Mga bugok sa fake news!

August 19, 2020

UMATAKE na naman ang mga may pabrika ng fake news.

Nakaimbento na naman sila ng mga balitang gumugulo sa ating bayan. Ang mga taong ito ay parang mga adik na ginigiyang kapag hindi nakakagawa ng mga pekeng balita.

Napagtripan na naman nila ang kalusugan ni Pangulong Duterte na mula pa July 1, 2016 ay pinanalangin na nilang magkasakit. Nitong weekend daw, sakay si Presidente ng private plane patungo sa Singapore para magpagamot.

Lalo silang kumagat sa "perpetual isolation" na sinabi ni Spox Roque. Nang si DFA Sec Teddy Boy Locsin ang sumalubong sa mga dumating na OFWs, hayun, kumbinsido silang wala si Presidente at masama ang kondisyon sa Singapore hospital.

Tuwang-tuwa talaga sila sa ginawa nilang fake news na may motibo. Nagmamadali talaga silang "patayin" si Presidente kaya sa tuwing hindi nila makikita, ganoon na agad ang kanilang conclusion.

Habang nagpipista sila sa fake news, nasa Davao pala si Presidente at kumakain ng hapunang pritong saging na saba na nakakamay. Kandarapa na naman ang mga news fakers sa pagbawi, napahiya na naman sila.

Iyon na ang ikinabubuhay nila, ang pag-aasam na "matodas" na si Presidente para sila na ulit ang nasa kapangyarihan.

Ang kakapal ng mukha ng mga walang magawang maganda para sa bansa.

***

Ang isa pang fake news na ipinakalat ay ang pagbili ng DPWH Biliran ng 78 piraso ng ballpen sa halagang P106,892.

Pinalabas sa mga social media na nag-award ang Biliran DPWH ng kontrata sa isang supplier. Ibig sabihin, gustong palabasin ng fake news fabricator na halos 1,400 ang isang ballpen.

Iyong mga taong hindi nag-iisip, kumagat naman sa fake news, nag-share agad ng mga posted documents na ginamitan ng photoshop at inalis ang ibang detalye.

Una, kung nag-iisip lang talaga tayo, hindi naman mapepeke ang ating mga impormasyon. Sa kagustuhan nating manguna at sumakay sa mga fake news, nabibiktima tayo ng ating mga kamangmangan.

Sumagot bigla ang Biliran DPWH, iyong P106,892 awarded contract ay kasama pala ang napakaraming office supplies  para sa buong opisina.

Napaso agad sa sarili nilang fake news ang mga walang magawa sa buhay. Ibig sabihin, talagang gumagala ang mga walang isip sa ating bayan na parang virus.

Mabuti na lang, iyong nagsimula ng fake news tungkol dito ay umamin sa kanyang pagkakamali at inilabas ang katotohanan sa nakuha niyang sagot sa DPWH plus humingi pa ng dispensa.

Isipin nyo, gaano karaming buhay ang sinisira ng mga nagpapakalat ng fake news gamit ang social media?

Tapos, kapag naisipan ng gobyerno na lagyan ng regulasyon ang social media, kayo ring mga fabricator ng fake news ang umaangal sa pagkitil sa freedom of speech.

Para kayong mga itlog na bibi na hindi nalimliman.

Mga bugok!

allanpunglo@gmail.com