Misunderstood!

SA pang-ilang beses nang pagkakataon, muling trumending si Senador Cynthia Villar nang kunan ng pahayag tungkol sa hiling na ibalik sa Enhanced Community Quarantine ang Mega Manila dahil sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.

"Hindi na siguro, pagbutihin nila trabaho nila. Hindi pwedeng isara ang ekonomiya kasi kung di naman mamamatay sa COVID, mamamatay naman sa gutom ang tao," ani Villar dahilan para madismaya ang ilang netizens.

Iyong ibang netizens, kinalkal di ang iba pang mga pahayag ng senadora na nagpapakita umano ng ‘insensitivity’ nito sa kalagayan ng ating mga kababayan.

Sa inilabas na statement ni Villar, nilinaw nito na hindi ang mga medical frontliner ang kanyang tinutukoy na pagbutihin ang trabaho kundi ang government leaders.

“We have to work harder and better, but I am not referring in particular to the medical workers--our frontliners. We are referring to all of us and DOH and Philhealth in particular. There is so much room for improvement in the government’s response to curb the transmission of the disease,” pahayag ni Villar.

“Alam ko po ang sakripisyong ginagawa ng ating mga health frontliners.  Buhay nila ang nakataya sa ginagawa nilang pag-aalaga sa ating mga kababayan na nagkaroon ng COVID-19," dagdag pa ng mambabatas.

Marami ang nagsasabi na Madam na Madam kung magkomento minsan ang lady senator dahil nga siguro sa antas ng buhay nito na pinakamayamang miyembro ng Mataas na Kapulungan.

Pero ang sabi rin ng iba kung sadyang kilala mo ang senadora at madalas mo itong nakakausap, mapagtatanto mong ang mga pahayag niya sa media ay nagpapakita lang ng kanyang naturalesa.

Ika ‘nga walang arte o walang script na sinusunod para lamang makuha ang approval ng mamamayan.

Madalas din sa pakikipag-ugnayan natin sa mambabatas, sa bawat buka ng kanyang bibig, maituturing mong nakikipag-usap ka sa isang regular na nanay o maybahay dahil lahat ng gusto niyang sabihin ay sasabihin niya nang hindi inaalala na magiging negatibo ba o hindi ang epekto sa kanyang popularidad.

Kaya ‘nga pati ang staff ni Ma’am Cynthia na si Dianne na nakitang tinatawag ng senadora habang may ‘hearing online’ sa Senate ay sikat na rin sa masa. Kasi ‘klasik’ at ‘nakatutuwa’ talaga si Villar kung lagi mo s’yang kausap.

Kahit ang mga kasamahan nitong senador, lalo na ang mga Seatmates na sina Senate Majority Leader Migz Zubiri, Senators Sonny Angara, Win Gatchalian, Nancy Binay, ang katatapos lang mag-birthday na si Joel Villanueva, ay parang nanay na ang turing nila kay Ma’am Cynthia.

Ang bansag nga nila rito ay ‘Mama Bear’ na parang nanay na walang paki kung pagalitan, sermonan at pagsabihan ang mga kasamahang senador.

Ganito rin ang naging karanasan ni Senator Manny Pacquiao noon nang makatanggap ng pagtataray kay Ma’am Cynthia. Pero para kay Pacman, pagalit iyon ng isang ina na hindi dapat pagtaniman ng sama ng loob.
Kung ihahambing sa ibang "plastic" na pulitiko, siguro mas pipiliin ko na ang isang Madam Cynthia Villar dahil siya ang halimbawa ng taong "what you see is what you get".

Naiintindihan ko ang ‘galit’ ng ilang ‘netizens’ ngayon. Kapag binasa mo naman talaga ang kanyang sinabi, agad nating sasabihin na para sa mga doktor, nurse at ilang hospital workers ang sinabing pahayag.

Pero dahil madalas nating nai-interview si Ma’am Cynthia, alam nating hindi ito ang kanyang nais patungkulan.
‘Wag sanang magalit sa atin ang ilang ‘agit’ pa rin laban sa senadora, pero ako na po ang nagsasabi sa inyo, ‘misunderstood’ lang siya.

Kahit tayo sa bahay, madalas, nami-misunderstood din natin ang ating magulang at sa bandang huli, alam nating mahal na mahal tayo ng ating ina!