Mayo 03, eleksiyon ng NPC

February 20, 2020

ISANG paalala sa mga kasamahan natin sa midya na mga regular na kasapi ng National Press Club:

Sa Abril 3, 2020, ang huling araw upang makapag-apply at makapag-renew ng inyong membership sa NPC upang kayo ay muling makalahok sa ating general assembly, makaboto sa gaganaping halalan pagkatapos nito o kaya naman ay maihalal sakaling kayo ay tumakbong kandidato sa ano mang posisyon.

At ang “pagkakataon” nga naman, mga kabayan, dahil hindi man sinasadya, ang Mayo 03 din ang paggunita sa World Press Freedom Day na nataon din na pangalan ng partido ng media na muling nagbalik sa tiwala at respeto ng publiko sa NPC, ang Press Freedom Party (PFP).

Alam nating lahat na sadyang nadungisan ang pangalan ng ating organisasyon dahil sa mga nagdaang lider na pulos pagwawalanghiya, Louie Logarta, ang ginawa noong termino nila kasama na ang kapal-mukhang “paggamit” sa kanilang posisyon para sa sarili nilang interes.

Mas pinalala pa ito ng kanilang incompetence sa pamumuno kaya nagkaleche-leche ang ating organisasyon.

Sino ba ang makakalimot sa P7.1 milyong pagkakautang sa SSS na “iniwan” ng mga pinalitan natin sa puwesto?

At kung iisa-isahin natin ang mga kasalanan ng mga ito sa NPC, masisira lamang ang araw nating lahat at hindi magkakasya kahit “punuin” pa natin ang mga pahina ng ating dyaryo.

Pero umasa kayo na hindi natin papalampasin ang pangwawalanghiya ng mga ito sa NPC na hanggang ngayon ang alam lang nilang gawin ay sirain ang NPC, partikular sa social media.

May tamang lugar at panahon para harapin ang mga ito at titiyakin natin na mayroong mananagot.

Pero mas maganda nang ulitin ang mga nagawang pagbabago ng Press Freedom Party para sa NPC.

Una sa mga ginawa nating pagbabago ay linisin ang hanay ng NPC sa mga hao-shiao.

Mula sa libu-libong miyembro nabawasan natin ito ng ilang daan na lamang. Marami ang nagalit sa atin dahil dito pero ito ang tamang gawin upang muling maging lehitimong organisasyon ng mga midya ang NPC at hindi ng kung sinu-sino lamang. Mula noon naghigpit na tayo sa kung sino ang papasok sa NPC. Hindi na po uubra ang matagal nang kinasanayan.

Sa matagal na pamumuno ng Press Freedom Party sinimulan natin ang iba’t ibang serbisyo para sa kapakanan at kabutihan ng mga miyembro.

Sa pamumuno ngayon ni Pangulong Lakay Gonzalo, kaniyang itinuloy ang mga naumpisahan ng PFP.

Patuloy ang ating medical and dental mission kasama ang UNTV, nabayaran natin ang P7.1 milyong pagkakautang sa SSS, patuloy ang ating scholarship program o pagbibigay ng financial assistance sa mga anak ng ating mga kasamahan.

Nailunsad din natin ang Apolinario Mabini Awards kasama ang Pagcor at NCCA upang bigyang pagkilala ang mga kasamahan nating may kapansanan, patuloy din ang NPC-Philracom Benefit Race, at marami pang iba.

Patuloy ding lumalawak ang pakikipag-ugnayan ng NPC sa iba’t ibang organisasyon at ahensya ng gobyerno. Tayo’y nagkaroon ng mga memorandum of agreement sa DOST, TESDA, Pagcor, CHR, Philippine Red Cross, MedGate, Chinese General Hospital, SSS, CCW, at iba pa.

Kinilala din ang NPC sa ibayong dagat kabilang ang All China Journalist Association at Confederation of Asean Journalist na halos taun-taon nating dinadaluhan.

Dahil dito, kinilala ang husay ng mga opisyal ng NPC kaya naman naitalaga sa posisyon sa gobyerno ang mga dati ng Pangulo gaya ni Usec Benny Antiporda ng DENR at Usec Joel Egco ng Presidential Task Force on Media Security. Makailang ulit na rin tayong naimbita upang maging resource person sa pagdinig sa Senado at Kamara.

Bukod pa dito, naalagaan din natin ang mismong tahanan natin sa Intramuros. Sari-saring improvements na ang ating nagawa at patuloy na ginawa para dito. Ang maganda dito, ang iba nating proyekto sa pagpapaganda ng NPC ay mula sa maraming organisasyon na tumutulong dito gaya ng Armed Forces of the Philippines, United Architects of the Philippines-Manila Chapter, at DPWH.

At nagtatagumpay si Pang. Lakay dahil, bukod sa inyong lingkod, palaging nakaalalay sa kanya ang ating mga kasamahan sa NPC Board. Ganyan kasi “katibay” ang samahan ng mga miyembro ng PFP, sabihin pa!

Hindi pa dito natatapos ang marami pang nais gawin ng Press Freedom Party para sa NPC.

Marami pang pagpapabuti at paglilinis ang ating kailangan gawin. Hindi rin natin hahayaan na muling makapanumbalik sa NPC ang mga nais magsamantala dito at muling babuyin ang ating organisasyon.

Hindi man madali ang ating pinagdaanan at pinagdadaanan sa paggawa ng mga ito pero lakas natin ang patuloy na pagtitiwala sa atin ng ating mga kasamahan at makitang nagbubunga ng maganda ang mga ginawang pagbabago.

Kaya naman magkita-kita po tayong muli sa Mayo 03 sa election ng NPC! Mabuhay ang malaya at responsableng pamamahayag!