May mga kandidatong makakapal ang mukha

February 17, 2019

INANUNSYO ng Malakanyang na ayaw ni Pangulong Rody Duterte na nagagamit ang kanyang pangalan sa pangongolekta ng tinatawag na “political campaign fund.”

Dahil dito, parang nabunutan ng tinik ang ilang ahensiya ng gobyerno, lalo na ang mga taga-Bureau of Customs.

Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng lahat na tuwing may eleksiyon, ang kadalasang pinagkukunan ng pondo ng mga kandidato ay ang BoC.

Pati nga ang mga importer at broker ay hindi nakakaligtas sa mga kandidato. Kaya ngayon, parang nakahinga sila ng maluwag.

Kung sabagay, may mga kandidato na talagang makakapal ang mukha at pilit na pinipiga ang mga tag-BoC na magbigay.

Pero ingat kayong mga gumagamit ng pangalan ni Pangulong Duterte para mangalap ng pondo, mas mabuting tumigil na kayo.

Kung hindi, baka sa kulungan ang bagsak niyo.

Napipilitan kasing maghanap ng pondo ang mga kakandidato sa darating na May 13 eleksyon dahil talaga namang napakalaki ng gastos.

Kahit nga kandidato lang sa pagka-kagawad o konsehal ng bayan ay kailangang gumastos.

Kaya naman hindi pa nagsisimula ang opisyal na pangangampanya ng mga lokal na kandidato ay marami na ang umaaray.

Tsk tsk tsk...

* * *

Muling  ipinakita ng mga taga-Bureau of Customs  sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang husay nila sa profiling ng illegal goods.

Maging ito’y mga palabas o papasok ng bansa.

Dahil sa kanilang training skills at tulong ng mga X-Ray machine, nakalambat ang mga tauhan ni District Collector Mimel S.  Manahan-Talusan ng mga misdeclared na baril at bala.

Nagkakahalaga ng mahigit kalahating milyong piso, ang mga kontrabando ay Taiwan-bound.

Ang shipment ay i-dineklarang naglalaman ng solar panel  at tool cart.

Ang eksportasyon ng baril at bala na walang permiso ay paglabag sa dalawang batas.

Ito ang Customs Modernization and Tariff Act at RA No 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act.

Sinabi ni Collector Talusan na ang kanyang mga examiner at operatiba ay “continuously trained on profiling illegal goods.”

Ito ang dahilan kung bakit mahihirapang lumusot ang mga kontrabando sa premier international airport ng bansa.

Masusing iniimbestigan ngayon ng Customs Law Division ang kaso.

* * *

Ilang linggo na lang ay matatapos na ang school year 2018-19.

Graduation na naman ng mga mag-aaral.

Tama lang ang panawagan ng Department of Education (DepEd) na huwag mag-imbita ng mga kandidato para maging guest speaker sa graduation program.

Wala naman daw nilalabag na batas o alituntunin ang pag-imbita sa isang kandidato.

Kaya lang, mas maige na huwag na para maiwasan na magamit ang sagradong okasyon sa pamumulitika.

Ang iba kasing kolehiyo at unibersidad ay nangungumbida ng politiko dahil nagbibigay daw ng donasyon para sa paaralan ang guest speaker na kandidato.

Sa totoo lang, kapag  panahon ng kampanya, maraming kandidato ang nagbo-boluntaryong maging guest speaker.

Ito ang sinasamantala nilang pagkakataon para bolahin ang mga tao.

Kung sabagay, nasa mga botante pa rin ang desisyon kung sino ang kanilang iboboto.

Alam naman nila ang kalidad ng mga kakandidato sa kanilang  bayan, syudad o probinsiya.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)