Maling pag-label ng mga produkto na hindi naman organic

Kgg. na Chief Acosta,

Madalas po akong mamili ng mga organic na produkto sa pamilihan ngunit minsan ay mayroon akong nabibiling mga produkto kung saan nakalagay sa label nito na ito ay organic ngunit hindi naman pala. Nais ko pong malaman kung mayroon po bang kaparusuhan ang ating batas laban sa mga nagtitinda ng mga produkto na mayroong label na organic ngunit hindi naman talaga ito totoong organic.

Ivy

Dear Ivy,

Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Section 26 ng Republic Act (R. A.) No. 10068, o mas kilala sa tawag na “Organic Agriculture Act of 2010” kung saan nakasaad na:

“Section 26. Penal Provision. – Any person who wilfully and deliberately;

x x x

(c) mislabels or claims that the product is organic when it is not in accordance with existing standards for Philippine organic agriculture or this Act shall, upon conviction, be punished by imprisonment of not less than one (1) month nor more than six (6) months, or a fine of not more than Fifty thousand pesos (P50,000.00) or both at the discretion of the court. If the offender is a corporation or a juridical entity, the official who ordered or allowed the commission of the offense shall be punished with the same penalty. If the offender is in the government service, he shall in addition be dismissed from service.” (Binigyang-diin)

Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ang sinuman na mag-mislabel o maglagay ng maling tatak ng isang produkto kung saan isinasaad niyang organic ito kahit hindi naman talaga ito organic ay maaaring mapatawan ng kaukulang parusang pagkakakulong ng isang (1) buwan hanggang anim (6) na buwan at/o multa na hindi hihigit sa limampung libong piso (P50,000.00).

Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyon na ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.

Ang inyong Lingkod Bayan,

DR. PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA, DSD

Punong Manananggol Pambayan

Paunawa:

Isangguni ang iba pa ninyong usaping legal sa aming opisina sa address na nakasaad sa pitak na ito o kaya ipadala ang inyong katanungan sa aming e-mail address: pao_executive@yahoo.com o tumawag sa PAO hotline: (02) 8426-2801; 8426-2450; 8426-2987; o 8929-9436 local 106 o 107 during office hours at local 159 after office hours.

Ang mga serbisyong legal ng PAO gaya ng legal advice, court representation, pagsasagawa ng dokumento, notaryo at iba pa ay libre at walang bayad mula sa kliyente ng PAO sang-ayon sa R.A. 9406 (PAO Law). Sang-ayon din sa nasabing batas, ang katunggali o kalaban sa kaso na matatalo ang magbabayad ng attorney’s fee sa PAO para ideposito sa National Treasury. Maaaring isumbong kay Chief Acosta ang sinumang public attorney o empleyado ng PAO na manghihingi o tatanggap ng salapi mula sa kliyente ng PAO sa address na ito: 5th Floor, DOJ Agencies Building, NIA Road corner East Avenue, Diliman, Quezon City, 1104.