Makabuluhang panukala nina Senator JV Ejercito at Ralph Recto

BUMULAGA sa ating lahat ngayong 2019 ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Puna ng karamihan,  parang pinasakay lamang tayo sa magkakasunod na rollback noong Disyembre pero balik na naman sa kalbaryo -- ang hindi mapigilang pagtaas ng presyo ng langis na ang kabuntot ay pagtaas sa presyo ng bilihin.

Ang magkakasunod na oil price increase ay resulta ng ikalawang bahagi ng excise tax sa oil products na tuluyang bubutas sa bulsa ni Juan dela Cruz.

Sa dami ng mga magagaling nating ekonomista, hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon ay wala silang mailatag na malinaw, maayos at kongkretong plano para maiahon tayong lahat sa kahirapan -- kahit man lang sa pamamagitan ng pagpapababa sa presyo ng bilihin nang hindi naman nakokompormiso ang planong pang-imprastraktura ng pamahalaan.

Kamakalawa, sinabi ni re-electionist Senator JV Ejercito na higit pagtuunang pansin ng pamahalaan ang koleksyon sa buwis upang makalikom ng mas malaking pondo na pantutustos sa ‘Build, Build, Build projects’ ng Duterte administration.

Kinalampag din ni Ejercito ang Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs na paigtingin pang mabuti ang pagtugis sa mga malalaking tax evader o  nandaraya sa pagbabayad ng buwis.

“Instead of fuel excise tax increase, why not implement a no-nonsense campaign against big time tax evaders and avoiders? It’s the government’s mandate to collect, it’s their (evaders) obligation to pay, under the law,” ani Senator JV.

’Yang pagtaas ng fuel excise tax nga ang isa sa mga dahilan ng mataas na presyo ng mga bilihin noong nakaraang taon, ‘tapos ngayon itinaas uli? Kawawa na nang husto ang ating mga kababayan,” sabi pa niya.

Muling iginiit ni Ejercito ang kanyang suporta sa pagsisikap ng Duterte Administration na makalikom ng sapat na pondo para sa infrastructure program ng pamahalaan, na ayon sa kanya’y susi sa progreso ng bansa.

“Efficient and right collection of taxes and running after cheaters should be the strategy. So, let’s suspend the implementation of the fuel excise tax increase temporarily and embark on an effective, efficient, and correct collection of taxes. And, at the same time, launch a serious, sustained, and no let-up campaign against tax evaders,” punto pa ni Ejercito.

Samantala, kinakatigan din natin ang panawagan ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto sa pamahalaan na huwag nang gamiting dahilan ang pagbuwag sa Road Board upang itaas ang motor vehicle registration fees.

Reaksyon ito ni Recto hinggil sa panukala na itaas muli ang bayarin sa rehistro ng sasakyan at ibabatay ito sa inflation rate ng bansa.

Isa  sa panukala ay itaas ng 50 percent ang fees habang ang iba ay itaas ng 100 porsyento.

Ani Recto, mabuting malaman na ito hanggang maaga ng taumbayan dahil baka ang maging ‘talking points’ ay binuwag na ang Road Board kaya pwede nang itaas ang singil sa rehistro ng mga sasakyang panglupa.

Si Recto rin ang unang nagbabala sa pinaplanong three strike package para sa motor vehicle owners.

Ang dalawang strike anya nito ay naipatupad na sa ilalim ng TRAIN Law na kinabibilangan ng dagdag na excise tax sa produktong petrolyo at mas mataas na buwis sa sasakyan.

Gayunman ang ikatlong bahagi na pagtataas na MVUC ay hindi na anya dapat ituloy at mabuting makuntento na lang ang gobyerno sa P46.25 billion na koleksyon.

Tunay na mga sasakyan ang madaling pagkakitaan ng gobyerno pero sana naman huwag na muna itong isabay sa sangkaterbang gastusin ng mamamayan.