Maling diagnosis ng doctor, ikinabahala ng Alas ng Parañaque

April 02, 2019

MUNTIK na palang mawalan ng “Alas” si Paranaque City Mayor Edwin Olivarez makaraang unang ma-diagnose ng mga doktor sa Estados Unidos si City Administrator Fernando “Ding” Soriano nang makaramdam ng kakaibang sakit sa gilagid noong nakaraang taon.

Nagtungo kasi sa Amerika ang matikas na opisyal ni Mayor Olivarez noong nakaraang buwan ng Disyembre  batay na rin sa rekomendasyon ng kanyang family doctor upang ipasuri ang kakaibang sakit na nararamdaman niya na nagiging dahilan ng paglabo ng kanyang paningin at kadalasang pagkindat ng kanyang mata.

Madali namang nakapagpasuri sa mga doktor si City Admin dahil bukod sa andun ang kanyang malalapit na kaanak, may mga taong nagrekomenda sa kanya sa mga dalubhasang doktor pero ang ipinagtataka ni Mr. Soriano, kaagad siyang tinapat ng sumuring doktor na cancer ang sakit niya.

Bagama’t natakot sa posibleng mangyari sa kanya sa ibang bansa, ipinasiya ni City Admin na bumalik na lamang ng Pilipinas dahil mas nanaisin niyang sa sariling bansa manatili kung anuman ang kapalarang ipagkakaloob sa kanya ng Panginoon.

Sa isa ring dalubhasang doktor sa Saint Luke’s Hospital sa Global City sa Taguig muling nagpasuri ang alas ni Mayor Olivarez at sa kabutihang palad, hindi pala cancer kundi kakaibang sakit lamang sa pagnipis ng kalamnan ng kanyang gilagid na nakaapekto sa kanyang paningin.

Kaagad ding isinailalim sa maselang operasyon si City Admin para muling taniman ng laman na kinuha naman sa kanyang pigi ang numipis na gilagid at sa awa ng Panginoon, matagumpay ang naging operasyon, bagama’t malaki ang nabawas na timbang sa masipag na opisyal.

Ang nakakabilib kay Mr. Soriano, kahit hindi pa nanunumbalik ang kanyang lakas ay subsob agad sa trabaho upang matulungan si Mayor Olivarez na abala na rin sa pangangampanya kaya’t hindi naparalisa ang kanyang tanggapan.

Masuwerte si Mayor Olivarez sa pagkakaroon ng sariling “Alas” sa katauhan ni Mr. Soriano dahil tiyak na mapuputulan ng pakpak ang alkalde kung nagkataon na naging totoong cancer ang unang pagsusuri sa kanyang karamdaman.
“D.I. Ang” ng Navotas

Sa Navotas City naman, nagsikip sa daloy ng trapiko ang kalye ng Gov. Pascual Avenue patungo sa Little Samar St. noong araw ng Sabado matapos dumagsa ang mga tao sa bahay ng tumatakbong alkalde ng lungsod na si Dan Israel “DI” Ang.

Doble ang okasyon sa lugar dahil bukod sa proklamasyon ni DI at running-mate na si Raymond Cruz na tatakbong bise alkalde, nataon din sa selebrasyon ng kaarawan ng kilalang negosyante at pilantropong si Danilo Ang na ama ng tumatakbong alkalde.

Dumalo rin sa okasyon ang anak ni dating Navotas Mayor Peping Del Rosario na si Marielle del Rosario na tatakbo namang kinatawan sa Kongreso, kalaban si Mayor John Rey Tiangco na tapos na ang ikatlong termino.

Nagpahayag ng kumpiyansa si DI na tatalunin niya si Rep. Toby Tiangco na tatakbo ring alkalde na tulad ng kanyang kapatid ay natapos na ang termino bilang kinatawan sa Kongreso.

Kasama sa Dream Team ni DI ang mga tatakbong konsehal sa unang distrito na sina Essay Abella, Lito Sulit, Anne Margarette Gaa, Kyle Gonzales, Gian So at Levi Ayuda habang sa ikalawang distrito na sina Amos Hechanova, Michael Bautista, Aljon Grutas, Gina Navarro, Waldy Punong Bayan at Philip Del Rosario.

Text ng readers

Sa text ni Romy ng Sta. Cruz, ang sarap daw palang mamili sa Obrero Market sa Blumentritt kung mananatiling malinis sa sagabal na illegal terminal at vendors ang lansangan dahil maluwag ang trapiko. Ang tanong lang niya, hanggang kailan mapapanatili ng mga pulis sa Blumentritt Detachment ang kalinisan. Sana raw ay hindi maubos ang sipag ng mga pulis sa pagsaway sa mga abusadong vendor na lumalagpas sa guhit dahil wala raw aasahang pakinabang sa mga barangay opisyal na dapat na katuwang sa paglilinis.

Reklamo naman ng isang concerned citizen ang sobra-sobra raw na singil ng mga tricycle na nagte-terminal sa harap ng Chinese General Hospital. Sana raw ay ma-regulate ng lokal na pamahalaan ang paniningil ng sobra dahil malinaw daw ito na pagsasamantala.

Sa text ng isang motorista, may mga parking attendant daw sa kahabaan ng T.M. Kalaw sa Ermita na sumisingil ng P50 bilang parking fee sa mga sasakyang pumaparada sa lugar pero P20 lang ang nakalagay sa ini-isyung tiket. Katuwiran daw ng parking attendant, hindi raw kasi sila pinapasahod kaya sa sobrang singil nila kinukuha ang bayad nila sa serbisyo.

Reklamo naman ng isang taga-Pasay ang salasalabat na campaign posters ng mga kandidato na kahit saan na lamang daw ay inilalagay. Dedma lang daw ang lokal na Comelec, pati na ang local government kaya nagtatanong sila kung may gobyerno pa raw ba sa lungsod.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0919-2425644.