Nang-hostage na sikyu ginipit ng tiwaling agency?

March 05, 2020

MUKHANG nagkalat na naman ang Special Weapons and Tactics (SWAT) ng Philippine National Police sa San Juna, Metro Manila kamakailan. Bagamat natapos ang hostage-taking sa Greenhills shopping area ng walang namatay, muli na naman tayong natawa sa mga eksena na kinasangkutan ng SWAT.

Hindi ko maipaliwanag kung bakit isang katutak na SWAT ang rumesponde sa hostage-taking gayung iisa lang naman ang kanilang kalaban. Tuloy, nagmistulang sasabak sa giyera ang espesyal kuno na mga pulis.

Umabot sa sukdulan ang katatawanan nang kuyugin ng SWAT ang nagtatalumpati matapos sumuko ang salarin. Aba e daig pa ng eksena ang isang malupit na agawan ng bola sa larong rugby.

Hay naku, akala natin ay natuto na ang SWAT sa kapalpkan nila sa Manila Grandstand hostage-taking nuong 2010 na ikinahiya ng maraming Pilipino.  

Baka naman may balak ang PNP na isailalim ang SWAT sa modernong pagsasanay sa pakikipaglaban nang hindi ito mapagtawanan. Kung wala naman ay huwag tanggalin na lang letrang S sa SWAT para WAT na lang.  

Bakit? Hindi naman kasi special ang kanilang weapons and tactics.

***

He was pushed to the wall.

Ito ang tingin ni Labor Secretary Silvestre Bello sa security guard na nang-hostage sa Greenhills. Aniya, hindi gagawin ng sikyu ang nasabing krimen kung hindi siya nadesperado.

Ipinaliwanag ni Bello na maraming sikyu ang biktima ng mga pasaway na security agencies na hindi nagbabayad ng kanilang Social Security Contribution, Pag-Ibig, PhilHealth at iba pang  benepisyo ng mga security guards.

Hinala ni Bello, napuno ang sikyu sa mga katiwalian ng mga security agencies.

Upang hindi na maulit ang ginawa ng sikyu, inatasan ni Bello ang mga opisyal ng DOLE na siguruhin na ang lahat ng security agencies sa bansa ay sumusunod sa mga batas partikular ang may kinalaman sa benipisyo ng mge gwardiya.

Samantala, nilinaw naman ni Bello na hindi niya kinukunsinti ang pangho-hostage ng sikyu. Aniya, kailangan niya ring panagutan ang kanyang ginawang kasalanan.

Hindi niya dapat inilagay sa sarili niyang kamay ang batas, dagdag pa ni Bello.

***

Sa ganang akin naman, lahat ng tao ay nagkakamali lalo pa’t tayo ay nabubuhay sa mundo na puno ng paghamon.

Ang mga security guards ay hindi iba sa atin. Sa katunayan, may mga katangian sila na higit na mas mabuti sa tinataglay ng karamihan.

Isipin niyo na lang kung sino ang nagbabantay sa ating mga komunidad at tahanan habang tayo ay nahihimbing sa mahabang pagkakatulog?

Sino ang handang magbuwis ng buhay kung kinakailangan sa oras ng kagipitan?

Minsan makulit at suplado ang mga sikyu ngunit dala ito ng kanilang tungkulin.  Mainam na kaibigan ang mga sikyu lalo na kung tinatrato sila ng tama.

**

For comments, please call or text 0905580126 or email lastmohican2004@yahoo.com