Mga higanteng pulitiko sa Caloocan, lumantad na

February 13, 2020

LANTAD na sa kaalaman ng mamamayan ng Caloocan City kung sino sa mga bantog at higanteng pulitiko ang magsasalpukan sa pagka-alkalde ng lungsod sa taong 2022 national election.

Maaga kasing nagparamdam si Caloocan 2nd District Congressman Egay Erice ng paghahangad na pumalit kay Mayor Oca Malapitan na nasa huli na niyang termino sa pamamagitan ng walang puknat na pagsasagawa ng mga kapaki-pakinabang na aktibidad, hindi lamang sa kanyang distrito kundi maging sa 1st District o North Caloocan na hindi maikakailang higit na mas maraming botante.

Siyempre, hindi puwedeng basta hahayaan na lamang ng anak ni Mayor Oca na si 1st District Congressman. Dale “Along” Malapitan na maagang mamayagpag si Cong. Erice dahil baka maging “too late the hero” nga naman kapag nagpa-petik petik pa sila at para parehas, sinuyo naman niya ang mga barangay official sa 2nd District ng lungsod.

Noon nga lang nagdaang araw ng Sabado at Linggo, nagpamalas ng lakas ng puwersa  si Cong. Along nang ilunsad sa Headquarters ng Caloocan Police ang unang Along Malapitan For Mayor (AM/FM) invitational shootfest na isinulong ng kanyang taga-suporta.

Inimbitahan ng kongresista na lumahok sa shootfest ang mga barangay chairman, kabilang ang mga nasa ikalawang distrito, upang mahasa ang kanilang kasanayan sa pagbaril dahil sila ang nangunguna sa pagtugis sa mga kriminal at drug pusher sa kanilang lugar.  

Sa panayam nga kay Barangay 8 Chairman Honesto Gaton na isang retiradong pulis, malaki ang kanilang pasasalamat sa imbitasyon ni Cong. Along dahil bukod sa libre ang balang kanilang gagamitin, mahahasa pang muli ang kanilang abilidad at kaalaman sa pagtudla.

Isa ang Barangay 8 sa pinakamalaking barangay sa 2nd District ng Caloocan kaya’t hindi nakapagtataka kung makatanggap ng isang katerbang death threat si Chairman Gaton dahil sa dami ng kanyang  naipahuling drug pushers.

Kung dati ay tahimik lang si Cong. Along at hindi man lang nagpapahiwatig ng kagustuhang palitan sa puwesto ang kanyang ama, ngayon ay malinaw na handa na siyang sumabak bilang ama ng lungsod dahil sa susunod daw na taon ay magtataguyod muli siya ng Along Malapitan For Mayor (AM/FM) invitational shootfest.
Face mask fever

Ibinahagi na sa social media ng mga supplier ng surgical face mask ang kanilang hinaing hinggil sa umano’y ginagawang pag-ipit sa kanilang inangkat na face mask sa ibang bansa ng Bureau of Customs (BoC) para mapuwersa umano silang maglagay.

Nakatengga raw sa Manila Harbor ang lahat ng containers na may lamang face mask na umano’y sadyang pinigil daw ng BoC para mapuwersang magbigay ng hanggang P100,000 pataas kaya’t silang mga supplier ang pinanggigigilan sa galit ng mga buyer gayung mas mabigat daw sa kanilang kalooban ang nangyayaring pagpigil na nagiging dahilan kaya’t wala ng mabili sa mga tindahan.

Litanya pa ng isang supplier, may sakit daw ang kanyang asawa pero matiyagang naghihintay sa Manila Harbor kung kailan maire-release ang kanilang items para matugunan ang pangangailangan ng mga buyer na galit na galit na sa kanila. Kung tutuusin daw sila ang labis na nai-stress at nape-pressure dahil inaaway na sila sa chat at text ng mga buyer na hindi alam ang sitwasyon hinggil sa ginagawang pang-iipit sa kanilang kargamento ng BoC.

Nakasaad pa na kaya raw naubos kaagad ang supply ng face mask ay pinakyaw na ng mayayamang negosyanteng Tsinoy para ipadala sa kanilang bansa sa China dahil nagkaubusan na rin daw doon ng face mask. Mas priority daw kasi ng mga seller at supplier ang malakihang order kumpara sa mga retail o maliitang bilihan.

May mga supply naman daw ang lokal na pagawaan ng face mask  na galing sa Bataan pero may pangyayari na nasasabat daw sa police checkpoint at aakusahan ng hoarding kaya mapupuwersang magtaas ng presyo ang supplier para mabawi ang ibinigay na lagay sa awtoridad para ma-release ang naharang na items.

Sa totoo lang, in demand talaga, hindi lang sa ating bansa ang surgical face mask kundi sa buong mundo at ito ang sinasamantala ngayon ng mga tusong negosyante para kumita ng limpak na salapi dahil sa ngayon, kinakagat na ng mga buyer sa presyong P400 hanggang P500 kada kahon ng surgical mask na dating P75 hanggang P85  lang.

Huwag makialam

May banta raw ang isang departamento sa Malabon City Hall sa mga Police Community Precinct (PCP) commander na huwag pakialaman ang mga illegally parked vehicle, partikular ang mga malalaking trailer truck at delivery van kung ayaw nilang masibak sa puwesto.

Gigil na gigil nga ang mga PCP commander na linisin ang mga lansangan sa nasasakupan nilang lugar sa mga sagabal na trailer truck pero mistulang tali ang kanilang kamay dahil sa banta na masisibak sila sa puwesto kapag pinakialaman ang illegal parked vehicles.

Gusto na nga raw ipabatid ng ilang pulis kay Mayor Lenlen Oreta ang banta sa kanila pero pinili na lang nilang manahimik pero kapag may nagreklamo raw na trucking company o tsuper ng pangingikil, hindi sila mangingiming aksiyunan ito.

Sino kaya sa hepe ng mga department head ang may lakas ng loob at kapal ng mukha na magbanta sa mga PCP commander? Nagtatanong lang.

Sa puna at reaksiyon, mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 09233478363