Maghugas, magsabon ng kamay?

February 09, 2020

“Yang gagastusin namin sa pambili ng sabon para sa kamay, ibibili na lang namin ng pagkain  at bigas. Damit nga namin, binabanlawan na lang namin ng dalawang ulit tapos sampay na agad para matuyo,” ito ang sabi ng nakausap kong tricycle driver.

Kaugnay ito ng sinabi ng mga awtoridad sa kalusugan na kailangang laging magsabon at maghugas ng kamay upang makaiwas sa anumang sakit lalo na sa novel corona virus (Ncov).

Milyon nga ang gagastusin daw ng gobyerno para magtayo ng mga kasilyas ngunit dapat ding tiyakin na may tubig ang mga bahay na lalagayan ng mga kubeta ng mga ito. Kung hindi, marumi rin ang kalalabasan.

Wala na ngang sabon, wala pang tubig. Kaya ang maraming mahihirap nating mga kababayan ay mas pinipili na lang ang sistemang balot- itsa ng kanilang dumi. Dudumi sa kahit anong papel, pagkaraan ay iiitsa na lang sa kung saan man ito makaaabot.

‘Yung iba naman ay diretso na sa ilog o mga kanal kaya nga daw nauuso na naman ang sakit na polio. Hindi lang naman sakit sa polio ang ang dulot nitong sakit kundi marami pa.

Mahalaga ang sabon. Kasama ito sa ipinamahagi sa mga biktima ng pagputok ng bulkang Taal. Ngunit ang mahihirap nating kababayang Pilipino ay maaaring mabuhay ng walang sabon. PInakamahalaga ang pagkain at tubig. Susunod ay ang matitirhan.

Tinatalakay ko ngayon ito dahil ito na ang laging ibinababala ng mga manggagamot – ang pagsasabon paghuhugas ng kamay.

Papansinin ang payo na ito ng mga Pilipinong may pambili ng sabon na baka lang nga hindi sila palagiang nagsasabon at naghuhugas ng kamay.

Ngunit sa pinakamahihirap na mga Pilipino, pagkain muna bago ang mga paglilinis ng katawan.

Problema pa ngayon ang ipinahahayag na naman  na nagkakaroon na ng rotational supply ng tubig sa ilang lugar. Paano ka ngayon magsasabon kung wala namang tubig?

Malapit na ang tag-araw at sasabihin na naman ng kinauukulan na walang sapat na tubig na naipon ang Angat Dam. Krisis na naman. Ito ba’y diskarte upang matuloy na ang Kaliwa Dam?

Bakit hindi gawin ng gobyerno katulong ang mayayamang mga opisyal ng Pilipinas at mayayamang negosyante na magbigay ng regular na supply ng sabon sa mga pinakamahihirap na Pilipino upang mabawasan ang panganib ng sakit?  Samahan na nila ng tubig at pagkain!Ang hindi daw paghuhugas  ng kamay ang pinagmumulan ng maraming sakit. Totoo.

Ngunit ngayon pa lang ay marami nang may sakit na Pilipino dahil sa kahirapan. Hindi nga lang Ncov ang sakit ngunit mga sakit ding nakamamatay. At bago pa mamatay ay pinahihirapan pa sila ng todo dahil wala naman din silang pambili ng gamot. Hindi pa nga nakapupunta sa duktor ang maraming mahihirap.

Hindi nagmula sa Pilipinas ang Ncov. Mayamang bansang Tsina ang pinagmulan nito. Palagay ko naman ay marami silang sabon at tubig na panghugas ng kamay ngunit nangyari pa rin ang Ncov sa kanila at maraming bansa na ang nadadamay.

Ang isang pinakamalinaw na halimbawa ng pagiging pabaya natin sa kalinisan ay kung paano natin tratuhin ang Inang Kalikasan. Kalbo ang gubat. Basag ang mga bundok. May lason ang maraming katubigan. Maraming tambakan ng basura.

Maghahanap pa ba tayo ng pagmumulan ng sakit kung talamak na dito ang kasalaulaan sa bansa? bangonkalikasan@yahoo.com)