Maraming namatay, pero isang ‘preventable’ na sakit ang tigdas

February 20, 2019

MATITIGIL ba ng Rice Tariffication Act (RTA) ang ismagling ng bigas?

Mukhang hindi, ayon sa maraming waterfront stakeholder.

Sa ilalim kasi ng RTA, kahit sino na ay puwedeng mag-import ng bigas basta magbabayad ng 35 percent tariff sa gobyerno.

Ang 35 percent na taripa ay para sa mga importasyong galing sa mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations.

Para naman sa mga importasyon na galing sa ibang sources, ang taripa ay aabot ng 50 percent.

Hanggat malaki ang kikitain sa ismagling, mananatili pa rin ang pagpupuslit ng bigas.

Alam ng mga ismagler na mahaba ang coastline at maraming maliliit na isla ang bansa.

Madali nilang maipapasok ang mga puslit na bigas.

Kaya dapat lalong paigtingin ng Bureau of Customs (BoC) ang kampanya laban sa rice smuggling kapag naipatupad ang RTA.

Kung hindi ay kawawa ang mga rice farmer.

Lalong babagsak ang presyo ng bigas dahil sa sobrang supply ng imported rice.

Dahil walang buwis, ang mga smuggled rice ay puwedeng ibenta ng mga ismagler  ng mababang presyo.

Tama ba Finance Secretary Sonny Dominguez?

* * *

Mabuti naman at mabilis na nakamit ng isang Irish national na biktima ng panghahalay ang hustisya.

Ito’y matapos mahatulan ng 12 hanggang 20 taong pagkakakulong ang rapist na si Perry Gaspe matapos lamang ang ilang araw mula nang siya’y  mahuli.

Ang Irish national, isang turista,  ay nagreklamo sa Police Regional  Office 4-B.

Ayon kay Chief Superintendent Tomas Apolinario Jr. si Gaspe, tricycle driver, ay inireklamo ng babaing turista ng kasong rape.

Mabilis ang naging desisyon ng korte laban kay Gaspe na naaresto lamang noong Pebrero 13 ng mga tauhan ni Apolinario.

Sa bilis ng pagkakahatol kay Gaspe, siguradong maraming turista ang natuwa at magtitiwala sa hustisya sa ating bansa.

Sana ganito rin kabilis ang maging desisyon ng iba pang mga korte sa bansa para makamit agad ang hustisya ng mga biktima.

Kung ganito kabilis kumilos ang korte, siguradong maraming matatakot na gumawa ng krimen.

* * *

Nakalulungkot ang nangyaring outbreak ng tigdas sa maraming lugar sa bansa.

Anong nangyari sa immunization program ng gobyerno laban sa mga nakakamatay at nakakahawang sakit?

Marami na ang namatay dahil sa tigdas.

Ang masakit, isang “preventable” na sakit ang measles o tigdas.

Bakit maraming bata ang nagka-tigdas?

Ang ibig lang sabihin nito ay hindi sila na- immunize laban sa sakit na ito.

Dapat alamin natin kung sino ang mga lingkod-bayan na nagpabaya.

Hindi puwedeng basta na lang nila sabihin na may mga magulang na ayaw pabakunahan ang kanilang mga anak.

Kung natakot ang mga magulang dahil sa dulot ng Dengvaxia, hindi dapat kinatakutan ang mga subok ng bakuna na katulad ng sa tigdas.

Dapat nakagawa ng paraan ang gobyerno na mabakunahan ang mga bata laban sa mga nakakamatay at nakakahawang sakit.

Nandiyan ang diyaryo, telebisyon, radyo, social media, barangay, DepEd, DILG, LGU at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Sa tingin ng marami, talagang napabayaan ng DoH ang kampanya para sa pagbabakuna ng mga bata.

Sana maging eye-opener sa lahat ang measle outbreak sa bansa.

Huwag sana tayong maging pabaya kapag ang kalusugan ng taumbayan ang nakataya.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)