Mayor Oca, hands on sa problema ng 2019 nCoV

February 05, 2020

TINUTUKAN nang husto ng mga lokal na opisyal ang pangamba ng mga mamamayan na dulot ng 2019 novel corona virus (nCoV) acute respiratory disease upang matiyak na walang mamamayan sa kanilang lungsod o munisipalidad na tatamaan ng mapanganib na sakit.

Dito lang sa Caloocan City, lahat ng isasagawang aksiyon ng kanilang mga departamento para sa pagbalangkas ng hakbang para maiwasan ang pagkalat ng virus sa lungsod ay personal na pinangangasiwaan ni Mayor Oca Malapitan.

Sa katunayan, kaagad na pinulong ni Mayor Oca ang City Disaster Risk Reduction Management Council upang talakayin ang mga panuntunang dapat nilang ipatupad sa buong lungsod, hindi lang para makaiwas sa naturang epidemya kundi pati na ang kaukulang hakbang kung sakali ay may isang residenteng kinakitaan ng sintomas nito.

Kasamang dumalo sa naturang pagpupulong ang mga kinatawan ng DepEd, DILG, BJMP at PNP upang makatulong sa pagbalangkas ng mga panuntunan at kabilang sa mga napagkasunduan ang paglalagay ng hand sanitizers sa bawat’ palapag ng city hall at sa iba pang pampublikong tanggapan.

Napagkasunduan din na pagkalooban ng non-contact infrared thermometer ang lahat ng pampublikong paaralan sa elementarya at high school upang masuri ang body temperature ng mga papasok na estudyante at maging ng mga guro upang alamin kung may sinat o lagnat sila.

Bumuo rin ang alkalde ng isang Special Task Force na mangangasiwa sa pagbibigay ng edukasyon sa mamamayan kaugnay sa mga dapat gawin upang makaiwas sa epidemya na kinabibilangan ng mga kinatawan ng kanilang City Health Office at City Social Welfare Department.

Personal ding iniabot ni Mayor Oca ang daan-daang kahon ng alcohol sa Caloocan DepEd Superintendent upang ipamahagi sa may 175,000 estudyante sa pampublikong paaralan sa lungsod para magamit nila sa pagpapanatili ng kalinisan ng katawan at hindi rin nalimutang paalalahanan ang mga mag-aaral na laging maghugas ng kanilang kamay.

Tiniyak pa ng alkalde sa kanyang mamamayan na laging nakahanda ang lokal na pamahalaan sa anumang uri ng kalamidad at ang tanging hiling niya  ang pakikiisa at kooperasyon ng lahat at iwasang magpakalat ng mga maling impormasyon na hindi makakatulong sa pag-iwas sa naturang epidemya.

ACT-CIS Partylist

Tulad ng kanilang naipangako, isa-isa ng tinutupad ng mga kinatawan ng ACT-CIS Partylist na makapaghain ng batas na magkakaloob ng proteksiyon sa maliit na manggagawa, partikular sa industriya ng pamamahayag at maging ang mga artista sa pelikula at telebisyon.

Hindi nga nagkamali ang taumbayan nang piliing maluklok at manguna ang naturang grupo sa hanay ng mga tumakbong partylist sa Kongreso kaya’t nabigyan ng pagkakataon sina Cong. Eric Yap, Congw Jocelyn Tulfo at Congw Niña “Weng” Taduran na dating miyembro rin ng media subalit hindi nagbago ng ugali dahil bukod sa napanatiling maging magiliw, super accessible and approachable sa mga taong lumalapit sa kanya.

Bagito lamang sa larangan ng paghuhulma ng batas si Congw Niñi subalit nakapaghain na ng panukalang batas tulad ng Eddie Garcia Act at ang Media Workers Welfare Act na inaasahang magpapatatag sa industriya lalo sa kalidad nito at ang pinakamahalaga, sa interes lalo na ng mga maliliit na mamamahayag.

Sa kalagitnaan pa nga ng pangamba sa novel coronavirus, umapela si Congresswoman Niña na iwasan ang mag-panic dahil naka-alerto naman ang national government basta, aniya, istriktong pagpapatupad na lamang ng nakalatag na sistema laban sa epidemya ang nararapat na gawin.

Nitong nakaraang Chinese New Year ay napabilang siya sa prestihiyosong Prosperity Ball 2020 na ginanap sa Okada Hotel kung saan ginawaran siya ng pagkilala. Layunin ng naturang okasyon na makalikom ng sapat na pondo para sa mga kapus-palad sa larangan ng pagpapatuloy ng edukasyon, kalusugan, at paglinang ng personal at kasanayan sa buhay.
Pagpanaw ni  Fr. Suarez

Halos lahat ay nabigla sa maagang pagpanaw ng tinaguriang “healing priest” na si Father Fernando Suarez habang naglalaro ng tennis noong Martes sa Alabang Country Club,

Kabilang si Navotas City Mayor Toby Tiangco sa nalungkot sa pagpanaw ni Fr. Suarez na ayon sa alkalde ay niyakap ng pari ang buhay sa paglilingkod sa kapuwa at inialay ang kanyang mga araw sa pagtulong para mapagaling ang mga maysakit at mapalakas hindi lang ang kanilang pangangatawan kundi pati ang kanilang pananampalataya sa Diyos,

Dugtong pa ni Mayor Toby, libu-libo ang pinagpala ng kanyang ministro, kabilang na ang kanyang pamilya kaya’t kasama sila ng buong sambayanan sa pagluluksa sa pagpanaw ng butihing pari

Kilala si Mayor Toby at kanyang pamilya sa mga sumasampalataya sa ginagawang pagpapagaling ng karamdaman ni Fr. Suarez at ito ang kanyang gabay upang makatulong, hindi lang sa mga Navoteño kundi maging sa bawat’ pamilya sa ibang lugar na biktima ng kalamidad.

Nito lamang nakaraang araw, naghandog ng P500,000 tulong pinansiyal si Mayor Toby sa Tulunan, Cotabato na niyanig noong nakaraang taon ng dalawang sunod na malakas na lindol.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363