Mas malakas na enforcement vs identity theft

August 17, 2020

ISYU ngayon ang matinding data privacy breach sa ating bansa.

Maraming tao ang sobrang selan sa kanilang detalye dahil sa pag-iingat sa pribadong buhay. Pero sila rin iyong mga taong makapag-ulam lang ng nilagang baka, naka-post agad sa social media.

Noong 2016, natatandaan nyo naman siguro ang massive data breach sa Comelec registration data at ang mahigit isang milyong passport numbers ang nawala.

May mga taong hardliner laban sa National ID system. Hanggang ngayon, parang sinisilihan ang kanilang mga puwet kapag napag-uusapan ang sentralisadong identification na papasok sa central data base ng gobyerno.

Subukan mo silang bigyan ng libreng payong habang naglalakad sa mall, ibibigay lahat sa iyo ang detalye hanggang sa mismong oras at araw nang putulin ang pusod niya ng kumadrona matapos siyang ipanganak.

Sa panahon ng pandemya ngayon, lalo nang nawala ang privacy nating lahat dahil kailangan mo nang mag-fill up ng health details, address and contact numbers kapag pumapasok ka sa mga business establishments, condo units, compound residences at mga gated subdivisions.

Wala nang makapagsasabi sa atin na kaya pa nating magtago ng ating detalye dahil sa pagbabago ng panahon. Ganoon talaga, kailangan na nating tanggapin ang katotohanan na ang ating buhay ay isang karinderyang bukas sa lahat ng gustong kumain.

Sa isang banda naman, hindi mo rin masisi ang iba nating kababayan kung masyado silang metikuluso sa pagbibigay ng kanilang detalye dahil talaga namang maraming kriminal sa paligid. Idagdag mo pa ang walang humpay na promo, unsolicited brochures, spam  messages at kung anu-anu pang "alok-bati" scheme.

Hindi na nga natin alam kung sino ang mabuti at masama sa ating paligid, katulad din ng hindi na natin alam kung sino ang bungal at hindi dahil lahat tayo ay nakamaskara na.

Kaya nga dito papasok ang mas malakas na law enforcement na kailangan ng ating bansa laban sa mga nagsasamantala sa ating mga detalye. Marami naman tayong batas na nasa Revised Penal Code laban sa theft pero mas kailangang pabigatin ang parusa sa "identify theft."

Sobrang lawak ng sindikatong ito nagagawang gumamit ng credit cards, ATM cards at iba pang personal nating pagkakakilanlan para magkamal ng hindi nila pera. Kung bitay ang gusto natin sa mga drug pushers, dapat at bitay din sa mga magnanakaw ng detalye na ginagamit para makuha ang ating mga pera sa bangko at makautang gamit ang ating credit cards.

May bahagi din dapat dito ang buong finance and banking system para maiwasan ang mga scamming sa ATM at credit cards. Kung kaya ng mga cellphone technology ang facial recognition bago magbukas ang phone system, dapat may ganito na rin sa ating mga credit, debit at ATMC cards plus samahan mo pa ng finger prints bago ka makapag-transact.

May papel tayong lahat sa isyung ito kung gusto nating hindi mabusog sa ating mga pinagpawisan ang mga tamad na miyembro ng sindikato.

allanpunglo@gmal.com