Malalambat din ni Guerrero ang mga ‘ulupong’ sa Aduana

March 01, 2020

HABANG papalapit ang pagtatapos ng anim na taong panunungkulan ni Pangulong Duterte, kailangang paigtingin pa ng Bureau of Customs ang kampanya laban sa katiwalian at korapsyon.

Dahil kilalang galit sa mga magnanakaw sa gobyerno, dapat lang na ipakita ni Pangulong Duterte na malilinis niya ang Aduana sa tulong ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero bago ang kanyang pag-alis sa Malakanyang.

Mayroon na lang siyang 28 buwan para walisin sa mga pantalan ang mga buwaya.

Ang mga buwayang ito “in government uniform” ang dahilan kung bakit hindi matigil-tigil ang kawalanghiyaan sa Aduana.

May mga opisyal pa rin ng Aduana na ayaw lumubay sa paggawa ng pera.

Mayrooon namang mga nagbo-broker na sinusulot ang kliyente ng maliliit na broker.

Sila ang mga salot sa pamunuan ni Commissioner  Guerrero.

Ang isa kasing balakid,  mahirap magtanggal ng lingkod bayan na may permanenteng posisyon.

Dahil may civil service eligibility, kailangang dumaan sa due process ang sisipaing lingkod bayan.

Isa pa, hindi madaling kumuha ng importer o customs broker na tetestigo sa mga ulupong na opisyal ng BoC.

Siyempre ayaw ng mga importer at broker na mapag-initan. Alam naman nila na may mga kasabwat ang mga tiwaling lingkod bayan na malalaking tao.

Kaya nga me mga opisyal ng Aduana na hindi matanggal ni Guerrero.

Hindi na nakapagtataka kung bakit mahirap linisin ang Aduana.

Sa mga world-class na “vulture” sa Aduana, walang hene-heneral sa kanila.

Huwag natin kalimutan, na ang unang dalawang BoC chiefs ni Pangulong Duterte ay mga dating militar at pulis din.

At si BoC Commissioner Rey Leonardo Guerrero ay hindi lang retiradong Army general. Bilang dating hepe ng Armed Forces of the Philippines, si Guerrero ay isa sa iilang naging four-star military general.

Kaya naman marami pa ring umaasa  na walang sasantuhin si Sir Jagger sa Aduana.

Malalambat din niya ang mga “ulupong” sa mga pantalan, lalo na ang mga nagbo-broker na opisyal.  

***

Marami ang tumaas ang kilay sa balitang bumaba ang volume ng rice imports natin mula Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2020.

Dahil bumaba ang volume ng inangkat na bigas, siyempre bumaba din ang nakolektang buwis at taripa ng Bureau of Customs.

Kumpara sa kaparehong panahon noong 2019, bumaba ng 23.1 percent ang tariff collections ng BoC.

Mula P2.22 bilyon noong Enero 1-Pebrero 14, umabot lang ng P1.71 bilyon ang koleksyon ngayong taon.

At huwag natin kalimutan na noon lang kalagitnaan ng Pebrero 2019 naging  epektibo ang rice tariffication law.  
Sa ilalim ng nasabing batas, puwede nang mag-angkat ng bigas kahit sinong negosyante basta magbabayad lang ng tamang buwis.  

Ang tanong lang ng ating mga miron, “hindi kaya lumalala ang rice smuggling kaya bumaba ang volume ng rice imports mula Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2020? “

Sa tingin kasi nila, dapat lumobo nang husto ang importasyon ng bigas dahil sa rice tariffication law.

O, baka naman walang pera ang mga rice trader.

Lalong  imposible, sabi naman ng mga miron. Hehehe

***

Mahirap talaga ang mga nangyayari ngayon.

Sa dami ng mga bansang may COVID-19, hindi na alam ng ating nga otoridad kung sinu-sino ang mga  bansang dapat na bantayan.

Kaya ba nilang bantayan lahat ng mga taong dumadalaw sa Pilipinas?

Kaawa-awa naman ang mga taga-Department of Health at Department of Foreign Affairs.  

Hindi bale sana kung lahat ng mga bisita natin ay may malasakit sa kapwa.

Siguradong may ilan sa kanila ang hindi magsasabi ng totoo dahil umiiwas na ma-quarantine ng dalawang linggo.  

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)