‘Multo’ ng 2004 elections

August 20, 2020

MARSO 15, 1943, sa kasagsagan ng pananakop ng Imperyalistang Hapon sa ating bansa, pumanaw ang biyuda ni Gat. Andres Bonifacio, ang “Lakambini” ng Katipunan, si Gregoria ‘Oriang” de Jesus, sa edad na 68 anyos.

Bagaman, ang mga katagang iniwan niya para sa ating lahat ay mga katagang totoo pa rin hanggang ngayon-- “Walang lihim na hindi nabubunyag.”

At sa ikatlong linggo ng pagdinig ng Senado bilang ‘Committee of the Whole’ noong nakaraang Martes, isa na namang “lihim” ang nabulgar na karagdagang dahilan ng mga miron upang ipilit ang panawagan na sibakin na ni PDU30 si Health secretary, Francisco Duque III.

Dangan kasi, sa 9-pahinang ‘sworn statement’ ni PhilHealth Region 12 vice president, Dennis Adre, ibinisto niya na “ginamit” ni Duque ang PhilHealth upang makatulong sa pandaraya laban kay Fernando ‘Da King” Poe Jr., noong 2004 presidential elections.

May higit 20 taon na ngayon si Adre bilang opisyal ng PhilHealth kaya may batayan, mga kabayan, na paniwalaan ang kanyang mga testimonya.

Si Duque naman, huwag nating kalimutan, dear readers, ay “batang-sarado” ni GMA at siya rin ang pangulo ng PhilHealth noong 2004.

Ayon pa kay Adre, papalapit ang eleksyon noong Mayo 2004, naglabas ng utos si Duque upang mamahagi ng 5 milyon piraso ng libreng PhilHealth cards, partikular sa Mindanao, sa ilalim ng ‘Plan 5M’ ng ahensiya.

Ang 5 milyon PhilHealth cards, ani Adre, ay tumutugma sa 5 milyon kalamangan ni FPJ kay Arroyo bago ang halalan, batay sa mga surveys.

Ayon pa rin kay Adre, maging si noon ay Davao City mayor, Rodrigo Duterte, ay nabiktima ng kampo ni Arroyo at Duque.

Aniya, “partikular” (specific) ang utos noon ni Duque sa PhilHealth na “huwag bibigyan” ng alokasyon ang Davao City ng libreng PhilHealth cards dahil suportado ni Mayor Rody ang kandidatura ni Da King, araguy!

Matatandaan naman na tinalo ni Arroyo si Poe noong 2004 presidential election sa kalamangan na halos 1 milyon boto kung saan ang bulto ay sinasabing galing sa Mindanao, partikular sa Maguindanao na noon ay kontrolado ng mga Ampatuan.

Ang panalo ni Arroyo laban kay Poe ang pinakakontrobersyal na eleksyon sa Pilipinas at muntik pa ngang matanggal si Arroyo dahil sa ‘Hello Garci Scandal’ sumunod na taon.

Alam din ng lahat na masyadong dinamdam ni Da King ang ginawa sa kanya noong 2004 elections at sinasabing dahilan kung bakit kahit “malakas pa sa kalabaw” ang kanyang pangangatawan, biglang na-stroke at namatay noong Disyembre 14, 2004, ilang buwan matapos ang eleksyon.

At siyempre, dahil ang kampo lang ni Madam Gloria at mga katulad ni Duque ang naniwalang si GMA nga ang “totoong nanalo” sa nasabing halalan, ikinatuwa ng taumbayan ang ipinagawa namang “monumento” ni Manila Mayor Fred Lim (sumalangit) nawa para kay Da King na makikita ngayon d’yan sa Roxas Boulevard.

Sa patuloy namang imbestigasyon ng Senado kung saan napunta ang bilyones ng PhilHealth dahil sa korapsyon, mainam sigurong basahin ulit nila ang testimonya ni Adre.

Aniya pa kasi, umabot pala sa P9 bilyon—opo, Mamang Jose, siyam na bilyong piso—ang ginastos noon ng PhilHealth para sa 5 milyon libreng PhilHealth membership cards na ipinamahagi ni Duque.

At ang perang ito, dear readers, hindi na naibalik, huwah!

Translation? Hindi na dapat magtaka kung bakit nauubos ang pondo ng PhilHealth dahil sa katiwalian. Dahil kahit noon pa pala, “gatasan” lang at ginagamit pa sa pulitika ng mga katulad ni Duque ang nasabing ahensiya, huhuhu!

Eh, ano rin kaya ang masasabi ni Pang. Rody ngayong nalaman niya na kahit pala siya, “nawalanghiya” noon ni Duque? Patuloy pa kaya niyang ipagtanggol o… “sisibakin” na niya?

Abangan!

***

Nabanggit na rin lang natin ang mga katagang iniwan sa atin ni Gregoria de Jesus, dapat na rin sigurong ikuwento, ehek, aminin, oops, linawin, ng Bureau of Customs, partikular na itong ating kaibigan na si retired Army general, Ranier Ramiro, deputy commissioner for intelligence, kung “sino” o “mayroon” nga bang “Lopez” sa kanyang punong tanggapan?

Isa rin daw itong ‘intelligence officer’ na malimit marinig ng ating mga miron na “nag-iingay” at “nagyayabang” na basta “may problema” ang isang kargamento sa pantalan, partikular na sa “IG” (ang tanggapan ni DCI Ranier) at sa “IU” ( Inspection Unit, na kasama rin sa tanggapan ni DCI Ranier), “siya” (Lopez) ang dapat na “kausapin.”

Matagal tayong “natambay” d’yan sa IG noong panahon ni DCI Jessie Dellosa at DCI Ricardo ‘Uncle Dick’ Quinto (pinalitan ni DCI Ranier), pero wala tayong alam na operatibang lumilingon kapag tinawag mo ng “Lopez!”

Sapantaha tuloy ng mga miron, baka hindi ‘organic’ (plantilla employee) itong isang ito at bagkus ay ‘outsider’ na imbudo, ehek, ‘embedded’ lang sa IG kaya hindi natin kilala, ano sa tingin mo, kasamang Vic Reyes?

‘But whatever,’ wika nga, ang ganitong mga alingasngas ay hindi maganda sa ‘straight image’ ni DCI Ranier at siyempre pa, ni Comm. Jagger Guerrero.

At dahil nagbubunyi tayo (peksman) sa mga kilala at mga kaibigan natin na “umaasenso,” aba’y congrats dito kay ‘Sabater’ na balita natin ay kasama pala sa mga pinagpala ng IG, ehek, ng BOC sa ngayon!

May kilala kasi tayong “Sabater” noong araw na tagatimpla ng kape, ehek, empleyado nitong dating matikas sa pantalan na si ‘Boss Dobrands.’

Subalit, ganyan talaga ang kapalaran, bumagsak at nawala na sa eksena sa pier itong si Boss Dobrands kaya nawala na rin ang kanyang “kaharian.”

Kaya nga, kung iisang “Sabater” ang pumuputok na pangalan sa loob at labas ng tanggapan ng IG, aba’y natutuwa naman tayo dahil talagang ang buhay, “weder-weder” lang!

Mabuhay at paghusayan pa ninyo, mga bosing! ‘Strike while the iron is hot,’ wika nga!

Translation? Hangga’t walang imbestigasyon, magpakasarap na kayo, hehehe!