Mga ismagler, mahihirapan kina Guerrero, Ramiro, Mangaoang

February 03, 2019

MALAKI ang papel ng intelligence work para mabigyang solusyon ang mga problema at katarantaduhan sa bansa.

Sa Aduana, na tinaguriang pinamumugaran ng mga “ahas,” ay nagbubunga na ang inilunsad na intelligence gathering operation.

Sa totoo lang, nairehistro ni BoC Chief Rey “Jagger” Guerrero ang kanyang unang “big smuggle catch” dahil sa husay ng mga intelligence operative.

Ito’y hindi nakapagtataka dahil si dating General Raniel Ramiro ang BoC Depcom for Intelligence.

Nauna nito ay nakatanggap ng reklamo ang BoC na merong bodegang naglalaman ng mga pekeng produkto.

Kaagad na umaksyon si Ramiro at  ang kanyang mga operatiba  at napatunayang tatlong bodega sa Binondo, Manila ang naglalaman ng mga imitasyon ng mga produkto ng Nike Philippines.

Kasama si Guerrero, sinalakay nina Ramiro ang tatlong bodega na naglalaman ng mga pekeng produkto na nagkakahalaga ng P700 milyon.

Sa isa pang raid sa dalawang bodega sa Sucat, Parañaque City, nakakumpiska ang mga operatiba ng mga pekeng produkto na nagkakahalaga ng P15 milyon.

Dalawang smuggled na sasakyan rin ang inispeksyon nina Ramiro sa Manila International Container Port (MICP).

Ang shipment ay deklaradong naglalaman ng used forklift, used diesel engine at household items.

Ayon kay MICP District Collector Dino Austria, nakita naman sa X-Ray Machine ang ismagling ng misdeclared goods.

Sa mga nagbabalak na magparating ng mga kontrabando,  mahihirapan na kayo dahil nandiyan ang mga intelligence agent ni Ramiro at mga X-Ray machine ni Lawyer Lourdes Mangaoang.

* * *

Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) naman ay full alert ang mga tauhan ni Collector Mimel S. Manahan-Talusan.

Ayaw ni Talusan na may makalusot na karne o canned goods galing sa mga bansang may  African Swine Fever o ASF.

Lahat ng mga karne at canned goods na dala-dala ng mga pasaherong galing sa mga apektadong bansa ay kukumpiskahin ng mga taga-BoC at Bureau of Animal Industry (BAI).

Hindi dapat makapasok sa bansa ang virus na nagpapahirap ngayon sa mga nag-aalaga ng baboy sa ilang bansa sa Asya at Europa.

Hindi papayagan ni Collector Talusan na manganib ang hog industry sa bansa.

Kawawa ang mga umaasa sa hog industry kapag nakapasok sa bansa ang ASF.

Lalo na sa mga tinatawag na “backyard hog raisers.”

Kaya umaasa sila na hindi magpapabaya ang mga lingkod bayan na nautusang pigilan ang pagpasok ng nasabing virus sa Pilipinas.

Sa mga may kamag-anak na nagtatrabaho sa mga ASF-affected na bansa, tawagan na lang sila para huwag nang magdala ng karne at de-latang produkto.

Ito’y para hindi na sila maabala pagdating sa bansa.

* * *

Sa Martes, Pebrero 12, ay magsisimula na ang political campaign period para sa darating na May 13 election.

Pero ang mga kandidato lang sa pagka-senador at party-list congressman ang puwede ng mangampanya.

Ang mga lokal na kandidato ay sa March 30 pa pwede mangampanya.

Maraming kandidato, nasyonal man o lokal, ang madiskarte.

Nagagawa nilang mangampanya na walang nilalabag na batas.

Marami silang palusot.

Natutuwa naman ang mga botante dahil nakikinabang sila.

Kada tatlong taon nga lang naman ang eleksyon sa bansa.

Ang problema lang, may mga lugar na hindi pera ang panlaban kundi bala.

Ito ang dapat bantayan ng mga otoridad  para maging malinis, tahimik at mapayapa ang darating na halalan.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa

#0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)