Mas matindi ang tama ng lockdown sa mga mayayaman

April 03, 2020

Nakakagaan ng pakiramdam na makitang nagsisimula nang magtulung-tulong ang mga pinakamayayaman sa bansa para lutasin ang problema natin sa virus.

Matapos ihayag ng task force na pangungunahan ng DPWH ang conversion ng mga public building  into quarantine structures, may mga pribadong sektor ang nagboluntaryong gastusan na ang mga ito.

Ayon kay Public Works Secretary Mark Villar, sinimulan na nitong Miyerkules ang civil works sa PICC, Rizal Memorial Coliseum at World Trade Center (WTC) para maging temporary quarantine facilities ng mga tatamaan ng coronavirus disease (COVID-19).

Inako naman ng Ayala Corporation at Makati Devt Corporation ang pagsasaayos ng WTC para maging quarantine facilities samantalang ang Razon Group naman ang mangunguna sa development ng Rizal Memorial Sports Complex basketball stadium.

Nauna nang tumulong at patuloy pa ring tumutulong ang San Miguel Corporation sa pangunguna ni Ramon S. Ang sa pamamagitan ng mga food distributions. Sa Green Meadows naman sa Quezon City, may isang mayaman na rin ang nagkukusang tumulong at namamahagi ng mga pagkain kahit pa ang kanyang mga maramot na kapitbahay ay nagta-taingang kawali sa tawag ng mga nagugutom.

Kailangang maunawaan ng mga mayayaman sa bansa na ang problema sa virus ay hindi lamang laban ng gobyerno. Higit sa lahat, laban ito ng mga negosyante at ng mga mayayaman dahil sila ang unang tatamaan kapag nagpatuloy ang lockdown at lumaganap ang virus.

Ang mga nasa middle class, apektado rin pero kahit paano'y kayang maka-survive sa susunod pang isang buwan. Ang mga nasa pinakamahihirap na sektor, totoong survivors ang karamihan sa kanila pero susunod lamang sila sa policy ng gobyerno at kung ano ang magiging resulta ng laban na ito.

Ang mga negosyante, lalo na iyong mga blue chip companies at ang mga pinakamayayaman, masakit para sa kanila kapag tumagal pa ang virus problem na ito. Sa isang karaniwang sikmura, gutom ang kalaban pero makakaraos pa rin sa mga de lata or talbos ng kamote. Pero sa mga giant companies at mga affluent, ang isang buwan na walang galawan, hindi nga sila magugutom pero mababalewala ang lahat ng valor ng kompanya, mga assets at pati na ang pera kung walang economic activity.

Kung mayroon mang mabuting naidulot ang lockdown at virus scare na ito, iyon ay ang equilbrium of the society. Pantay-pantay na ngayon ang poorest of the poor, middle class, rich people at mga ultra-rich sectors dahil balik tayong lahat sa basic--- pagkain lang ang kailangan. Nagkaroon tayo ng unintentional social balance.

Ang mga mahihirap, hindi naman nakakaisip mag-abroad para maglibang. Kung mangibang-bayan man sila, magtatrabaho. Ang mga middle class, kung may sobrang pera, puwedeng makapag-abroad kapag bakasyon sa trabaho at eskuwela. Ang mga mayayaman at sobrang yaman, kahit anong oras maisipan nyan, lilipad sa ibang bansa para sa meeting or pleasure.

Lahat ng nangyayari ngayon ay disadvantage sa isang banda para sa mga mayayaman kaya dapat lamang na makatulong sila ng gobyerno sa paglutas sa problemang ito.

Kaya iyong mga mayayaman sa Green Meadows subdivision,  Valle Verde, sa Las Vista, sa Forbs, sa Dasma, sa Corinthian, sa Ayala Heights, sa White Plains, Blueridge, sa Loyola Grand Villa, sa Cinco Hermanos, sa Town & Country, sa Xavier, North, East at West Greenhills, McKinley at lahat ng mga nasa first class condo; makipagtulungan na kayo sa gobyerno bago pa mahuli ang lahat.

Kung ang lahat ng mga mayayaman sa bansa ay maglalabas lang ng pera upang mabigyan ng pagkain ang mga mahihirap sa paligid nila at PPEs ang ating mga frontliners, mas mapapadali ang quarantine na ginagawa ng gobyerno.

Bawasan nyo ng konti ang inyong mga naipon para mapakain ang mga kababayan nating mahihirap na nawalan ng kita dahil sa lockdown dahil baka kayo ang hindi makatiis ng gutom!

allanpunglo@gmail.com