Magpasakop sa awtoridad

DEBATE na naman ang bunga ng pagkamatay ng isang retiradong sundalo sa Pasong Putik, Quezon City matapos mabaril ng mga pulis sa quarantine checkpoint.

Bago natin ipagpatuloy, nakikiramay po tayo sa pamilya ng napatay at kasama tayo sa mga nalulungkot sa nangyari.

Matapos ang insidente, may mga bumabatikos sa mga pulis. Lahat na naman ay security expert. Sa isang bahagi naman, naroon din ang pumapanig sa mga pulis.

Mayroon mga umaasta ring dalubhasa sa human rights at pumapanig din sa naging biktima. Ang malungkot, iyong mga human right advocates ay walang kibo sa pag-atake ng mga rebelde sa ating mga sundalo na naghahatid ng mga relief goods sa mga kanayunan.

Bigyan natin ng parehas na pagtingin. Lahat naman tayo siguro ay nakapanood sa video na naging viral at lumabas din naman sa mga main news.

Unang tanong, overkill ba ang ginawa ng pulis? Pangalawa, dapat ba talagang barilin? Pangatlo, tama ba ang rules of engagement na ginawa ng mga pulis?

Sa tingin natin, ginawa ng pulis ang dapat niyang gawin. Pinapasuko na, pinapadapa siya pero hindi sumusunod. Nakatalikod naman ang biktima na nakadipa, hindi agad nasukol o nahawakan ng mga pulis dahil may steel fence at medyo malayo sa kanila.

Nang  humarap ang biktima, binuksan niya ang kanyang sling bag at aktong may kukunin. Ang police instinct talaga, kapag may akto kang bubunutin, panyo man yan o lollipop habang ikaw ay pinapasuko, puputukan ka talaga nila.

Tanong, overkill ba? Ang tingin kong problema dito, dapat matutunan din ng mga pulis natin ang pag-immobilize sa sinumang magtatangkang bumunot ng kung ano man. Ibig sabihin, puwedeng barilin sa kamay, sa paa or sa balikat para hindi fatal.

Para hindi  sana makabunot agad. Pero ang problema, kung totoong baril ang bubunutin or granada, posible rin kasing makapamaril o makapaghagis ng explosive ang sinuman kahit may tama sa paa. Sa pelikula lang kasi nakikita iyong babarilin bigla sa kamay kapag saktong bubunot.

Ang school of thought kasi rito, hindi rin naman papayag ang pulis na maunahan sila ng sinumang armado na nasa kanilang harapan. Pero kung mapag-aaralan ng pulis ang pagbaril sa non-fatal point, hindi agad mamamatay ang sinumang subject ng insidente.

In fairness sa pulis, narinig din naman natin sa video na matapos ang pagbaril ay tumatawag din sila ng ambulansiya para dalhin sa ospital ang nabaril.

Nang humupa ang insidente, doon na natin naririnig ang mga nagsasabi na may war shock ang dating sundalo at may mga nagsasabi pang may diperensiya sa isip. Wala tayong batayan dito. Totoo man ito o hindi ang anggulong ito, ang pagtrato ng ating mga awtoridad sa actual at real time incident ay "armed and dangerous" ang isang taong magtatangkang bumunot ng anuman sa kanyang bag. Clear and present danger ang treatment dito ng mga awtoridad.

Kaya nga dapat makapulot tayo ng aral sa pangyayaring ito. Dapat mas maging tactical din ang pagkilos ng pulis sa ganitong sitwasyon para ma-minimize ang danyos. Maximum tactic with minimal damage.

Sa isang banda, sa face value lang video ang pinagbabatayan ng ating mga sinasabi rito at wala tayo sa mismong lugar ng insidente. Pananaw lang ito ng isang miron na ang layunin lamang natin ay makapagbigay ng kaisipan sa ating lahat para maging maingat  ang magkabilang panig kung sakaling maharap tayo sa ganitong sitwasyon.

Maging submissive o magpasakop tayo sa mga awtoridad dahil sila ang may mandato ng batas para ingatan tayo at payapain ang ating mga komunidad. Cardinal rule kapag nasa harap ng mga awtoridad, maging magalang, huwag maangas at huwag na huwag kang magkukunwaring may bubunutin dahil tiyak na madidisgrasya ka.

Inuulit ko, nalulungkot tayo sa insidente at umaasa tayong may maidulot  itong aral sa ating lahat.

allanpunglo@gmail.com