Milyong commuters umaasa sa operasyon ng motorcycle taxi

MILYONG commuters na ang nagsimulang umasa sa operasyon ng mga motorcycle taxi sa bansa bago pa man harangin ng gobyerno dahil sa isyung legal at kaligtasan ng mga pasahero.

Partikular na hinarang ang operasyon ng ride hailing service na Angkas  noong Disyembre at inisyuhan ng temporary restraining order sa kanilang operasyon na iniyakan naman ng maraming pasaherong umaasa rito.

Sa hearing sa Senado kamakalawa, tatlong senador ang nanawagan sa Department of Transportation (DOTr) na mag-isyu ng provisional authority sa Angkas habang binabalangkas pa ang patakaran at alituntuning pangseguridad  ang motorcycle taxi na ikunsiderang malaking tulong sa mga komyutero’t kumyutera ng bansa.  

Ayon kay Senador Ralph Recto, ang provisional authority ay magsisilbing oportunidad sa mga mambabatas na ma-monitor at ma-assess ang serbisyo ng Angkas. Sinabi ni Recto na noon pa man ay may ganitong uri na rin ng public transport sa mga probinsiya na kung tawagin ay habal-habal.

Sakaling ma-regulate, ani Recto, matitiyak ang kaligtasan ng driver at pasahero at matitiyak din na magkakaroon ng tamang buwis para sa mga namamahala ng Angkas.

Maging ang chairperson ng Senate public services committee na si Senador Grace Poe ay nagrekomenda sa DOTr na maglabas na ng Department Order (D.O.)  upang i-regulate ang motorcycle taxis sa loob ng 30 araw habang binabalangkas ang batas.

Sa Senate Resolution 993 ni Poe, nais nitong amyendahan ang Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code at hinihikayat din ang kumite na bumalangkas ng mga regulasyon para tiyakin ang kaligtasan ng publiko at motorcycle riders.

Mismong si Poe na rin ang nagsabi na dahil sa matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Metro Manila at sa lahat ng lungsod sa buong bansa na sinabayan pa ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, walang ibang opsyon ang Filipino commuters kung hindi tangkilikin ang motorcycle taxis para sa mabilis, kumbinyente at murang paraan ng transportasyon.

Panahon na anyang baguhin ang 55 anyos na batas kaugnay sa transportasyon at payagan na ang two wheeled motorcycles bilang public transportation for hire.

Para kay Senador JV Ejercito, ang dapat pinagtutuunang pansin ng pamahalaan ngayon ay magkaroon ng maayos na modelo ng motorsiklong maaaring gamitin ng Angkas para maiwasan ang anumang sexual harassment na posibleng danasin ng babaing pasahero.

Para kay Ejercito, walang dahilan upang pigilan ang magandang layunin ng Angkas.

Idinagdag ni Senador Recto na hindi niya makita ang lohikang pinapayagan ang Grab at Uber na makapag-operate sa pamamagitan lamang ng memorandum mula sa DOTr, samantalang iniipit naman ang serbisyo ng Angkas, bunsod na rin sa itinatadhana ng RA 4136.  

Anang senador, panahon na upang i-regulate ang mga motorcycle taxi sa halip na hayaan na lamang na dumami ang kolorum na habal-habal.

Sina Recto at Ejercito ay kapwa nagmomotorsiklo at sinabing ginagamit nila ito upang mapabilis ang pagpunta sa mga lugar na nais nilang puntahan.  

Kung pag-uusapan naman ay kaligtasan, tiniyak ni Angkas Regulatory and Public Affairs head George Royeca na maaasahan ang kanilang kumpanya.

Ayon kay Royeca, batay sa kanilang tala, ang kanilang safety record ay 99.997% mula September hanggang December 2018, ang mga panahon na pinayagan sila ng korte na makapag-operate.

Upang patunayan din ang kanilang paniniguro sa kaligtasan, hinikayat ni Royeca ang  committee members na obserbahan ang kanilang training sessions upang makatulong sa pagbalangkas ng batas hinggil sa motorcycle taxis.

Maging si Jobert Bolaños ng motorcycle transport advocacy group na Riders of the Philippines ay nagbigay ng garantiya sa safety training program ng Angkas.

Inihayag ni Bolaños na noong una ay nangamba sila sa serbisyo ng Angkas subalit nang kanilang maobserbahan ang operasyon nito ay natuklasan ang kanilang high standard of training na isa sa best practice sa bansa.

Minsan na nating naging problema ang pagdami ng TNVS sa bansa dahil sa kabagalan ng mga ahensya ng gobyerno na magpalabas ng tamang regulasyon sa kanila.

Palagi rin nating narinig ang sama-samang tinig ng mga commuter na umaasam ng maayos na uri ng transportasyon upang hindi sila nahuhuli sa kanilang trabaho o anumang appointment.

Kung hindi agad maibibigay ang mga permanenteng batas upang payagan ang mga alternatibong uri ng transportasyon tulad ng motorcycle taxis hindi ba’t nararapat na bigyan na ng pansamantalang solusyon ang pangangailangan ng taumbayan?

Kung kaligtasan ang iniisip ng mga pasahero, hindi ba’t mas makatitiyak tayo sa safety ng mga ito kung kampante tayong hindi kolorum ang sinasakyan nilang motorcycle taxis?

Mabilis na nagbabago ang pamumuhay ng bawat tao dahil sa modernong teknolohiya kaya ang ating panawagan ay makasabay o agad na makasunod ang gobyerno sa mga pagbabagong ito.