Nakakahiya na naman ang PNP!

“MAHABANG panahon” pa yata talaga ang kailangan, mga kabayan, bago tuluyang tumaas ang kredibilidad at respeto ng publiko sa ating pambansang pulisya.

Dangan nga kasi, patuloy pa rin sa pagkasangkot sa mga gawaing tiwali -- at nakakahiya -- ang ating mga pulis.

Tingnan na lang ang nangyari noong Martes sa Maynila sa dalawang ‘hired killers’ na pinatay ng mga hinihinalang miyembro ng ‘drug syndicates’ sa loob mismo ng MPD police car.

May ‘escort’ pang dalawa ring pulis, sina PO1 Joven Miguel at, PO2 Mark De Lima ang mga suspect na sina Apolonio Flores at Patrick Cortez upang “tiyakin” ang kanilang kaligtasan subalit wala rin, patay pa rin sila sa mga salarin.

Sa detalye ng kahiya-hiyang insidenteng ito na alam na ng karamihan sa atin, hindi kasi lumaban, bagkus, buong giting na agad “sumuko” sa mga salarin itong sina Miguel at De Lima nang harangin ang kanilang ‘patrol car’ sa kanto ng Fajardo at Lacson streets sa Maynila.

Bukod sa matagumpay na naisagawa ang krimen, matagumpay din na nakatakas ang mga suspek --tangay ang baril ng dalawang pulis, huwahh!

* * *

Marami na ngayong “espekulasyon” kung bakit “itinumba” itong sina Flores at Cortez na umano’y mga ‘hired killers’ din ng isang ‘drug syndicate.’ Subalit, para sa ating paksa, malinaw na “kaduwagan” ang ipinakita nitong sina De Lima at Miguel.

Ang ipinagsisintir pa ng mga miron, sa halip na agarang tanggalan ng “tsapa” at ipasok sa karsel itong sina De Lima at Miguel habang isinasagawa ang imbestigasyon, ang unang naging desisyon ng liderato ng Manila Police District (MPD) ni district director, Vicente Danao, ay “pauwiin” sa kani-kanilang mga bahay ang dalawa upang “magpahinga” dahil umano sa ‘trauma.’

Ay sus, hindi ba, DILG Secretary Ed Año?

May ganito rin bang ‘baby treatment’ sa hanay ng mga sundalo ng ating Sandatahang Lakas (AFP) na sumabit sa ganitong malaking kahihiyan sa serbisyo?

Wala sa ating pagkakaalam, mga kabayan kaya, “only in the PNP,” yeheyy, ayy, huhuhu!

Sinusulat naman natin ito, “nag-iimbestiga” pa rin ang PNP kung mayroon umanong “lapses” sa ‘PNP protocol’ itong dalawang pulis-patola kaya susme na naman, hindi ba, mga kabayan?

Yun bang…  hindi nakapalag ang mga police escort, nadisarmahan at napatay pa ang kanilang “binabantayan,” wala pa bang ‘lapses’ sa  ‘protocol’ na nangyari? Ano ba namang kabobohan ito, hindi ba, Pang. Rody?

At hindi rin ba dapat, “binoboldyak” mo itong si DD Danao ‘for weak leadership’ sa MPD na nagbabantay sa “kapitolyo” ng bansa?

Eh bukod kasi sa “ginagasgas” ni DD Danao ang kanyang ‘connect’ sa ‘Davao Group’  (translation: “rekta” siya kay PDU30), ano na lang ang sasabihin ng mga turista sa ‘peace and order’ sa Maynila kung malayang napapatay ang mga suspek sa loob mismo ng police vehicle sa sentro ng Maynila, aber?

‘Yan ba ang klase ng opisyal na “ipapalit” umano ni PDU30 kay NCRPO director Guillermo Eleazar at Chief PNP Oca?

‘Police district’ nga hindi niya “mapatino,” buong bansa pa kaya? Susmariosep naman, hindi ba, kasamang Dave Veridiano?

Ang ganito ring palusot na sablay mga kabayan ng MPD ay hindi katanggap-tanggap para sa publiko na sumusuporta sa mga repormang isinusulong ni Chief PNP Oscar Albayalde at Sec. Ed Año upang maibalik ang “ningning” ng PNP at ang tiwala dito ng taumbauyan.

Ano ba kasi ang pinagkaiba ng palusot na ito sa palusot din ni Calabarzon RD Edward Carranza sa brutal na pagpaslang noong Disyembre 10, 2018, kay Richard ‘Red’ Santillan?

Eh, mantakin ba naman ninyo, mga kabayan, higit 20 ang balang tumagos sa katawan ni Santillan, bukod pa sa mga nakitang signs of torture’ sa kanyang katawan.

Pero ang ‘STL’ (story-telling-a-lie) ni RD Carranza ayon na rin sa mga kabaro niyang pulis, “iimbestigahan” kung may ‘excessive use of force’ ang kanyang mga bataan nang paslangin nila si Santillan, ay susme naman talaga, hindi ba?

Kahapon naman, sa regular na media forum ng NPC, ibinulgar ni Atty. Florante Miano (na umano’y “pinsan” ng ating kaibigan na si ex-PNP general, Jonathan Miano), na patuloy pa ring mga “protektor” ng “tengwe” (jueteng) ang dalawang police chief ng Pangasinan at kahit ang opisyal doon ng CIDG na si Col. Philip Antang.

Si Miano ang legal counsel ng ‘Speedgame, Inc. (SGI) na kasamang nagsampa ng kaso sa Ombudsman noong Miyerkules laban dito sa mga pulis-Pangasinan na anila ay “kumpirmadong protektor” ng jueteng doon.

Eh, sa lakas ng “kubransa” ng jueteng sa Pangasinan dahil nga “nakapatong,” agh, “nakapayong,” ang CIDG at sina San Carlos City police chief, Lt. Col. Rollyfer Capoquian at San Fabian COP, Major  Melecio Mina, “nalulugi” na umano ang kanilang operasyon ng higit P2 milyon bawat araw!

Kapansin-pansin din, aniya, na “malamig” ang responde sa kanila ng mga pulis-Pangasinan sa tuwing magrereklamo sila hinggil sa talamak na operasyon ng jueteng.

Kung bakit, eh, “alam na this,” hindi ba mga kabayan?

Gusto nating maniwala, peksman kasamang Non Alquitran, na mas maraming “matinong pulis” kumpara sa bilang ng mga “tolonges” at mga korap sa loob ng PNP.

‘Yun nga lang, kung patuloy na may nga nakakahiyang insidente na sangkot ang mga pulis, eh “pasensiyahan” kung palaging “tamang hinala” pa rin ang publiko!