Matuto lang lumingon

February 12, 2020

MADALAS, ang sinasapit na problema ng isang tao  ay kagagawan din niya. Maraming pagkakataon na kapag nasa trono o powerful  sila, ang una nilang ginagawa ay mang-apak ng mga mahihina or magpatigas ng leeg!

Marami na akong napanood sa totoong buhay na “from nobody na naging somebody” at “from nothing to something.”

Karamihan sa nakita kong masyadong mapagmataas, nakakagulat kasi kaya nilang mag-transform into another karakter. Pero kapag binuklat mo kung sino sila noon, makikita mong isa rin silang walang-wala at nasa hanay rin ng naghihikahos.

May mga  karanasan akong ganito pero gusto ko lang linawin na hindi tungkol sa akin ang topic na ito. Universal ito para maging aral sa mga makakabasa nating kababayan. Incidental lang ang kuwento na ito para lang mayroon tayong buhay na halimbawa. Exhibit A, ika nga.

May isang nobody na nakilala ko sa campaign trail ng kaibigan natin. Dahil malapit ako sa principal na kaibigan niya rin, naging malapit kami hanggang naging super close. Madalas, sa iisang sasakyan kami nakasakay ng isang politiko, sa iisang plato kami kumakain.

Dahil sanggang-dikit nga kami, sumama pa sa bahay namin minsan. Basta ang deskripsiyon, malapit na kaibigan. Madalas, tatawag siya sa akin para humingi ng tulong para sa kanya or sa kaibigan niyang may problema sa pulitika. Ganoon kami kalapit, as in parang mag-ama, ika nga.

Dumating ang isang pagkakataon, naging alkalde na pala si BFF ko sa isang prominenteng lungsod sa Visayas region. Masaya naman tayo dahil sa nangyari.

Siguro second term na niya nang wala sa planong mapunta ako sa probinsiyang sakop ang city niya. Hindi talaga siya ang pakay ko, may assignment lang ako sa lalawigan. 2010 siguro iyon.

Dahil nagkataong ang landing ng eroplano ay sa city niya, naisipan namin ng kasama ko na dumaan lang sa city hall para lang sana bumati kay mayor at makahigop ng mainit na kape.

Pinaghintay kami ng secretary ni mayor dahil may ginagawa lang daw. Mahigit isang oras na kami, hindi pa rin bumabalik ang secretary para sabihin kung makakausap ba namin si mayor. Hindi naman maikakailang wala si mayor kasi natatanaw namin siya kung saan kami nakaupo.

Nang magdadalawang oras na, inaya ko na ang dalawa kong kasama na umalis. Ibig sabihin lang, hindi kami haharapin ni mayor.

Kitam, hindi mo akalain iyon di ba. Nito lang last quarter ng  2019, nag-ring ang phone ko, wala sa registered contacts ang name niya kaya hindi ko alam kung sino ang tumatawag.

Ang lambing ng salita, kasasagot ko pa lang, binabanggit na pangalan ko...”Lan, si ...ano ito. Binanggit niya ang pangalan niya pero nabobosesan ko siya.  

Mayroon na naman siyang kailangan pero choppy ang dating ng boses niya. Naputol ang aming usapan, nang tumatawag na ulit, hindi ko na sinagot. Wala akong masamang sinabi sa kanya, hindi ko siya sinumbatan. Pero sinunog niya ang tulay na daanan naming dalawa.

Ngayong powerless na siya at nobody na ulit, nakaalala na naman.  

Ang moral of the story, huwag na huwag mong kakalimutan ang mga taong dinaanan mo paakyat sa rurok ng iyong tagumpay dahil tiyak na pagbaba mo, sila rin ang iyong madadaanan.

Hindi habambuhay ang posisyon at hindi ka laging malakas. Ang pagiging mabuting tao at marunong lumingon, yun ang gawin mong panghabambuhay.

allanpunglo@gmail.com