#NandyanAngPangulo, #NandyanAngGobyerno!

MAGKAKASUNOD na lindol ang yumanig sa bansa sa nakalipas na araw.

Natapos lamang ang Pasko ng pagkabuhay, niyugyog ang iba’t ibang panig ng Pilipinas ng malalakas na lindol, mula Luzon, Visayas at Mindanao.

Palatandaang anumang oras mula ngayon ay posible pang magkaroon ng lindol at hindi malayong maganap ang kinatatakutang ‘The Big One,’ na huwag naman sanang mangyari.

Sa gitna ng magkakasunod na lindol, nakatutuwa pa ring isipin na ‘hands on’ ang Pangulong Duterte. Malayo ito sa naging isyu noon na #NasaanAngPangulo o #NasaanAngGobyerno dahil sa tuwing may kalamidad, krisis at trahedya, ang Noynoy Aquino na Presidente ng bansa noon ay hindi man lang mahagilap.

Unang bigyan natin ng papuri si Pampanga Gov. Lilia ‘Nanay’ Pineda dahil wala pang isang oras matapos ang lindol noong Lunes, maagap ang ginawa nitong pagtulong, pagdamay sa mga kababayang Kapampangan.

Dapat ding saluduhan ang mga  Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protections (BFP), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Health (DoH), Metro Manila Development Authority (MMDA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Interior and Local Government (DILG), Phivolcs, Bases Conversation and Development Authority (BCDA) at iba-iba pang rescue volunteers.

Sa personal na ‘briefing’ sa Pangulong Duterte, sinabi ng kanyang mga Gabinete na may sapat na pondo ang pamahalaan na magagamit pangtustos sa inisyal na gastusin sa mga nabiktima ng lindol — sugatan man sila o pamilya ng nasawi.

Sa puntong ito, maaari nang palitan natin ang #NasaanAngPangulo at #NasaanAngGobyerno ng #NandyanAngPangulo at #NandiyanAngGobyerno.

Kaugnay nito, sinabi nina reelectionist Senator Sonny Angara at JV Ejercito na napapanahong paghandaan ang mga ganitong uri ng kalamidad.  

Muling nanawagan si Angara na magkaroon ng ‘disaster risk education mandatory’ sa lahat ng curriculum sa elementarya upang bata pa lang ay mapaintindi na sa mga bata ang importansya ng paghahanda, alerto at mga dapat gawin sa tuwing may kalamidad.  

“Since we live in a country where earthquakes and typhoons are very common, it is imperative that every Filipino is equipped with the basic understanding and knowledge of disaster preparedness and response,” ani Angara.

Dagdag ni Angara: “We can start by teaching our children how to prepare for and respond to different types of calamities. We have to produce a generation that knows how to deal with threats posed by natural disasters and climate change.”

Ang panukalang ito ay kabilang sa inihain niyang Senate Bill 1994 noong nagdaang taon na naglalayong magkaroon ng sariling departamento sa gobyerno na may kinalaman sa pagtulong at kahandaan sa kalamidad.

Ang panukalang ito ay ang pagkakaroon ng Department of Disaster Resilience, isang sangay ng pamahalaan na silang kukumpas at mangangalaga sa tuwing may kalamidad sa Pilipinas.  

Samantala, ganito halos rin ang panukala ni Senator JV ‘The Good One’  Ejercito na nagsabing panahon na para mapagtibay ang planong magkaroon ng ‘disaster management department.’

“I will pursue it kung sakaling palarin tayo, tatrabahuhin ko sa Senado na magkaroon tayo ng isang full-fledged Department of Disaster and Emergency Management in the same manner that I pursued the creation of the Department of Human Settlements and Urban Development, which is now a law,” ani Ejercito.

Sa inihaing Senate Bill 1553, nais ni JV na magkaroon ng departamentong walang ibang gagawin kundi palakasin ang impormasyon sa paghahanda sa sakuna at sila rin unang mangagalaga sa tuwing may kalamidad.

Sa panahon kasi ngayon — bagaman kumikilos ang iba’t ibang departamento ng pamahalaan — marami pang ‘resoketos’ ang dapat gawin sa larangan ng koordinasyon sa aspeto man ng pagtulong, pag-rescue at iba pang mga dapat gawin sa tuwing may kalamidad.  

“Since the Philippine is situated along the Pacific Ring of Fire, it is prone to typhoon, volcanic eruption, and earthquake, kailangan siguro itong NDRRMC (National Disaster Risk Reduction and Management Council) ay gawin nang Department of Disaster and Emergency Management para buong taon nagsasanay, naghahanda, at nagtuturo sa ating mga kababayan ng dapat gawin kapag may disaster,” sabi pa ng anak ni Manila Mayor Joseph ‘Erap’ Estrada.  

“What we really need is preparedness to prevent casualties, minimize injuries. We need a full-fledged department na hindi tuwing may disaster lang nagmi-meeting,” dagdag pa nito.  

Sa  2016 World Risk Report na inilathala ng  United Nations University Institute of Environment and Human Security, lumilitaw na Pilipinas ang pangatlo sa bansang lapitin ng trahedya at kalamidad sa buong mundo.