Modernization program ng BoC, aprobado na!

March 08, 2020

INAPROBAHAN na noong nakaraang Biyernes ng mga economic managers ang planong P5.5-bilyong modernization project ng Bureau of Customs o BoC.

Ito’y isang magandang balita hindi lang sa mga taga-BoC kundi sa buong bansa.

Ang proyektong ito ay naglalayong mapalaki ang tax collection ng BoC.  

Huwag natin kalimutan na ang BoC ang pangalawang pinakamalaking revenue agency ng gobyerno.

Kapag natapos ang proyekto, lalong gaganda ang efficiency ng BoC, na pinamumunuan ngayon ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Ang inaprobahan ng National Economic Development Authority’s Investment Coordination Committee ay ang Philippine Customs Modernization Project.  

Ang proyekto ay popondohan ng World Bank, ayon kay Finance Secretary Carlos Dominguez lll.  

Layon din ng proyekto na mapababa ang trade costs sa bansa.

Kailangang makalikom ng malaking buwis ang BoC at ang Bureau of Internal Revenue.  

Malaki ang kailangang pera ng gobyerno para matapos o masimulan ang lahat ng mga proyektong nasa ilalim ng “build, build, build” infrastructure program ng administrasyong Duterte.

Kalahati ng 100 flagship projects ng BBB ay inaasahang matatapos bago bumaba sa puwesto si Duterte sa 2022.

Ang iba ay inaasahang masisimulan ang konstruksyon  sa nalalabing  mahigit dalawang taon sa six-year presidency ni Duterte.

Sa nalalabing panunungkulan ni Duterte ay kailangang kayod-kalabaw ang mga taga-BoC.

Hindi puwedeng pa-relaks-relaks sila.

Ito’y kung gusto nilang magtagal sa BoC  dahil closely monitored sila ni Sir Jagger.

***

Lalo pang pinadali ang proseso ng pag-dispose ng mga kumpiskado, abandonado at forfeited na kargamento na nasa pangangalaga ng BoC.  

Ang Customs Administrative Order 03-2020 “aims to provide simplified and streamlined rules and procedures” para sa disposisyon ng mga shipment na nasa mga pantalan.

Nakakatulong din ng malaki ang mabilis na pag-dispatsa ng mga kumpiskado, abandonado at forfeited na shipment para hindi magkaroon ng port congestion.  

Ang port congestion, lalo na kapag panahon ng kapaskuhan, ay malaking sakit ng ulo sa mga importer at broker.  
Dagdag gastos ito dahil na de-delay ang paglabas ng mga kargamento.

Kung punong-puno ng mga container van ang mga pantalan ay hindi nakapagbababa ng mga kargamento ang mga dumarating na barko.

Ang mga kargamentong subject for disposition ay  puwedeng isubasta, i-donate, gamitin ng BoC, ibenta sa pamamagitan ng negotiated sale, re-export, sirain o iturn-over sa proper government agency.

Tama ang pagpapalabas ng CAO  No. 03-2020 para mapabilis ang pagbigay ng BoC ng mga de-latang pagkain, damit at iba pang pakikinabangan ng mga nasa evacuation center.

Malaking tulong ito sa libu-libong biktima ng mga kalamidad na nagsisiksikan pa rin hanggang ngayon sa mga evacuation center.

Salamat, Sir Jagger.

***

Sa mga magnanakaw sa gobyerno, tigil naman kayo.

Huwag naman sobrang ganid.

Pabayaan niyong gamitin ng gobyerno ang pera ni Juan dela Cruz para protektahan ang taumbayan laban sa C0VID-19.

Pabayaan niyong magamit ng maayos ang mga pondong pambili ng mga face mask, alcohol at iba pang panlaban sa virus.

Kalimutan niyo na muna ang mga komisyon dahil hindi biro ang Coronavirus.

Hindi lang ito mabilis makahawa. Nakakamatay pa ito.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pagalan at tirahan.)