May kotongan na sa police checkpoint!

ETO na kinatatakutan natin.

May mga kumag talagang gustong samantalahin ang pananalanta ng COVID-19 para lamang makapangotong sa ating mga kababayan, gamit ang pagpapatupad sa enhanced community quarantine’ (ECQ).

Una nang may naglalabasang ulat na ‘quarantine pass (QP) for sale’ sa ilang barangay – hindi lamang sa lungsod ng Maynila, kundi nangyayari na rin ito sa iba’t ibang barangay sa buong Luzon region.

Ang panibagong reklamo na nakarating sa atin ay ang ‘kotongan’ mismo sa police checkpoint!

Dahil magulo ang ipinalabas na ‘verbal order’ ng Department of Interior and Local Government (DILG) tungkol sa hindi na kailangang magpakita pa ng ‘quarantine pass’ ng sinumang indibiduwal na pupunta  sa palengke, grocery, botika at tindahan – basta nasa tamang oras lamang ang pagpunta nila rito.

Kamakalawa ay sinabi ni DILG Under Sec Epimaco Densing na wag nang ipatupad ang ‘no mask, no quarantine pass, no entry policy’ at lalong hindi sila pabor sa paglimita sa apat na oras lamang na pagbubukas ng tindahan.

“I repeat the order that we have given to our regional offices to announce to local governments not to implement the no mask, no entry, o ang no quarantine pass, no entry policy,” pahayag ni Denisng sa isang radio interview na sinulat ng pahayagang Philippine Star.

Bilang pangunahing tagapagpatupad ng ECQ sa bansa, gusto rin ng DILG na panatilihing bukas ng 12 oras ang mga palengke’t tindahan upang hindi magkaroon ng malaking kaguluhan.

Dahil sa pahayag na ‘to ng DILG, marami tayong mga kababayan ang naguguluhan pa rin hanggang ngayon dahil iba naman ang nangyayari sa ‘baba’ o bawat barangay.

Karamihan sa mga nagbabantay sa checkpoint ay hirap intindihin ang direktibang ito na iyong iba ay ginagawa pang dahilan upang makapangotong sa ating mga kababayan.

Tulad ng problema sa mga residente sa Laguna Bel-Air. Nahahati ang subdivision  na ‘to sa apat –Phase 1, 2,3 at 4.

Ang Phase 1,2 at 4 ay sakop ng Sta. Rosa City; samantalang ang Phase 3 ay sakop ng Binan City.

Sa mga regular na dumaraan patungong Tagaytay mula South Luzon Expressway, batid ng lahat na ang pinakamalapit na palengke sa mamahaling subdivision na ‘to ay ang Nuvalli sa labas lamang ng Bel-Air Sta. Rosa.

Dito may malaking problema ang mga taga-Phase 3 kasi ang quarantine pass na hawak nila ay mula sa Binan at hindi na ino-honor paglabas sa Sta Rosa.

Nakikipag-coordinate na ang homeowners association ng nasabing village, ngunit iyong ilang pulis na nagmamando sa check point ay hindi marunong umintindi at walang konsiderasyon.

Siguro naman ay may ipakikitang ID ang mga residente ng Bel-Air sa checkpoint. Isang katibayan na lehitimo silang tagaroon sa lugar na iyon at bibili lamang sa palengke, botika o may importanteng pupuntahan.

Hindi natin kailangan maging anti-mahirap o anti-mayaman. Pero alam na alam natin na ang mga taong ‘edukado’ na nakatira sa ganitong uri ng subdivision ay batid nila ang kanilang ginagawa sa mga panahong ganito --- na hindi sila lalabas ng bahay kung hindi talaga kailangan.

Bakit kailangan n’yong paikutin sa malayong lugar sa Binan ang mga taga-Phase 3 ng Bel-Air Sta. Rosa, samantalang kaunting metro lamang ay palengke at grocery na ng Nuvalli?

Ang mabigat, maraming taga-Bel Air na ang nagsasabi na sa halagang P100 ay makararaan daw sila sa ‘checkpoint,’ na isang malaking dagok sa kautusan nina DILG Sec. Eduardo Ano at PNP chief Gen. Archie Gamboa kontra korapsiyon.

Ang suggestion ko sa tanggapan ni Sec. Ano, maglabas sila ng isang ‘written order’ o directive tungkol sa pagbasura sa ‘no qp, no entry policy’ dahil marami pa rin tayong mga awtoridad na hindi man mangmang sa kanilang trabaho ay nakukuha pang mangotong sa panahong ganito.

Dapat, isaalang-alang din ng DILG at kapulisan ang ‘layo’ o distansiya ng isang residente sa mga palengke’t grocery at botika na kanilang pupuntahan dahil alam naman natin na dikit-dikit ang ating mga barangay at bayan, lalo na sa buong Luzon o mauunlad na lugar.

Walang masama sa mahigpit na pagpapatupad sa batas, ngunit dapat ay may kaunting konsiderasyon rin tayo sa hinaing na katulad ng  taga-Bel Air Sta. Rosa na ‘legit’ at resonable naman talaga!

Isama na rin ninyong pag-aralan ang problema ng ilang mangangalakal dahil pati sila ay nakokotongan na rin sa mga dinaraanan nilang checkpoint, tulad ng problema ng mga ‘poultry owners,’ at vegetable dealer sa Central Luzon.

Kaya  maraming gulay ang nasasayang at natatapon na lang sa probinsiya dahil sa sobrang higpit ng inyong patakaran, samantalang wala rin naman kayong paghihigpit sa ipinatutupad na ‘farm gate price.’

Sa Pampanga, ang’ farm gate price’ po ng isang buhay na manok ay P40, pero pagdating dito sa palengke, nabibili na natin ito sa halagang P145.

Halos mga middleman na lang ang kumikita na ang dahilan ay ipinambabayad din nila sa kotong sa checkpoint.