Metro Manila Development Authority, walang solusyon sa krisis-trapik sa Edsa?

March 24, 2019

Tubig! Kuryente! Trapik! Baba-taas, presyo ng diesel, gasolina! O Pilipinas kong mahal.

Hindi na yata talaga kaya ng Metro Manila Development Authority ang krisis-trapik sa Edsa. Nag-iisang ahensya lang naman kasi silang lumulutas ng krisis-trapik. May mga “pasaway” pang kasapi ng enforcement group nila. Saludo naman ako sa mga tapat sa kanilang tungkulin.

Huwag lang dumami ang mga pasaway na nakaistambay lang sa mga kanto o  nagkukuwentuhan habang nakasilong sa lilim. Kung hindi nila kayang mainitan, humingi sila ng payong sa opisina nila o magbitiw na lang sila sa trabaho.

Ano naman ang nangyayari kay Mr. JUN VIALU, ang pumalit kay G. Bong Nebrija sa clearing operations? Maraming alternate route na minsan ay tinatawag na Mabuhay lanes ang marami pa ring obstruction o sagka sa daloy ng trapiko.

Katulad nang sa Quezon City na makatutulong sana ang MMDA sa krisis-trapik sa Edsa hanggang Commonwealth Avenue, maraming nakaparada, nakagarahe sa mga lansangan ng Kalayaan Avenue, Sikatuna, UP at Teacher’s Villages hanggang sa Kamias at Anonas Streets at kung saan-saan pa sa palibot ng QC.

Kailangang bigyan ito ng pansin ni G. Vialu dahil sa Quezon Memorial Circle pa lang ay  parang laging may karo ng inililibing na patay sa usad-kuhol na gapang ng trapiko!

Malaking tulong kung maaalis ang mga sagabal na iligal na nakagarahe at nakaparadang mga sasakyan sa mga kalsada, maliit man ito o malaki.

Sasabihin naman na trabaho ito ng lokal na pamahalaan. Kumakampanya na ang mga mayor! O kaya’ y tapos na ang term na ilang mayor kaya matagal na silang walang pakialam.

Obvious naman na hindi ito nagagawan ng solusyon ng lgu kaya may MMDA na may mas malaking puwersa ang malaking maitutulong sa pagbabawas ng krisis-trapik sa Edsa, C5, at lahat ng mga kalsadang dinadaanan ng mga sasakyan ngunit sinasagkaan  ng mga iligal na sagabal pang mga sasakyang ginawa nang kanila ang mga kalsada kaya naging garahe na nila. Lintik ang mga ito talaga!

Walang tubig, walang kuryente, buwisit pa ang trapik! Saan na pupunta ang Pilipinas? Sa Kaliwa Dam pala!

Isama pa ang linggo-linggong ulit na pagtaas ng presyo ng gasolina, diesel at kerosene.  Tsinutsubibo na naman tayo. Isama pa ngayon ang init-alinsangan ng panahon! Lintik talaga!

Pagkaraan pa ay  bubugbugin tayo ng mga pangako na narinig na natin isang milyong ulit na ngunit wala namang nangyari kundi mabaon tayo sa kumunoy ng kawalang katiyakan sa buhay. Eleksyon! Eleksyon!

‘Ika nga ay bata pa si Sabel, narinig na ang mga pangakong ‘yan. Tumanda na si Sabel, ganoon pa rin ang pangako at may nadagdag lang ng kaunti. “Aangat kayo sa kalagayan n’yo ngayon,” sabi nila.

Trapik lang hindi pa malutas, ano pa ang silbi ng mga pangako. Malulutas ba ng mga pangako ang krisis-trapik?

Panawagan kay G. JUN VIALU. Tindihan naman n’yo ang paglilinis sa mga kalsadang binanggit ko. Salamat po.  (bangonkalikasan@yahoo.com)