Nasaan ang National Pandemic Influenza Plan ng Pilipinas?

February 01, 2020

SA gitna ng pagsiklab ng novel corona virus sa Asya at Europa, kailangan ilabas ng Department of Health ang National Pandemic Influenza Plan  (NPIP) upang hindi manatiling bulag ang taong bayan sa mga dapat gawin upang maiwasan ang paglaganap ng sakit na ito mula sa Wuhan City, Hubei Province ng Peoples’ Republic of China. Ito rin ang magiging batayan ng taong bayan kung kulang, tama o mali ang mga hakbang na ginagawa ng DoH, lalo  na ng Kalihim nito na mas matimbang pa sa kanya  ang ugnayan ng Pilipinas at Tsina kesa sa kalusugan ng mga Pilipino.

1918-19 sumiklab ang Spanish Flu o H1N1 virus ng patapos na ang World War I.  Tinataya ng CDC (Centers for Disease Control and Prevention, Atlanta, USA) na mahigit 50 milyon tao ang namatay dito sa buong daigdig at 675,000 ay mula sa Amerika.  Mas marami pa ang namatay sa Spanish Flu kung ihahambing sa bilang ng mga namatay sa digmaan ng WWI at WWII. Para lalong maunawaan ang lubha ng epekto nito sa mundo, 72 sa 80 may edad na nakatira sa Brevig Mission, Alaska ang namatay sa Spanish Flu sa loob lamang ng tatlong linggo.

Dahil sa malagim na pangyayaring ito, ang mga bansa sa daigdig ay nag–ukol ng panahon at pera upang matuklasan saan nagmula ang virus ng Spanish Flu, at ano ang mga puedeng gawin upang hindi lumaganap  ang ibang virus strains nito. Kabilang na dito ang mga bakuna, anti-viral drugs, anti-biotics para sa secondary bacterial infections na bunga ng influenza, at mga personal protective equipment ng mga healthcare workers  upang sila ay hindi mahawa sa kanilang mga pasyente. Kanya naman naaabatan agad ang SARS, MERS,  at Ebola. Subalit aminado ang lahat ng mga eksperto na darating ang araw na may bagong viral strain  ng pandemic flu na sobra ang kamandag at ito’y   dapat paghandaan  at pagtulungang labanan ng lahat ng bansa sa mundo.

Ang World Health Organization (WHO) ay nagpalabas ng mga dapat gawin ng mga bansang miyembro nito upang makapagbalangkas ang bawat isa ng kanilang National Pandemic Influenza Plan para maging handa sa pagharap sa pandemic.  

Ang pinakabagong  Pandemic Influenza Plan 2017 ng Amerika ay may 7 domain: Surveillance, Epidemiology and Laboratory activities; Community Mitigation Measures; Medical Counter-measures, diagnostic devices, vaccines, therapeutics, and respiratory devices; health care system preparedness and response activities; communications and public outreach; scientific infrastructure and preparedness; Domestic and International Response Policy, Incident Management and Global Partnerships and capacity building.  Mayroon ba tayong ganito sa Pilipinas, Sec. Duque?

Bakit ayaw sabihin ni Sec. Duque  na nasa San Lazaro Medical Center  Pediatric Intensive Care Unit ang isang  babaeng Tsino na may edad 38 at kasalukuyang may “intubation”? Ang pasyenteng ito ay mula Wuhan at dumating sa bansa nuong Enero 21, 2020.  Lalong  aalihan ng sindak ang taong bayan sa ganyang paglilihim ni Duque ng mga bagay na ito .  Imbes na kumalma ang taong bayan, aba ay lalong maniniwala sa tsismis ang tao sapagkat walang  inilalahad sa kanila ang DoH liban sa uminom ng tubig at panawagan na huwag alihan ng sindak.

Totoo, nakaraos tayo  sa SARS at MERS  at Ebola. Subalit iyon ay panahon na hindi pa pumipihit  ang  patakarang panlabas ng bansa sa China. Ngayong pilit na sinusuyo ng administrasyon ang bansang sumakop ng Scarborough at Spratlys, dumami na ang bilang ng mga Tsinong turista sa Pilipinas. Maraming direct flights na masasakyan sa China-PH destinations.  Madaling kakalat ang sakit mula sa China patungo sa Pilipinas.

Grabe ang mobility ng tao sa buong daigdig ngayon.  Nuong  1918, 1.8 bilyon ang tao sa buong daigdig. Wala pang  ganoon karaming mga eroplano ng mga panahong iyon subalit 50 milyon ang namatay. Ngayon 2020, 7.8 bilyon na ang populasyon ng daigdig at ang mobility ng tao ay bumilis at guminhawa sa dami ng eroplano, tren, barko sa paglalakbay sa iba’t ibang bansa. Ang isang taong may pandemic flu  ay kayang makahawa ng 10 tao. Mabilis  din lalaganap at kakalat sa buong mundo ang sakit dahil lahat ng tao ay mga “human incubators” ng  mikrobyo. At ang mga maseselang bahagi ng populasyon na madaling mahawa ay mga bata, mga senior citizens,  at may diabetes at sakit sa kidney sapagkat ang mga uri ng taong ito ay mahina ang mga  immune systems.  Nakakatakot isipin kung ilang daang milyon ang maaaring mamatay sa pandemic flu. Mababago ang buhay ng tao sa buong mundo sapagkat apektado di lamang ang pamilya kung hindi buong lipunan at bansa.

Pandemic ang tawag sa novel corona virus sapagkat lumalaganap ito sa iba’t ibang bansa at kontinente. Epidemic lang kung sa isang lugar lang ito umiikot.  Pandemic dahil mula sa hayop ang pinagmulan ng virus tulad ng baboy at ibon.  Iba ito sa seasonal flu. Hindi pa alam kung ilang H at N mayroon ito at walang bakuna o gamot para dito.  Sa seasonal flu,  alam na ang viral strain at may gamot ng nakahanda para dito. Novel sapagkat bago ito sa tao.  Kailangan tayong patuloy magdasal para mahabag sa atin ang Diyos sa panganib ng novel corona virus  sapagkat kaawa-awa tayo  dahil malakas ang  kutob ko na  hindi nakahanda ang Pilipinas  para  harapin ang pandemic novel corona virus.