng mga tauhan ng Bureau of Customs ang shabu na nagkakahalaga ng mahigit P1.8 bilyon.

Ito ay nagpapatunay lamang na ang matatag na ugnayan at pagtutulungan ng mga bansa ay nagbubunga ng maganda para matigil na ang illegal drug business.

Marami na ang sinirang buhay at pamilya ng salot na droga sa Pilipinas.

Isa pa, ang drug menace, kagaya ng pulitika, ang dahilan ng divisiveness sa bansa.

Ipinapakita ng mga taga-Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA ) na maganda ang working relationship nila sa mga counterpart nila sa Vietnam.

Agad namang ibinato ng PDEA ang impormasyong galing sa Vietnam sa Bureau of Customs (BoC).

Mabuti na lang at maganda ang “teamwork” ng mga dating heneral na sina BoC Chief Rey “Jagger” Guerrero at PDEA Head Aaron  Aquino.

Siguradong ang pagkakasakote ng shabu sa Manila International Container Port (MICP) ay masusundan pa sa mga darating na araw.

Dahil walang parusang kamatayan sa bansa,  hindi nakapagtatakang dito ang paboritong “playing field” ng mga illegal drug syndicate.

Mahuli man sila dito ay puwede silang makapagpiyansa laluna’t may pera silang pambayad sa mga magagaling na abogado.

Ang masakit pa, mukhang pati  kay Pangulong Rody Duterte ay hindi takot ang mga sindikato ng droga.

Oo nga’t walang death penalty sa bansa pero marami na din ang namatay na drug personalities na nakipagbarilan sa mga otoridad.

Ganun pa man naniniwala pa rin tayo na magtatagumpay ang war on drugs bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte sa 2022.

Ang kailangan lang suporta ng publiko sa kampanya.

Dapat magising na ang taumbayan na walang idudulot na buti ang paggamit ng mga ipinagbabawal na gamot.

* * *

Bukas, Marso 29, ay magsisimula na ang official campaign period para sa mga lokal na kandidato.

Kailangang maging alerto ang mga pulis dahil mas mainit ang local elections.

Sana hanggang palitan lang ng mga maaanghang na salita ang labanan, lalo na ng mga lider ng magkakatunggaling politiko.

Huwag natin kalimutan na lilipas din ang eleksyon.

Pagkatapos ng Mayo 13 ay walang tutulong sa atin kundi ang kamag-anak, kapitbahay at kaibigan natin.

Huwag tayong umasa sa mga politiko dahil marami sa kanila ay mga “personal interest” lang ang gusto.

Hindi natin kailangang isubo ang ating buhay dahil lang sa pulitika.

Tandaan natin na every three years lang ang eleksyon.

Pagkatapos ng eleksyon ay nagtutulungan ang mga naglabang politiko.

Siguradong magkakasundo rin sila, dahil mga negosyante. Kailangan nilang magtulungan para kumita ng mas malaki.

Iyan ang totoo!

* * * 

Panahon na ng tag-init, nagkalat na naman ang mga nagtitinda ng mga palamig.

Ito ang dapat bantayan ng mga otoridad.

Siguruhing malinis ang mga itinitindang inumin at pagkain.

Dahil sa kakulangan ng tubig sa ilang lugar, baka hindi na nalilinis ng mabuti ang mga gamit ng mga nagtitinda at  baka kung saan na lang kumukuha ng tubig.

Sa panahon ngayon, mahirap magkasakit.

Mahal na ang mga gamot.

Sa mga probinsiya nga ay madalas sa mga herbolaryo na lang nagpapagamot ang mga may sakit.

Ang problema, ang ibang herbolaryo ay mataas na ring maningil.

Tsk tsk tsk...

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)