Mga aral sa krisis sa tubig ngayon

March 17, 2019

Habang isinusulat ko ito, marami pa ring mga kakilala ko na walang tubig sa kanilang mga komunidad. Sakop sila ng Manila Water. Gayundin kami.

Matagal kong hinangaan ang serbisyo ng Manila Water. Laging malakas ang tubig namin. Mahigit sampung taon na nang magtayo kami ng tangke ng tubig sa aming bahay bilang paghahanda sa darating na nakakapusan ng tubig. Lumaki ako sa isang komunidad na laging nirarasyunan ng tubig dahil laging walang tulo ang gripo. Lumaki akong  umiiigib ng tubig sa poso kung walang tubig sa aming bahay. Nagkamasel nga daw ang bata ko pang braso.  Siyam na taon pa lang ako noon. Ngunit ngayon, hindi pa lalagpas sa limang ulit naming nagamit ang tangke sa aming bahay ng sarili ko nang pamilya.

Paminsan-minsan ay nawawalan kami ng tubig noon ngunit itinataon ito ng Manila Water sa madaling araw at paggising namin ay tiyak na may tubig na.

Noon ay madaling tumugon sa mga tanong at reklamo ang kumpanyang ito. Kasabay naman nito ay madalas kong naririnig na nawawalan madalas ng tubig ang mga komunidad na sakop ng Maynilad. Lalo kong hinangaan ang Manila Water hanggang sa maganap ngayon ang krisis sa tubig.

Nitong nakaraang taon, naisip ko pang tumawag sa Manila Water upang imungkahi na hinaan ang pressure ng kanilang rasyong tubig sa aming bahay. Nanghihinayang ako sa hindi makontrol na lakas na kadalasang tumatapon  lang. Sa bahay namin ay malinaw na ipinatutupad sa loob ng maraming taon na ang patakaran na huwag mag-aksaya ng tubig.

Bumubulwak ang tubig sa gripo namin dahil sa lakas ng pressure ng tubig galing sa kumpanya. Alam kong nakasisisra pa ito ng mga piyesa ng tubo at gripo dahil sa palagiang lakas ng pressure ng tubig.

Hindi ko na nagawang tumawag sa Manila Water dahil sa maraming gawain at naisip ko na kung pagbibigyan kami na hinaan ang malakas ng pressure ng tubig, tiyak na kasama ang buong kalye kung saan kami nakatira. Baka may magalit  kaya malamang sa hindi na hindi mapagbibigyan ang magiging kahilingan ko.

Balik ako sa palagiang ginagawa namin sa bahay. Ang biro ko ay “kung puwedeng maligo sa isang tabong tubig ay gawin ito.”  Mahirap gawin ito ngunit pagbibigay-diin lamang ito sa kahalagahan ng pagtitipid sa paggamit ng tubig. Naging gawi na namin na ang mga pinaglabhan at pinagbanlawan ng damit  naming mag-asawa ay inilalagay namin sa isang malaking timba at ito ang ipinambubuhos namin sa aming inidoro. Rercycling ‘ika nga. Malaking tipid na ito sa tubig. Matitipid na rin ang mga makabagong toilet bowl ngayon na kaunting tubig lang ay lumulubog na ang dumi at ihi ng tao. Ang mga lumang toilet bowl ay maraming  tubig ang kailangan upang mai-flush ang dumi at ihi.

Mahalaga ang pagtitipid sa paggamit ng tubig. Mahalaga rin na ang ang dalawang kumpanya ng tubig ay mahinang pressure lamang ang kanilang gamitin sa distribusyon ng tubig sa kani-kanilang nasasakupan. Sa dami na ng mga establisimyento ngayon sa buong Pilipinas, napakalaki na nang pangangailangan sa tubig. Dumami ang malls, condos, restoran, paaralan, at kung anu-ano pa na patuloy na humihigop ng tubig sa mga dam. Dapat na ring ipatupad ang batas tungkol sa mga small water impounding dam upang magamit ng mga magsasaka sa kanilang pagtatanim lalo na kung tag-araw. Malalaki ang dam sa bansa ngunit tila kinakapos pa rin dahil sa daing ng ilan na inuunang daluyan ng patubig ang malalaking kumpanya kaysa mga bukirin.

Hindi na natin kailangan pa ng higanteng mga dam. Kailangan lang pagkasyahin ang tubig na ibinigay sa atin ng Inang Kalikasan at sasapat na ito. Huwag patuloy na aksayahin ang tubig dahil tayo rin naman ang magbabayad nito dahil hindi ito libre. Ang bawat patak ng tubig ay patak din sa mga metro ng tubig. Kung nangyayari ang krisis ngayon sa tubig, siyasatin na ang mga namamahala sa tubig at mga kaugnay nitong  mga ahensya pampubliko man o pribado.

Sapat ang tubig natin. Huwag lang itong waldasin.              (bangonkalikasan@yahoo.com)