Mga kriminal, ‘nagpipiyesta’ na naman?

BAGO ang lahat, kasama tayo sa mga ‘well-wishers’ ni Chief PNP Archie Gamboa, sa kanyang mabilisang pag- galing matapos ang ‘crash-landing’ kahapon sa Laguna ng bagong ‘PNP chopper’ kung saan ilan pang matataas na opisyal ng ating pambansang pulisya ang kasama sa mga biktima.

Sa nangyari, marami naman sa mga kasamahan natin sa media, Val Leonardo, ang “umangat ang kilay” sa ‘No Comment’ reaction ni NCRPO director, Debold Sinas, nang hingan siya ng komento sa nangyari sa kanyang mga kasamahan at sa kanilang “Bosing.”

Eh, ayos na rin ‘yan, hindi ba, kasamang Lily Reyes, kesa naman ang naging sagot niya eh, “I don’t care, keber ko ba ‘dyan,” nyehehe!

Kung sa bagay, isa  ang magiting na NCRPO director sa sinasabi ng ilang miron na magiging “kapalit” sa puwesto ni Gen. Archie Gamboa sa inaasahang pagreretiro nito ilang buwan mula ngayon.

At bakit naman hindi, samantalang “mas malakas” pa umano si Gen. Sinas kay Pang. Rody “kumpara” kay Gen. Archie dahil sa kanyang ‘backer’ na si PCSO general manager at ex-PNP colonel, Royina Garma.

Kung totoo ang ganitong mga pagyayabang, aba’y mas “may asim” pa pala si GM Garma kumpara sa ating kaibigan na si DILG Secretary Eduardo Año?  

Sabagay nga, sa ilang mga naging “galawan” sa PNP, hindi naramdaman ang “werpa” ni Sec. Ed, araguy, hindi ba, kasamang Non Alquitran, hehehe!

***

Sa isang banda, mainam na rin na mistulang ‘na-bypass’ si Sec. Ed sa personnel movement sa PNP dahil sa ngayon, aba’y talagang ‘on the rise’ na naman ang mga insidente ng krimen, napansin ba ninyo mga kabayan?

Noon lang Miyerkules, marami ang nagulantang sa balita na “inatake” ng mga “RIT” ang sikat at magandang aktres na si ‘Kim Chiu’ sa isang ‘busy street’ sa Quezon City kung saan pinagbabaril ang kanyang sasakyan.

At katulad ng iba pang mga ‘RIT cases,’ naniniwala tayong sa wala (na naman) mauuwi ang isinasagawang imbestigasyon dito ngayon ng QCPD.  

At alam mo ba, MPD director, Bernabe Balba, kahit ang National Press Club (NPC) hindi na rin ligtas sa pag-atake ng mga magnanakaw?

Sa ngayon kasi, sa tulong ng DPWH, inaayos ang buong ‘perimeter fence’ ng NPC kaya sa gabi, mistulang “nagpipiyesta” ang mga kriminal, huhuhu!

Sa nakalipas lang na isang buwan, may apat na beses nang “pinasok” ng mga kawatan ang ‘NPC compound’ kung saan ang pinakahuling insidente ay noon lang Miyerkules ng madaling araw.

Anyare na sa ipinagmamalaki ng gobyerno na “mas ligtas” ngayon ang mga Pinoy kumpara sa mga nagdaang administrasyon?  

And yes, kasama tayo sa naniniwala na “wa epek” ang kampanya ni PDU30 laban sa iligal na droga dahil mukhang ‘naka-recover’ na sa kanilang ‘shock’ ang mga drug pushers at mga drug lords, kasama na ang kanilang mga protektor sa PNP at iba pang mga ahensiya ng gobyerno sa unang bugso ng ‘War on Drugs’ noong 2016.

“Tuloy” lang at patuloy na “masigla” ang ‘illegal drug trade’ at ang naging “kaibahan” na lang, naging “mas maingat” na ngayon ang mga walanghiya sa kanilang “diskarte.”

***

Pansin naman ng iba pang miron, naging malaki ang “epekto” sa kampanya ng mga pulis laban sa kriminalidad ang anila’y “pekeng kampanya” ni Chief PNP Archie laban sa iligal na sugal.

Bakit kanyo? Reyalidad at “kalakaran” naman kasi na “koleksyon” mula sa mga gambling lords ang “pinagkukunan” ng mga istasyon ng pulis para sa kanilang ‘operational expenses’ para naman habulin ang iba pang mga kriminal— pang-gasolina, gastos sa intel operation, pangkain ng mga operatiba, etc., etc. Dito rin sila kumukuha ng “pang-areglo” o ‘entertainment’ sa ilang kagawad ng media.

At ngayong “90 percent” umano ng iligal na sugal ay ‘stop muna’ habang “zero” naman (daw) sa buong Metro Manila, ‘stop’ din ang weekly payola ng mga pulis sa mga gambling lords.

(Maliban siyempre sa ‘online sabong’ ni Mr. Atong Ang na nakaabot na rin pala sa Mindanao, yeheyy!)

(Eh, sa sugal na ito, mga ‘big time’ lang din siyempre sa mga LGUs at PNP ang may “biyaya ni Atong” at ang mga istasyon, “gutom” kaya saan sila kukuha ng pondo para sa kanilang mga operasyon, aber?)

Marahil, sasabihin ng ating kaibigan na si Sec. Ed Año, “bakit” nangyayari pa ang ganito samantalang ‘all-out support’ naman sila ni PDU30 sa PNP, patunay na kahit pa nga “umangal” ang ating mga ‘fiscal managers,’ “dinoble”na ang suweldo (at benepisyo) ng mga pulis?

Eh, bakit hindi, mga kabayan, samantalang marami pang mga sistema at proseso sa PNP ang hindi naman nareporma o nabago, korek!

Halimbawa itong raket ng “RTS” (return to sender), kung saan “kalahati” lang ng mga pondo para sa ‘operating expenses’ ng mga pulis sa mga rehiyon, probinsiya at istasyon ang aktwal na natatanggap nila, naalis na ba?

Translation? Ilang buwan na ngayon sa puwesto si Gen. Archie pero ang ‘performance’ ng PNP, hindi naman “umangat” kaya palaging ‘fiesta mode’ ang mga kriminal. ‘Yan ang masaklap na katotohanan, huhuhu!

Abangan!