Marcos at Bagatsing!

DUMALO tayo sa huling araw ng 2019th International Gamefowl Festival nitong nagdaang Linggo sa SMX Mall of Asia.

Tulad ng inaasahan, dinumog ng mga ‘sabong afficionados’ ang festival na inorganisa ng Thunderbird, UNACHO at Univet!

Nagkita sa nasabing ‘event’ sina Atty. Mike Marcos Manotoc, anak ni senatorial candidate Gov. (Ilocos Norte) Imee Marcos at si Havy Bagatsing, anak ni dating Manila Rep. Dondon Bagatsing at apo ng yumaong Manila Mayor Ramon Bagatsing.

Doon lamang unang nagkita ang dalawa.

Imbitado sa festival si Gov. Imee, ngunit sa sobrang higpit ng schedule ng nangungunang senatorial candidate, hindi ito nakarating sa SM MoA at sa halip ay pinapunta na lang si Atty. Mike na game na game nakipag-usap sa  champion breeders ng mga panabong na manok sa bansa.

Si Havy, bukod sa kilalang television host ng Sabong Nation na napapanood tuwing alas-9:30 ng umaga sa ABS-CBN Sports and Action, ay kilalang champion breeder din ng  ‘fighting cocks.’

May 16 na taon na itong nagbi-breed ng manok, bagay na namana sa amang si Cong. Dondon at tiyuhing si Cong. Amado Bagatsing na tumatakbo naman ngayon bilang vice-mayor sa Maynila, katiket ni reelectionist Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.

Si World Slashers Cup (WSC) champion Cresencio ‘Boy’ Marzo, Jr., at isang retired pilot at flight instructor, ang nag-imbita kay Gov. Imee.

Tulad ni Havy, kilala sa industriya ng sabong si Mang Boy.

Tangan nito ang pagiging kampeon sa World Slashers Cup noong taong 2005. Consistent runner up  sa WSC mula noong taong 2002 hanggang 2004 at 2006, 2008, 2009 at 2014.

Palagian itong nagiging champion sa iba’t ibang international derby, gayundin sa mga prestiyosong sabong sa bansa.

Si Mang Boy ay naging Asian representative ng Gamefowl Management sa Sto. Domingo, Dominican Republic, Latin America.

Sabi ni Mang Boy sa atin, taong 1975 hanggang 1984, naging ‘reserved presidential pilot’ siya na naka-asign upang maging ‘pasehero’ si dating First Lady Imelda Romualdez Marcos sa tuwing umiikot ito sa Pilipinas.

Ang nakatutuwa, proud ito sa pagsasabing mula noon hanggang ngayon ay isa siyang Marcos loyalist.

Ganito halos din ang linya ni Havy Bagatsing na paulit-ulit ina-announce sa mikropono.

Sa sobrang tuwa, nag-volunteer  si Mang Boy na magpa-raffle ng dalawang pares ng sasabunging manok. Game na game si Havy na naging emcee para pasayahin ang ating mga mananabong.

Dahil biglaan, walang nakahandang ‘raffle coupon’ para sa pa-raffle ni Boy Marzo. Sadyang likas na matalino, bibo at ‘articulate,’  si Havy dahil ‘outright’ naisip nito ang ‘contest’ sa pamamagitan ng pahabaan sa pagsasabing ‘Marcos pa rin!’

Umabot sa 16 na mananabong ang sumali sa laro na ‘pinili ng mga naggagandahan at seksing’ ‘promogirls’ ng Thunderbird.

Bukod kay Boy Marzo, tuwang-tuwa tayong pagmasdan ang pag-uusap nina Atty. Mike at Havy.

Ikatlong henerasyon na kasi sila sa kanilang pamilya na sikat sa mundo ng pulitika.

Bagaman pareho silang wala pang planong pumasok sa ‘pulitika, sila  Atty. Mike at Havy mismo ang nagre-recognized sa magandang relasyon ng kanilang pamilya.

Ang lolo ni Atty. Mike na si Pangulong Ferdinand Marcos ang nagsilbi bilang pinakamahabang presidente ng Pilipinas sa loob ng 20 taon. Ganito halos din ang lolo ni Havy na nagsilbi namang pinakamahabang mayor ng Maynila mula noong 1971 hanggang 1986.

Ngayong eleksiyon, siguradong walang talo si Gov. Imee bilang senador; gayundin si Cong. Amado bilang vice-mayor ng Maynila.

Ang catch pa, kapwa makamasa sina Atty. Mike at Havy.

Hindi mo mararamdaman sa kanila na isa silang Marcos o Bagatsing. Basta ang sa kanila ay masaya silang nakakasalamuha ang mga kababayan nating mahihirap.

Sabi ni Havy, utang ng mga sabungero sa lolo ni Atty. Mike kung bakit naging legal ang sabong sa bansa. Si Macoy kasi ang may akda ng  Presidential Decree No. 499 o Cockfighting Law.

Hindi lamang sabong ang ginawang legal sa batas na ito dahil naging legal din ang pagkakaroon ng isang ‘cockpit arena,’ ang pag-aari’t maintenance nito, gayundin ang kahalagahan at pagkilala sa trabaho ng mga tinatawag na ‘kristo’ sa sabungan!

Bago tayo magtapos, gusto kong batiin ang Thunderbird sa matagumpay na International Gamefowl Festival. Lalo na ang kanilang brand manager na si Mr. Francis Ong; ang big boss na si Dr. Ali Flores at si Dra. Claire Gamez na country manager ng Thunderbird sa Vietnam.

Congratulations po mga bossing!

Sana taun-taon pa rin ang inyong festival upang lalong sumaya ang Bayang Sabungero!