May-ari ng hotel ipatatawag sa Senado!

February 03, 2020

MAY pangalawang hearing ang Senate committee on women, children, family relations and Gender equality na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros.

Tungkol ito sa naunang nabunyag na menu sa prostitusyon para sa mga babaing Pinay, China, Russian at Korean girls na naglalako ng sariwang laman.

Ang kanilang customers ay mga Chinese workers na nasa Pilipinas ngayon dahil sa pagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na batbat din ng intriga.

Sa datos ng Department of Labor and Employment, umaabot sa 118,239 ang bilang ng mga empleyado ng POGO ngayon. Majority sa mga ito ay mga Chinese nationals na nagkalat na sa Pilipinas.

Noong nakalipas na Martes, nabunyag sa pagdinig na isinagawa ni Senadora Risa ang pagkakaroon na ngayon ng ‘menu’ para sa prostitusyon. Ipinakita ni Hontiveros ang chat groups ng ilang lalaking Chinese na naglalaman ng mga larawan ng mga babae.

“May menu of services, parang restaurant. ‘Yung mga babae, parang in-o-order lang sa apps ng mga Chinese members ng chat group.  May menu, may presyo, then darating na lang sa hotel o condo mo,” saad ni Hontiveros.

Nakita sa isang chat group na ang sexual service sa halagang P13,000 sa loob ng isang oras; P16,000 sa loob ng isa’t kalahating oras at P30,000 para sa buong gabi.

Sa isa pang chat group, tinatawag na “new car” ang isang babae na bago lamang sa prostitution den.

Humarap din sa pagdinig ang isang 15-anyos na biktima ng sex den sa Makati City na inihayag na pinasok siya ng isang alyas Jane bilang massage therapist subalit kinalaunan ay ang kanyang trabaho ay “massage with extra services.”

Kinumpirma ng testigo na isang Chinese ang kanyang amo na may asawang Pinay at karamihan anya sa kanyang mga kliyente ay Japanese, Korean at Amerikano.

Isipin n’yo 15-years old na babae, sisipingan ng sinumahang damuho na pontio pilato?

Dahil dito, desidido si Hontiveros na ipatawag ang mga may-ari ng establisimento na nasalakay ng PNP at NBI.

Unang-una sa listahang ito ang may-ari ng Lido de Paris Hotel na nasa Binondo, Manila.

Kung ako ang tatanungin, hindi lang may-ari ng Lido de Paris Hotel ang ipatawag kundi pati na rin ang mga nasa ‘front desk,’ manager at waiters dahil sigurado tayong marami silang maibibigay na mahalagang impormasyon tungkol sa prostitusyon.

Nabatid na ilang beses nang nagsagawa ng pagsalakay ang NBI sa naturang lugar at palagi silang nakakahuli ng mga babaing Chinese na diumano’y nagbebenta ng panandaliang-aliw.

Bago pa sumambulat sa Senado ang malalang bentahan ng laman para sa China girls ay matagal na tayong nagsusulat tungkol dito.

Katunayan, isa ang Lido de Paris sa mga isinusulat na natin noon pa, gayundin ang Good Hope Hotel na nasa Binondo, Manila.

May isinulat na rin tayong prostitusyon sa Watercube Club na nasa Hobbies of Asia na pag-aari ng isang Chinese national na tinukoy sa pangalang Nato.

Sa panayam natin kay NBI Deputy Director Jun de Guzman kahapon, sinabi nitong mahigit sa 10 establisimento na ang nare-raid ng kanyang mga tauhan tungkol sa mga pinaghihinalaang pugad ng prostitusyon.

Inamin din nitong tumaas ang bilang ng mga nare-rescue nilang China girls sa prostitusyon dahil na rin sa POGO.

Wala lang talaga silang magawa para ipasara ang mga establisimentong kanilang nasasalakay dahil tungkulin na ito ng lokal na pamahalaan.

Sa ginagawang pagdinig na ito ni Senadora Risa, marami ang umaasa na mahuhubaran ng maskara ang mga taong patuloy na bumababoy sa dignidad ng kababaihan gayundin sa batas ng Pilipinas.

Tama ang plano niyang ipatawag ang may-ari ng Lido de Paris at iba pang establishmento na nahulihan ng mga ‘China girls for sale.’

At bago tayo magtapos, gusto ko rin sabihin na diyan sa Pasay ay nagpalit din ng pangalan ang isang KTV bar na inirereklamong ‘front’ din daw ng prostitusyon.

Ito iyong Titans KTV na ang pangalan ngayon ay King & Queen KTV bar.

Ayon sa ating impormasyon, problema sa BIR o hindi tamang pagbabayad ng buwis ang dahilan kaya ito isinara, pero pinalitan na ngayon ng bagong pangalan.

Ang tanong ngayon, tuloy pa rin kaya ang bold show at ‘quickie sex’ sa bagong King and Queen KTV bar?

Abangan!