‘Malaki’ ang tama ni Cong. Edcel

February 18, 2020

BAGO ang lahat, isa munang mainit na pagbati sa ika-75 kaarawan ng aking “nanay” kahapon. ‘Nay, may God always protect and continue to bless you! Mahal ka namin!

***

Habang papalapit ang pagtatapos ng prangkisa ng ABS-CBN sa susunod na buwan, “aligaga” naman ang mga taga-suporta ng kumpanya, sa loob at labas ng Kongreso, sa kanilang “pag-iingay” pabor sa ‘franchise renewal.’

Sa ganang atin naman, ang may pinakatamang posisyon sa kanila ay si Albay congressman at House ‘independent bloc’ leader, Edcel Lagman.

Aniya kasi, hindi na dapat “paasahin” pa ng kanyang mga kasamahan sa Kongreso ang ABS-CBN, sakaling hindi maipasa ng Kongreso ang franchise renewal nito bago matapos ang buwan ng Marso.

May mga naglabasan nga kasi na mga ‘authoritative’ at ‘expert opinion,’ katulad nitong mga katsang, ehek, binanggit nina House Speaker Alan Peter Cayetano at Senate President Tito Sotto III, na kahit ‘expired’ na ang prangkisa nitong Lopez-company, “puwede” pa rin daw nitong ituloy ang operasyon, ganern, hehe!

Ayon pa nga kay SP Tito Sen— na hindi naman abugado— “puwede” pa rin daw ituloy ng ABS-CBN ang ‘In the Service to the Filipino’ nito hanggang sa pagsasara ng ika-18 Kongreso sa 2022, dahil mayroon nakabimbin na mga ABS-CBN franchise bill sa Kongreso.

Dagdag naman ng iba, pansamantala (temporarily) ay puwede raw ‘mag-apply’ ng provisional permit’ ang ABS-CBN sa NTC (National Telecommunications Commission) habang patuloy ang deliberasyon ng Kongreso sa mga nasabing ‘franchise bills.’

Kaya nga, natutuwa naman tayo na may isang ‘pro-ABS-CBN legislator’ na katulad ni Cong. Edcel na alam ang kanyang sinasabi at alam ang operasyon ng batas— kulang na lang soplahin niya ang kanyang mga kapwa-mambabatas at sabihin na, “nakakaintindi ba talaga kayo ng batas? Mga bobo,” ahahay!

Aniya kasi, hindi puwedeng magbigay ng ‘provisional permit’ ang NTC kung walang ‘valid franchise.’  

Ang isang approved congressional franchise nga kasi ang batayan ng NTC sa pagbibigay ng ‘provisional permit to operate.’  

Kumbaga, binibigyang-payo ni Cong. Edcel ang mga Lopez na “huwag sumakay” sa sinasabi ng iba na puwede pa itong ‘mag-broadcast’ kahit ‘mag-expire’ ang prangkisa nito sa susunod na buwan

Dahil “pinapalundag” lang ang mga Lopez ng mga “nagmamagaling” pero sa katotohanan ay mga wala namang alam at hindi alam ang kanilang mga sinasabi— kasehodang mga “lider” pa sila ng ating Kongreso, hehehe!

Ang isyu ng ‘no franchise, no operation, period,’ ay malinaw na tinalakay din ni Manila Times columnist, Rigoberto Tiglao, sa kanyang kolum noong Lunes.

At uulitin lang din natin ang sinabi ni Cong. Edcel sa ‘media forum’ bilang “pasubali” sa “tamang hinala” ng mga miron na may “umiikot” nang ‘lobby fund’ ang mga Lopez kaya dumarami ang sumusuporta ngayon sa kumpanya nila, partikular sa hanay ng mga mambabatas at mga ‘front organization’ ng CPP-NPA.

Sa isyu ng ABS-CBN lobby fund, “napakalinaw” ang sagot ni Cong. Edcel: “Hindi ko ‘naramdaman,’ ahahay, hehehe!

Abangan!