Nagkalat si Mayor Zamora sa hostage drama!

NGAYON lang ako nakakita ng hostage taking na nagmistulang Senate at House investigation cum city jail riot. May panel pa talaga ang mga boss ng  hostage taker na guwardiya na kanyang  pinag-resign!

Kung gagraduhan ko si San Juan City Mayor Francis Zamora from 1 to 10 sa performance niya sa hostage drama, kung may mas mababa pa sa 1, iyon na siguro ang grade niya.

Hindi ako makapaniwala na nasa area si Mayor Francis, mas mabuti pang nagkuwari na lang siyang nasa abroad para hindi na natin nakita ang kanyang kapasidad na humawak ng sitwasyon.

Very poor ang crowd handling ng pulis at ng city government, nagmistulang extension ng Greenhills tiangge ang hostage dahil sa dami ng taong nagkarambola sa perimeters ng ground zero.

Buwenas pa rin ang San Juan dahil mabait at matino pa rin ang guwardiyang nang-hostage kaya naging happy ending. Kung baltik din yan katulad ng nang-hostage sa Maynila, ubos siguro ang lahat ng taong pakalat-kalat, kasama na si Mayor Zamora.

Nakapagtataka na habang nagaganap ang hostage taking, nasa loob pa rin ang mga customers at mga empleyado. May mga reporters pa sa second floor sa loob mismo ng mall kahit mahigit apat na oras nang nagaganap ang hostage.

Business as usual sa gitna ng krisis! Nakakabalisawsaw kayo, ha!

Hindi ba’t ang standard operating procedures sa mga ganitong sitwasyon ay magkaroon ng evacuation sa building, lalo na’t maaga pa lamang ay natukoy na nasa admin office lang ang 30 hostages at ang hostage taker?

Habang nasa first stage ng evacuation ay ikordon naman ang ground zero sa distansiyang ligtas ang lahat at off limits sa kahit sinong tao, maliban sa law enforcement at grupo ng negotiators?

Hindi ko alam kung under acting or overacting kasi, isinara pa pati iyong Connecticut at Wilson Streets entrance sa Ortigas area gayong almost 2 kilometers away na iyon sa Vmall! Tapos iyong dalawang dipa mula sa Vmall, hayun, nagpipista ang mga tsismoso’t tsimosang paikot-ikot.

Ano ba iyon Mayor Z?

Ang exclamation point dito, talagang pinayagan pang makapag-press conference ang hostage taker.  Ang ibig sabihin lang nito, hindi puwedeng ground commander si Mayor Zamora sa mga crisis situation dahil magmumukhang perya ang seryosong sitwasyon.

***

Huwag na nating hanapan ng delicadeza si Senadora Grace Poe sa pagsusumiksik niyang ibandera ang pagiging supporter, investigator at income earner ng ABS CBN.

Wala sa bokabularyo ni Madame Grace ang etikita at delicadeza kaya nga sinunggaban niya ang franchise hearing in aid of grandstanding kahit dapat nasa Kongreso ang poder.

Hanggang ngayon, mainit pa rin sa social media ang karakter ni Madame Grasya. Hindi raw nila alam na si Poe na rin pala ang may-ari ng Grab kasi panay grab niya sa pagkakataon sa tuwing mapag-uusapan ang prangkisa.

Isipin nyo naman, talent ng dos ang nanay niya, may royalty sila sa teleserye, tapos senador pa siya ng bayan. Saan ka pa?

Tapos, haharap sa camera para sabihing may prinsipyo siya.

Hay ang sarap mag-leche flan ng kapalmuks!

allanpunglo@gmail.com