Maraming naglalaway sa pwesto ni Comm Guerrero

March 17, 2019

SA tagal na natin  kumober sa Aduana, nasanay na tayo na hindi dapat naniniwala sa mga bali-balita at bulung-bulungan.

Noon pa man ay marami na ang nagpapakalat ng “fake” news sa Aduana.

Ang mahalaga, lalo na sa komisyuner ng Bureau of Customs (BoC) ay huwag maniwala sa mga tsismis.

Kagaya ngayon, may usap-usapan na papalitan daw si BoC Chief Rey “Jagger” Guerrero.

Paanong papalitan si Guerrero, eh, kitang-kita naman na nakuha na ni Guerrero ang trust and confidence ng mga waterfront stakeholder.

Lalo na ang mga importer at broker na siyang pinanggagalingan ng pera na pumapasok sa kaban ng ahensya.

Hindi na tayo magtataka kung may mga nagpapalutang ng balitang aalisin si Sir Jagger sa Aduana.

Marami lang talagang naglalaway sa puwesto niya.

Bilang isang dating heneral, mahirap intrigahin si Guerrero.

Hindi papansinin ni boss Jagger ang mga bali-balitang aalisin na siya sa pantalan.

Ang mahalaga ay nagtatrabaho siya ng maayos at tahimik at katuwang niya ang kanyang mga tauhan at port user sa pagpapalakad sa Aduana.

Tama ba Finance Secretary Carlos Dominguez?

* * *

Mabuti naman at mabibigyang solusyon na ang port congestion sa buong bansa.

Ito ay matapos pumirma sa isang  kasunduan ang gobyerno at port management  officials na magtulungan para sa “efficient utilization of Philippine ports.”

Sa panig ng gobyerno ay pumirma sina  Transportation Sec. Arthur Tugade, BoC Chief Rey “Jagger” Guerrero at PPA General Manager Jay Daniel Santiago.

Pumirma din sina ICTSI Senior VP Christian Gonzales, ATI Senior VP Sean Perez at AISL President Patrick Ronas.

Ang “manifesto of support” ay pinirmahan noong Biyernes, March 16.

Sa ilalim ng manifesto, nangako ang gobyerno at pribadong sektor na wakasan na ang pagsisikip ng mga kargamento sa mga pantalan.

“This is not for show. This is for real,” sabi ni Tugade.

Sabi naman ni PPA General Manager Santiago: “Today is a milestone as all stakeholders...have come together to implement a sustainable solution to face the problems in our ports.”

Malaking tulong sa mga importer at broker kung mawawala na ang port congestion.

Abala at dagdag gastos lang kapag naantala ang paglabas ng mga kargamento sa pantalan dahil sa port congestion.

Hindi maibaba mula sa mga barko ang mga shipment kapag walang mapaglalagyan ang mga ito sa yarda.

Perhuwisyo  ang port congestion sa mga negosyante.

* * *

Perhuwisyo ‘yang water privatization.”

Ito ang malamang na sinasabi ng mga residenteng apektado ng water supply shortage sa Metro Manila at karatig pook.

Kung hindi sana isina-pribado ang water distribution ay malayong mangyari ang “water crisis” na ito, daing ng isang ginang.

Tama nga naman ang ginang.

Ang hindi maintindihan ng taumbayan, lalo na ang mga mahihirap, ay kung bakit kailangang ipaubaya sa pribadong sektor ang water distribution.

Nang ma-privatize ang water distribution sa Metro Manila at karatig pook ay ‘di naman gumanda ang serbisyo.  

Hindi lang yan. Tumaas pa nga ang binabayaran ng publiko.

Sa nangyayaring water supply shortage ay siguradong mabubuhay na naman ang panukalang ibalik uli sa gobyerno ang serbisyong ito.

Kung gobyerno sana ang may hawak ng water distribution ay sibak na sana sa puwesto ang mga concerned government official.

Sana maging wake-up call sa gobyerno ang nangyayaring water crisis sa Metro Manila.

Wala sigurong masama kung ibalik na sa gobyerno ang water distribution.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa

#0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buing pangalan at tirahan.)