Mali ang DepEd na alisin ang MTBMLE

February 29, 2020

SA kabila ng 21st Century Multi Lingual Turn at ng bisa at tibay ng  konsepto ng MTBMLE na siyang sangkap upang makamit ng Pilipinas ang  United Nations Sustainable Development Goal No. 4 , ano itong nababalitaan ko na ang DepEd ay pabor na alisin na ang MTBMLE sa K to 12 Law sapagkat hindi nila kayang ipatupad ito ng tama?   Bakit hindi maiwaksi ng DepEd ang pagkahumaling sa walang kuwentang bilinguwalismo na gamit ang dalawang wika na hindi naman mother tongue ng mga bata at ng kanilang mga guro na litaw na litaw sa mga  lugar ng Last Mile Schools? Bakit ang  MTBMLE  ang sinisisi ng DepEd na  dahilan ng  masamang  marka ng Pilipinas sa PISA 2018 samantalang pinili nilang gamiting wika ng pagsusulit sa PISA  ang English na hindi naman unang wika ng mga bata? Isang malaking pagkakamali ang gagawin ng DepEd na alisin ang MTBMLE  sa panahon ng isang administrasyon na ang pangako nuong 2016 ay pagpapatupad ng  tunay na pagbabago upang guminhawa ang buhay ng mga Pilipino.

Dahil sa makabagong teknolohiya sa transportasyon at komunikasyon, mas madaling makipag-ugnayan at magpalipat-lipat  sa iba’t ibang sulok ng daigdig sa 21st Century.  Walang pader na kayang harangin ang daloy at bilis ng paglalakbay ng mga wika sa isang mundo na punong-puno ng  pagkakaiba-iba na sa huling bilang ay may 7,000 mga wika. Hindi maiiwasan makisalimuha ang  mga tao na may magkakaibang   wika, kultura, relihiyon, pananampalataya at tradisyon. At para mabuhay sa mga panahong ito, kailangan mong matuto ng tatlo o higit pang mga wika upang maayos kang makakalahok sa palitan ng mga ideya, kilos at  saloobin sa mundo.

Ito ang sinasabi ni Dr Nayr Ibrahim (2017) na  21st Century Multi lingual Turn o pagbiling sa multi-lingualismo sa  ika- dalawamput isang siglo. Pinabubulaanan nito ang sinabi ni Hayek (2013) na ang  wikang Ingles ay sapat na at hindi mo na kailangan pang magsalita ng ibang wika.   Pinangalawahan pa ito ni Gregg Roberts (2013) na nagsabi na  ang monolinguwalismo ang kamangmangan ng ika 21 siglo ( 21st Century) at tinatampok nito ang tunay na kakulangan  ng isang tao sa siyensiya ng wika (Wiley, 2005).  Sinabi din ni Shohamy (2006) na ang monolinguwalismo ay isang alamat na malayo  sa tunay na buhay, at  isang pag-aaksaya ng  ating biyolohiyang lakas na magsalita at mag-aral  ng mga wika. ( Rothman & Nino 2008) .

Kinikilala ng Pagbiling sa Multi-linguwalismo ang  sabay- sabay na pag-iral ng maraming wika sa iba’t ibang lipunan at mga indibidwal.Tinatanggap nito ang abilidad ng isang indibidwal na magsalita ng maraming wika at ang paglago ng pangkasalukuyang pamayanan  na binubuo ng mga  patung-patong na, at punung-puno pa  ng magkakaibang  mga komunidad. Kinikilala din nito na ang paggamit ng mga wika ay nakasalalay sa konteksto, magkapanabay, masalimuot at masigla ang lakas na maghatid ng pagbabago.

Ang kakayahan na makapagsalita ng tatlo o higit pang mga wika  ay hindi isang tuwid na guhit,  at hindi pantay-pantay ang kaalaman sa mga wikang alam, at nakabatay  ito sa kasaysayan at heograpiya ng isang tao.  Halimbawa, maaari kang  nakakapagsalita ng Ilokano, Filipino at Ingles   para makipag-usap  ng ganap  ngunit  ang iyong pagkabihasa sa tatlong wikang ito ay hindi pantay -pantay at hindi sabay-sabay sa lahat ng oras. Parang ako, marunong akong mag-Tagalog, English at Nihongo subalit hindi pantay ang pagkabihasa ko sa mga wikang alam ko at patuloy na nagbabago ang aking kakayahan sa mga salitang ito dahil sa aking paggamit at pag-aaral ng mga ito.

Sa kabila ng kakayahan ng tao na makapagsalita ng tatlo o higit pang mga wika, ang mga bata ay walang lakas o kapangyarihan sa pag-uumpisa ng  hakbang  tungo sa mulit-linguwalismo.  Ang kapangyarihang ito ay tangan  ng mga magulang sa tahanan, guro sa silid paaralan, at mga opisyales ng pamahalaan na nagtatakda ng patakaran sa wika ng isang bansa ( Ibrahim, 2014).

Inuutos sa pamahalaan  na  unahin ang edukasyon at gawin itong de kalidad at madaling maabot ng sambayanan ( Section 7, Article II at Section 1 Article XIV ng 1987 Constitution).  Para maganap ito, nagpasa ang Kongreso ng mga batas na pinapagamit ang unang wika o mother tongue ng bata sa pagtuturo at pagsusulit mula pre-school, Kinder hanggang Grade 3, at pagtungtong ng Grade 4, kung kaya na ng bata, puede ng idagdag ang Filipino at English bilang wika ng pagtuturo.  RA 10533 ( K to 12 Law),  RA 10157

(Kindergarten Act), RA 10410 ( Early Years Act), RA 11106 (FSL)). Kinatigan ng Korte Suprema  ang mga batas tungkol sa   MTBMLE  at sinabing ito ay sumasang-ayon sa 1987 Constitution ( Council of Teachers and Staff of Colleges of the Philippines  (CoteSCUP  et.al vs Aquino et al, GR no 216930, Oct 9, 2018).

Hindi dapat suspindihin ang pagpapatupad ng MTBMLE. Bagkus dapat pa ngang palaganapin ito.  Ang dapat suspindihin ay ang mga opisyales ng DepEd na  nagpabaya, lumabag sa batas, at patuloy na pinipigil ang   pagpapatupad ng MTBMLE.