Nakabitin si Senator Ping!

February 07, 2019

KAHIT ‘talo’ sigurado akong taas noo pa rin si Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson ngayon!

Dahil hanggang sa kahuli-hulihang debate sa Bicameral Conference Committee (Bicam) ay nanindigan siyang hindi dapat palusutin ang multi-billion peso na halaga ng ‘pork insertions’ ng mga kasamahan, hindi lamang sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, kundi pati na rin sa Senado.

Kahapon, inamin na ni Lacson na wala na siyang magagawa hinggil sa pork insertion sa 2019 national budget.

Desidido na kasi ang  dalawang kapulungan na aprubahan ang nabuong bersyon ng Bicam.

Aniya, sa kabila ng masinsinang debate, hindi pa rin nawala ang tig-160 milyon peso ng bawat kongresista maging ang bilyong-bilyong insertion ng ilang senador.

Ang maganda lamang aniya sa nangyari ay natapyas ang kuwestiyunableng pondo para sa mga flood control, dredging, desilting at deepening projects na kadalasang pinagmumulan ng iregularidad.

Tinanggap din ang amendments sa budget ng Department of Health at ang malaking bahagi ng kanyang mga institutional amendents kabilang na ang 240-day a year ‘feeding program’ ng mga ‘wasted at nearly wasted school children’ kasama ang dagdag allowance ng mga guro.

Muling magko-convene ang Bicam meeting ngayong umaga para aprubahan ang kanilang report upang maisalang ito sa ratification ng dalawang kapulungan sa hapon.

Nakahahanga ang ginawang pag-iingay ni Ping para sa ‘pork insertions’ ng mga mambabatas. Ang mas nakakabilib, pati mga kasamahang senador ay ‘napitik’ ni Lacson.

Ani Ping, may ilang senador ang diumano’y sangkot sa ‘horse trading’ para protektahan ang kanilang P23 billion pork allocations.

Sa tapang ni Ping, kitang-kita natin ang kanyang determinasyon para labanan ang lahat ng uri ng pork barrel.

Nakamamangha rin ang kanyang tiyaga -- pati siyempre ang kanyang support staff -- sa paghimay sa panukalang pondo ng bayan.

Alam nating ‘outnumbered’ si Ping pagdating sa bilangan sa ratipikasyon ng 2019 General Appropriations Act na may kabuuang pondo na P3.757 trillion.

Pero tulad ng sinabi ko, kahit talo siya sa bilangan at botohan sa pag-apruba ng budget, malaking bagay na rin ito para hangaan siya ng lahat.

Ang problema lang, bitin ang taumbayan kay Senator Ping.

Dapat kasi ay pangalanan na niya isa-isa kung sinu-sino sa mga kapwa niya senador ang may sarili ring ‘insertions’ sa pondo ng taumbayan.

Para masabi naman natin na wala talagang sinisino ang lodi nating senador.

Dapat hindi prumereno si Ping para pangalanan isa-isa ang mga congressmen na may P160 million ‘pork barrel’ at mga kasamahang senador na bahagi ng P55 billion na ‘toilet park allocations’ sa Senado.

Kasi, inumpisahan na niya ang laban, dapat tapusin na niya ito alang-alang na rin sa kabutihan ng taumbayan.

Para naman hindi siya mapaghinalaan na ‘iba ang tinitingnan sa tinititigan!’