Mayor Lim, tunay na kaibigan, tapat na lingkod-bayan, mapagmahal na ama

August 09, 2020

MULING nahigitan ng Bureau of Customs ang kanilang buwanang collection target noong  Hulyo.

Ayon sa initial report ng BoC  Financial Service, umabot ng P50.072 bilyon ang koleksyon ng ahensya noong nakaraang buwan

Ito'y lampas ng 5 percent o P2.398 bilyon kumpara sa target nitong P47.674 bilyon para sa nasabing buwan.

Noong nakaraang Hunyo, nalampasan din ng ahensya ang kanilang assigned task take.

Ang June target collection ng ahensya ay P40.739 bilyon.

Noong Hunyo, nakakolekta ang BoC ng P42.539 bilyon sa kabila ng pandemya.

Ang mga top performing collection districts noong Hulyo ay ang ports of Aparri, Tacloban, Limay, Zamboanga, Cagayan de Oro, Davao, Clark, Cebu, Batangas at Subic.
Ayon sa BoC, gumaganda ang kanilang "collection performance due to improved valuation and volume of importation."

Nandiyan din ang tinatawag na "intensified collection efforts" ng lahat ng ports of entry.

Sa taong ito ay P520.4 bilyon ang collection target ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

***

Hindi papayagan ng gobyerno na kumalat sa bansa ang mga pekeng produkto. 

Maging ito man ay gawang lokal o imported.

Kaya nga bantay sarado ng BoC ang mga port of entry para mapigilan ang pagpasok sa bansa ng mga counterfeit na produkto.

Ang mga nakakalusot naman pero nakukumpiska ng mga otoridad ay sinisira ng BoC.

Noong nakaraang linggo nga ay  sinira ng BoC ang ibat-ibang pekeng produkto na nagkakahalaga ng P500 milyon.

Ang mga pekeng produkto, na kinabibilangan ng mga sigarilyo, ay sinira sa isang waste management facility sa Valenzuela City.

Ayon BoC, ang mga sinirang produkto ay nakumpiska sa mga ibat-ibang operasyon ng  ahensya.

Sinabi pa ni PoM District Collector Michael Angelo Vargas na magiging mapanuri sila laban sa pagpasok ng mga ipinagbabawal na produkto.

Ang pagsira ay dinaluhan ng mga representante ng mga kumpanyang pinike ang mga produkto.

Ang mga pekeng produkto ay hindi puwedeng ibenta sa pamamagitan ng subasta o ipamigay sa mga pampublikong opisina.

***

Simula ng klase sa Agosto 24 ay magiging "punching bag" ng taumbayan ang Department of Education na pinamumunuan ni Secretary Leonor Briones.

Tiyak 'yon, dahil sa dami ng mga naririnig nating problema na dulot ng walang face-to-face classes sa buong bansa.

Siguradong karamihan sa mga reklamo ay manggagaling sa mga magulang at mag-aaral.

Lalo na ang mga ama at ina na parehong nagtatrabaho.

Sino nga naman ang gagabay sa mga bata sa bahay?

Hindi naman puwedeng hindi magtrabaho ang mga magulang dahil saan sila kukuha ng perang gagastusin araw-araw.

Paano ang mga batang ang mga magulang ay no-read, no-write?

Sasakit ang ulo ni Pangulong Duterte at Secretary Briones.

Lalona't nandiyan ang social media na puwedeng gamitin ng publiko para iparating ang mga problema.

Talagang hindi puwede ang face-to-face learning sa ngayon.

Mapapahamak lang tayong lahat!

***

Nakikiramay tayo sa pamilya ni dating Manila Mayor Alfredo "Fred" S. Lim na namatay noong Sabado.

Isang tunay na kaibigan, tapat na lingkod bayan at mapagmahal na ama, Si Mayor Lim ay namatay sa edad na 90.

Malaking kawalan ng bansa ang pagpanaw ng isang "darling of the poor at idolo ng mga ordinaryong Pilipino."

Si Mayor Lim ay hindi makakalimutan ng mga taga-Maynila dahil sa pagsusumikap niyang mapatayuan ng ospital ang bawat distrito ng Maynila.

Limang ospital ang naipatayo ni Lim bukod pa sa maraming paaralan.

Mula sa aking pamilya, "paalam at matiwasay na paglalakbay,Mayor lim."

Rest in peace, Idol!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)